ANG LAHAT NG BAGAY sa daigdig ay nagbabago. Ang tanging permanente, ayon sa iba, ay ang pagbabago. Sa paglipas ng panahon, gumagawa tayo ng pagbubulay at pagsusuri sa ating sarili upang gunitain at pag-aralan ang kani-kaniya nating karanasan—ang iba ay masasaya subalit ang iba’y totoong malulungkot.
Laging umaasa ang marami na sa hinaharap na mga panahon ay bubuti na ang kanilang kapalaran—magiging mas marami ang kanilang maliligayang sandali kaysa sa mga panahon ng kalumbayan, makababangon na ang kanilang kabuhayang iginupo at sinalanta ng nagdaang mga kalamidad, makaaahon na sila sa matinding kahirapan, mapapawi na ang lahat ng kanilang hilahil.
Ang mga hindi magagandang pangyayari sa buhay ng tao ay nagpapatunay na may hangganan ang pananaw ng tao at hindi niya kayang alamin ang mangyayari sa hinaharap. Sa mga pagkakataong pakiramdam ng isang tao ay kontrolado niya ang takbo ng buhay, may mga biglaang pangyayari na nagtutulak sa kaniya na mag-iba ng direksiyong tatahakin. Ang mga bagay na inaakala niyang matutupad ay biglang nauuwi sa kabiguan o nawawalan ng katiyakan, at wala siyang ibang magawa kundi ang gumawa ng paraan, depende sa kung ano ang sitwasyon.
Tunay na habang tayo’y nabubuhay, maraming nangyayari na ibang-iba sa o kabaligtaran ng ating inaasahan. Nagpaplano tayo, subalit laging naririyan ang posibilidad ng balakid. Ang mga opisyal ng pamahalaan, halimbawa, ay nakatanaw sa pag-usbong ng mga industriya sa bansa subalit nabibigo lamang sa bandang huli dahil sa biglaang pagbagsak ng ekonomiya. Ang isang negosyante ay umaasa na mapalago niya ang kaniyang naipundar na negosyo, subalit hindi ito kumita nang sapat dahil biglang dumating ang kalamidad o salot. May pagkakataong nabibigo tayong makarating sa ating pupuntahan dahil biglang nasira ang sasakyan. Nangangako tayo na ipapasyal ang ating anak, subalit hindi natutuloy dahil sa biglang pagkakasakit o iba pang emergency.
Dahil ang mga bagay ay tunay na walang kasiguraduhan, ipinayo ng mga apostol na: “Huwag ninyong sayangin ang panahon n’yo; gamitin n’yo ito sa paggawa ng mabuti, dahil maraming gumagawa ng kasamaan sa panahong ito” (Efe. 5:16 Salita ng Dios).
Mahalagang itanong ng bawat isa sa atin, “Paano ko nga ba ginugugol ang aking buhay?” Tandaan na minsan lamang tayo mabubuhay rito sa daigdig; kaya, hindi natin dapat sayangin ang oras. Pinatutunayan ng Biblia na: “May oras na nakatakda para sa lahat ng gawain dito sa mundo” (Ecles. 3:1 snd).
Kaya, gawin nating makabuluhan ang ating buhay. Gumawa tayo sa abot ng ating makakaya at bigyang prayoridad ang mga bagay na tunay na mahalaga. Itinagubilin ng mga apostol na: “… Ingatan ninyo ang inyong pamumuhay. Huwag kayong magpakamangmang, kundi maging marunong kayo. Samantalahin ninyo ang oras, sapagkat masama ang panahon”
(Efe. 5:15–16 Salita ng Buhay).
Lubhang mahalaga na magawa natin ito lalo pa nga’t maikli lamang ang buhay ng tao at hindi natin alam ang mangyayari sa hinaharap (Sant. 4:14).
