Hindi hadlang sa pag-unlad

Bagaman hindi dapat pabayaan ang pag-aaral o paghahanapbuhay sa dahilang kailangan din ang mga ito, masama at mali na dahil sa mga ito ay mawalan na ng puwang sa ating puso ang mga salita ng Diyos.

Ni DOMINGO C. JORGE

IBINUBUHOS NG MARAMI ang kanilang panahon sa pagtatrabaho o pag-aaral sa hangaring mapabuti at mapaunlad ang kanilang kalagayan sa buhay. Ngunit nakalulungkot isiping sa matinding paghahangad ng iba na sila’y umunlad ay wala na silang nalabing panahon para sa paglilingkod sa Diyos. Ang lalong masama, inaakala ng iba na hadlang lamang sa pag-unlad ng kabuhayan ang paglilingkod sa Diyos. Tama kaya ang ganitong isipan?

Salungat sa ganitong kaisipan, pinatutunayan ng Biblia na hindi hadlang sa pag-unlad ng buhay ang paglilingkod sa Diyos. Ang naging kapalaran ng mga unang lingkod ng Diyos ay matibay na patotoo:

“Ito ang ginawa ni Ezequias sa buong Juda, tinutupad ang mabuti, matuwid at tapat sa harapan ng PANGINOON niyang Dios. Hinanap niya ang kanyang Dios at buong-pusong gumawa sa bawat bagay na ginawa niya sa paglilingkod sa templo ng Dios at bilang pagsunod sa kautusan at mga tuntunin niya.  Bunga nito, siya ay umunlad.” (II Cron. 31:20–21 New Pilipino Version)

Si Haring Ezequias ay umunlad dahil sa buong puso niyang pagsunod sa kautusan at mga tuntunin ng Diyos. Gumawa siya at naglingkod sa templo ng Diyos, na dahil dito ay tinupad ng Diyos ang matibay na pangako Niya sa mga maglilingkod sa Kaniya. Ganito ang mismong pahayag ng Diyos:

“Akong si Yahweh ang siya lamang ninyong paglilingkuran.  Kung magkagayon, pasasaganain ko kayo sa pagkain at inumin, at ilalayo sa anumang karamdaman.” (Exo. 23:25 Magandang Balita Biblia)

Nangako ang Diyos na pasasaganain Niya ang maglilingkod sa Kaniya. Noon pa man ay tinupad na ito ng Diyos sa mga naunang lingkod Niya—kina Abraham (Gen. 13:2), David (I Cron. 29:2–5), Solomon (II Cron. 31:20–21), at marami pang iba.

Binigyang-diin ng Panginoong Jesucristo na dapat ipagpauna ng tao ang paghanap sa kaharian at katuwiran ng Diyos kaysa sa mga panlupang pangangailangan. Ang sabi Niya:

“Kaya huwag kayong mangabalisa, na mangagsabi, Ano ang aming kakanin? o, Ano ang aming iinumin? o, Ano ang aming daramtin? … Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” (Mat. 6:31, 33)

Pagkatapos na harapin ng tao ang kaharian at ang katuwiran, ang ibang mga bagay ay pawang idaragdag sa kaniya. Ang kaharian ay ang kawan o ang Iglesia Ni Cristo (Lucas 12:32; Gawa 20:28 Lamsa Translation) at ang katuwiran ay ang ebanghelyo (Roma 1:16–17). Kaya, kung pinahahalagahan ng tao ang paggawa upang sumagana sa buhay na ito, higit niyang dapat pagsikapan—at ipagpauna—ang paghanap sa tunay na Iglesia Ni Cristo at ang pananatili sa ebanghelyo na ipinangangaral dito. Ayon sa Panginoon, kapag ito’y nagawa ng tao, ang lahat ay pawang idaragdag sa kaniya. Kung gayon, hindi hadlang ang pag-anib sa tunay na Iglesia Ni Cristo sa pag-unlad ng kabuhayan.

“Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”

Mateo 6:33

Kung bakit ipinagwalang-bahala

Sa kabila ng katotohanang hindi sagabal sa pag-unlad ang matapat at masigasig na paglilingkod sa Diyos ay ipinagwalang-bahala pa rin ito ng iba. Sinabi ng Panginoong Jesucristo ang dahilan:

“Ngunit sila’y naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, naging maibigin sa mga kayamanan, at mapaghangad sa iba pang mga bagay, anupa’t ang Salita’y nawalan na ng puwang sa kanilang mga puso kaya’t hindi sila nakapamunga.” (Mar. 4:19 mb)

Ito ang nasasaksihan natin ngayon. Kapag paglilingkod at pagsunod sa utos ng Diyos ang iaalok sa tao, ang karaniwang sagot ay “Saka na, may trabaho ako,” “Wala akong panahon dahil sa negosyo ko,” “Hindi ko maaasikaso iyon, nag-aaral ako,” o kaya ay “Saka na kung may oras ako.”

Bagaman hindi dapat pabayaan ang pag-aaral o paghahanapbuhay sa dahilang kailangan din ang mga ito, masama at mali na dahil sa mga ito ay mawalan na ng puwang sa ating puso ang mga salita ng Diyos. Masamang ipagwalang-bahala ang paglilingkod at ubusin ang panahon sa mga bagay ng panlupa o materyal.

Ano pa ang dahilan at ang iba’y hindi makasunod o hindi makapaglingkod sa Panginoong Diyos, o kung naglilingkod man ay hindi naman nakapagpatuloy? Ganito ang mababasa sa Biblia:

“Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris, Na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik; Isang lahing di marunong magtiwala at magtiis, Ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig. … Kinalaban nila ang Diyos nang sabihin ang ganito: “Sa gitna ba nitong ilang mabubusog niya tayo?” (Awit 78:8, 19 mb)

May mga taong hindi marunong magtiwala at magtiis. Ang kanilang pag-asa ay marupok—kulang sila sa pananalig. Ang isipan nila ay gaya ng sa mga Israelita—kulang sa pagtitiwala sa magagawa ng Diyos. Kaya, mahirap silang hikayatin sa paglilingkod.

Ano ang kasamaan ng mawalan ng tiwala sa Diyos at bagkus ay sa kapuwa-tao ibaling ang pagtitiwala? Sinasabi ng Diyos:

“Parurusahan ko ang sinumang tumatalikod sa akin, at nagtitiwala sa kanyang kapwa, sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay. Ang katulad niya’y halamang tumubo sa ilang, sa lupang tigang, at sa lupang maalat na walang ibang tumutubo; walang mabuting mangyayari sa kanya.” (Jer. 17:5–6 mb)

Parurusahan ng Diyos ang hindi nagtitiwala sa Kaniya, bagkus ay nagtitiwala sa kapuwa-taong may hangganan ang buhay. Ang katumbas nito ay pagtalikod sa Diyos. Kaya, maling akalain ng tao na ang buhay niya ay bubuti dahil sa kaniyang kapuwa o dahil sa sarili niyang kakayahan o magagawa.

Upang maging mabuti ang lahat

Ang Panginoong Diyos ay may itinatagubilin para sa ikabubuti ng tao:

“Kundi ibinigay ko pa ang utos na ito: Sundin ninyo ako, at ako ang magiging Dios ninyo at kayo ang magiging bayan ko.  Lumakad kayo ayon sa lahat ng landas na iniutos ko sa inyo, at magiging mabuti ang lahat para sa inyo.” (Jer. 7:23 npv)

“Sundin ninyo ako, ... Lumakad kayo ayon sa lahat ng landas na iniutos ko sa inyo, at magiging mabuti ang lahat para sa inyo.”

Jeremias 7:23

New Pilipino Version

Hinihikayat tayo ng Diyos na sumunod sa Kaniya at lumakad sa lahat ng landas na iniutos Niya upang maging mabuti ang lahat para sa atin:

“Maglingkod sa Diyos nang buong sigla. Humarap sa kanya nang may awit na masaya. Kilalanin na ang Panginoon ay Diyos. Nilikha niya tayo at tayo ang kanyang bayan, ang kawan ng kanyang pastulan.” (Awit 100:2–3 Biblia ng Sambayanang Pilipino)

Mapalad ang mga taong buong-pusong sumasamba at buong-siglang naglilingkod sa Panginoong Diyos. Hindi sila maghihirap sa buhay na ito. Ganito ang pagtuturo ng Banal na Aklat:

“Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Diyos! Nasasabik ang lingkod mong sa patyo mo ay pumasok. Ang buo kong pagkatao’y umaawit na may lugod, Sa masayang pag-awit ko pinupuri’y buhay na Diyos. … Ikaw ang haring dakila, ang tunay naming sanggalang, Kami’y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal. Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay Sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.”
(Awit 84:1–2, 11 mb)

Ang masiglang sumasamba at naglilingkod sa Diyos ay pagpapalain Niya at hindi pagkakaitan ng anumang mabuting bagay. Hindi sila magdarahop. Kaya, ang mga pinagkalooban ng karapatang maglingkod sa Diyos ay dapat na magpakasigla. Hindi sila dapat tumigil sa pagpapahayag ng pagliligtas ng Diyos (Awit 40:8–10). Bukod dito, dapat nilang tuparin ang kanilang tungkulin upang magtagumpay sa lahat ng kanilang gagawin (I Hari 2:3). Tiyak na magtatagumpay ang mga tumutupad ng kanilang tungkulin sapagkat tutuparin ng Panginoong Diyos ang Kaniyang pangako (I Hari 2:4).

Ang kapalaran
Mapayapa ang buhay, matatag, at hindi mabubuwal ang mga nagmamahal sa mga utos ng Panginoong Diyos. Kakamtin nila ang Kaniyang pagliligtas sa kabila ng masisidhing kahirapan at matitinding kalamidad:
“Ang magmahal sa utos mo’y mapayapa yaong buhay, Matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal.” (Awit 119:165 npv)
Kung sa buhay na ito ay makasagupa ng mga pagsubok, hindi dapat mawalan ng pag-asa, masiraan ng loob, o masindak ang sinumang naglilingkod sa Diyos:
“Maaaring magdanas ng maraming kahirapan ang taong matuwid, ngunit sa lahat ng iyon, ililigtas sila ng PANGINOON.” (Awit 34:19 npv)

“Ang magmahal sa utos mo’y mapayapa yaong buhay, Matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal.”

Awit 119:165

New Pilipino Version

Ililigtas ng Diyos ang matuwid. Ito ay tinupad Niya sa mga unang lingkod Niya na nagtapat sa paglilingkod sa kabila ng matitinding pagsubok. Ang mga halimbawa nito ay ang lingkod ng Diyos na si Job (Job 1:1–22; 2:1–10; 42:10–17) at ang propetang si Elias (Luk. 4:25–26; I Hari 17:1–16).

Kaya, gaano man katindi ang kahirapan at gaano man kasidhi ang kaguluhan sa mundo, ang naglilingkod nang tapat sa Diyos ay hindi dapat masindak ni masiraan ng loob dahil tiyak na ililigtas sila ng Diyos. Sa gitna ng mga kabagabagan ay ganito ang dapat nilang gawin:

“Ako sana’y nanglupaypay kundi ko pinaniwalaang makita ang kabutihan ng Panginoon. Sa lupain ng may buhay. Magantay ka sa Panginoon: Ikaw ay magpakalakas, at magdalang tapang ang iyong puso; Oo, umasa ka sa Panginoon.

“Isang bagay ang hiningi ko sa Panginoon, na aking hahanapin; Na ako’y makatahan sa bahay ng Panginoon, lahat ng mga kaarawan ng aking buhay, Upang malasin ang kagandahan ng Panginoon, At magusisa sa kaniyang templo. Sapagka’t sa kaarawan ng kabagabagan ay iingatan niya ako na lihim sa kaniyang kulandong: Sa kublihan ng kaniyang tabernakulo ay ikukubli niya ako; Kaniyang itataas ako sa ibabaw ng isang malaking bato.” (Awit 27:13–14, 4–5)

Dapat tayong umasa sa Diyos at lalong magtalaga sa pananalangin at pagsamba. Ganito ang wastong reaksiyon ng matuwid na lingkod ng Diyos sa harap ng mga kahirapan, kabagabagan, o pagsubok sa buhay. Kung gayon, lalo nating dapat pagtalagahan ang pagsunod at ang paglilingkod anuman ang mangyari sa mundo upang makatiyak tayo ng mga pagpapala ng Diyos.

Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.