Gaano kasamâ ang panahon natin ngayon kung kaya tinuturuan tayo na magpakatalino at gamitin nang wasto ang ating oras? Sinabi ni Apostol Pablo:
“Datapuwa’t alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib. Sapagka’t ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan, Walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti, Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios; Na may anyo ng kabanalan, datapuwa’t tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito.” (II Tim. 3:1–5)
Ayaw ng Diyos na masasamang bagay ang pinagkakaabalahan natin sa buhay. Ang utos sa atin ay “lumayo sa mga ito.” Kaya, kung ginagawa ninuman ang alinmang kasamaan, marapat lamang na isagawa niya ang pagbabago ng sarili:
“Kaya’t dapat nang mawala sa inyo ang mga pitang makalaman: pangangalunya, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang pag-iimbot na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan. Dahil sa mga bagay na ito, ang Diyos ay napopoot [sa mga taong lumalabag sa kanyang kalooban]. Noong una, nang pinaghaharian pa kayo ng masasamang pita, namuhay rin kayong kasama-sama ng mga taong gumagawa niyon. Ngunit ngayon, itakwil ninyo ang lahat ng ito: galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panunungayaw, at malaswang pananalita. Huwag kayong magsisinungaling sa isa’t isa, yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ng mga gawa nito at nagbihis na ng bagong pagkatao. …” (Col. 3:5–10 Magandang Balita Biblia)
Nakalulungkot na may mga taong sa halip na magpakabuti at magbagong-buhay ay bumabalik pa rin sa paggawa ng mali at paglabag sa kalooban ng Diyos. Ang lalong masaklap ay paulit-ulit silang nagpapatihulog sa mga pagkakamali anupa’t sila’y nalubog na sa kasamaan at sa pagdurusang kaakibat niyon.
May pagkakataon pa ba upang maisagawa ng tao ang totohanang pagbabagong-buhay? Ang sagot ng Panginoon mismo: “… Kapag nabuwal ang sinuman, di ba muli siyang bumabangon? Kapag naligaw ng daan, di ba muling nagbabalik?” (Jer. 8:4 mb).
Hindi man natin maibabalik ang panahon, ang mga napagdaanan natin ay dapat namang magsilbing aral sa atin. Kapag ito ang ating magiging patakaran sa buhay, magagawa nating bumangon mula sa mga pagkakamali at maisasagawa natin ang totohanang pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob na inaasahan sa atin ng Diyos. Iyon ang pagbabago na kailangan nating matupad.
Subalit, sino ang tunay na makapagsasagawa ng pagbabagong-buhay? Ang tunay na pagbabago ay maisasakatuparan lamang ng mga na kay Cristo:
“Kaya’t kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya’y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila’y pawang naging mga bago.” (II Cor. 5:17)
Tiniyak ng mga apostol na ang mga bagong nilalang ay ang mga na kay Cristo. Ang kay Cristo ay walang iba kundi ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo (Mat. 16:18; Roma 16:16). Para sa kanila, “ang mga dating bagay ay nagsilipas na.” Ang mga dating bagay na dapat nang iniwan ng mga na kay Cristo o mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ay ang dating masamang paraan ng pamumuhay:
“Kung talagang pinakinggan ninyo ang aral niya at naturuan kayo ng katotohanang na kay Jesus. Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao, na napapahamak dahil sa masasamang pita. Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; at ang dapat makita sa inyo’y ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, kalarawan ng kanyang katuwiran at kabanalan.” (Efe. 4:21–24 mb)
Sa loob lamang ng Iglesia Ni Cristo magagawa ng tao ang tunay at makabuluhang pagbabago na itinuturo ng Biblia sa mga Cristiano. Ang pagbabago tungo sa kabanalan ay matutupad lamang sa loob ng Iglesia Ni Cristo sapagkat subukan man itong gawin ng tao ngunit kung siya naman ay hiwalay kay Cristo o nasa labas ng Iglesia, ay wala siyang magagawa. Pinatunayan ng Panginoong Jesus na: “… Kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa” (Juan 15:5). Hindi sila makapagbubunga ng kabanalan (Juan 15:4; Filip. 1:11).
Samakatuwid, ang tunay na pagbabagong-buhay ay tungkulin ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo. Sapagkat sila ang sa Diyos at kay Cristo, dapat nilang iwanan ang lahat ng kasamaan at kasalanan at huwag palampasin ang bawat pagkakataon na gumawa ng mabuti. Sa gayon, kahit sa ating maliit na paraan, makatutulong tayo na maging mabuti ang kalagayan ng mundong ating ginagalawan.
Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.