Ang daang dapat lakaran

May mga nabibigo sa buhay at nasasadlak sa kapahamakan dahil sa hindi nila paglakad sa daang pinalalakaran ng Diyos.

Ni CRISPIN N. FLORENTINO

HINAHANGAD NG TAO ang ikabubuti ng kaniyang buhay. Nais niyang magtagumpay sa kaniyang propesyon, magkaroon ng matatag na kabuhayan, at maging maayos at masaya ang kaniyang pamilya. Gayunman, hindi lahat ng naghahangad ng mabuti para sa kanilang buhay ay natatamo ang hangarin nilang ito. May mga nabibigo at ang iba ay humahantong pa sa kapahamakan. Ang dahilan ay hindi nila natutuhan ang daan na dapat nilang lakaran upang mapabuti ang kanilang buhay. Dahil dito, mahalaga na ating matutuhan ang daang dapat nating lakaran.

Ang dapat lakaran

Ipinakikilala ng Biblia kung kanino dapat hilingin na ituro sa atin ang landas na dapat nating lakaran:

“O Diyos, ako’y dinggin sa aking pagtawag, Lingapin mo ako, sa aki’y mahabag. … Sa dapat kong gawin, ako ay turuan, Sa ligtas na landas ay doon samahan, Pagkat naglipana ang aking kaaway.” (Awit 27:7, 11 Magandang Balita Biblia)

Sa Panginoong Diyos dapat hilingin na ituro sa atin ang dapat nating gawin at samahan tayo sa ligtas na landas. Mahalaga ito sapagkat sa kasalukuyan ay maraming iniaalok ang mundo na lunas diumano sa mga suliranin na kinakaharap ng tao, halimbawa na lamang ang sariling kakayahan o talino ng mga taong kinikilala na makapangyarihan, maimpluwensiya, at marunong. Sa harap ng mga ito ay dapat tayong manatili sa daan na pinalalakaran sa atin ng Diyos.

Ang daang dapat lakaran ng tao ay ang mga utos ng Diyos, ayon sa Kawikaan 6:23:

“Sapagka’t ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; At ang mga saway na turo ay daan ng buhay.”

Ang mga utos ng Diyos ay itinulad din sa tanglaw—liwanag sa ating paglalakbay sa napakadilim na mundo. Ito ang maghahatid sa atin sa mabuting kapalaran.

Gayundin, ang nakikinig sa payo at sumusunod sa mga utos ng Diyos ay lalawig o hahaba ang buhay (Kaw. 4:10–13 mb). Kaya maging ang kalusugan ng katawan ay ibibiyaya sa atin kung tayo ay susunod sa mga utos ng Diyos, lalo ngayon na napakarami nang lumilitaw na mabibigat na karamdaman. Ituturo rin sa atin ang daan ng katuwiran, kaya hindi tayo madudupilas sa lahat ng ating mga hakbang. Hindi tayo magkakamali sa ating mga pagpapasiya, kaya hindi tayo mapapahamak. Samakatuwid, kung lalakad tayo o susunod sa mga utos ng Diyos ay tiyak na mapapabuti ang ating buhay.

Ang daang di dapat lakaran

Kung may daang dapat nating lakaran, mayroon ding daan na hindi natin dapat lakaran. Ganito ang pagtuturo ng Biblia:

“Ang daan ng kasamaan ay huwag mong lalakaran, At ang buhay ng masama, huwag mo ngang tutularan. Kasamaa’y iwasan mo ni huwag lalapitan, Bagkus nga ay talikdan mo, tuntunin ang tamang daan.” (Kaw. 4:14–15 mb)

“Ang daan ng kasamaan ay huwag mong lalakaran, At ang buhay ng masama, huwag mo ngang tutularan. Kasamaa’y iwasan mo ni huwag lalapitan, Bagkus nga ay talikdan mo, tuntunin ang tamang daan.”

Kawikaan 4:14–15

Magandang Balita Biblia

Hindi dapat dumaan sa daan ng kasamaan. Sa halip, dapat itong layuan sa paraang huwag tutularan ang buhay ng masama, iwasan ang kasamaan at huwag lalapitan. May nakakasalamuha tayong mga tao gaya ng mga kasama sa trabaho o mga kamag-aral, mga kaibigan o maaaring mga kasambahay pa natin na nasa paggawa ng kasamaan. Huwag tayong paiimpluwensiya sa kanila kung hikayatin nila tayong sumama sa paggawa ng masama. Ang mga gayon ay hindi mabuting kasama, kaya dapat silang iwasan. Dapat ay marunong tayong manindigan sa panig ng katuwiran.

May mga taong pinangangatuwiranan pa ang mga kasalanang kanilang nagagawa. Noon pa ay mayroon nang babala si Apostol Pablo ukol dito. Ang sabi niya:

“Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatwirang walang kabuluhan, sapagkat dahil sa mga gawang iyon, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail. Kaya’t huwag kayong makikisangkot sa kanila.” (Efe. 5:6–7 mb)

Hindi dapat padaya sa mga gumagawa ng masama. Hindi tayo dapat makisangkot sa masasamang gawain. Tiniyak ng Biblia kung ano ang mangyayari sa mga taong masama:

“Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis, Siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umihip; Ang masamang tao ay parurusahan, hindi magmimintis, Iwawalay siya sa pagkakatipon ng mga matuwid.” (Awit 1:4–5 mb)

Ang masamang tao ay parurusahan. Tiyak ito at hindi magmimintis. Dito pa lamang sa buhay na ito ay mayroon nang nakalaang parusa sa mga gumagawa ng masama. May mga nabibigo sa buhay at nasasadlak sa kapahamakan dahil sa hindi nila paglakad sa daang pinalalakaran ng Diyos.

Ang payo sa mga hinirang

Sa panahong ito na palubha nang palubha ang mga kasamaan, dapat layuan ang lahat ng gawang masama. Huwag gugulin ang panahon sa paglalasing, magulong pagsasaya, sa pagpapakasawa sa pita ng laman at kahalayan, sa alitan at inggitan (Roma 13:12–13 mb). Dapat itaguyod ang puspusang pagbabagong-buhay. Huwag nang masumpungan ang sinuman sa paggawa ng anumang kasamaan.

Sa halip na sa paggawa ng masama, itinuro ni Apostol Pablo kung ano ang dapat samantalahing gawin ng tao lalo na ngayon na masama ang takbo ng daigdig. Ang sabi niya: “Sapagkat masama ang takbo ng daigdig, samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo’y makagawa ng mabuti” (Efe. 5:16 mb). Dapat nating samantalahin ang bawat pagkakataon sa paggawa ng mabuti. Ang mabuti ay ang mga salita ng Diyos (Roma 7:12). Kaya sa gitna ng masamang sanlibutan, dapat makita tayo sa pagsunod sa mga kalooban ng Diyos—at ang isa sa mga ito ay ang tiyaking kasama tayo sa mga hinirang ng Diyos.

“Sapagkat masama ang takbo ng daigdig, samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo’y makagawa ng mabuti.”

Efeso 5:16

Magandang Balita Biblia

Kung susundin natin ang kalooban ng Diyos—bilang Kaniyang mga hinirang na hindi magtataksil sa Kaniya—hindi tayo kailanman malulugi. Ganito ang pangako ng Diyos: “Sinabi ni Yahweh: ‘Sila ang lingkod ko na aking hinirang, Kaya naman ako’y di pagtataksilan. Ang mga lingkod ko’y Aking ililigtas sa kapahamaka’t mga kahirapan’” (Isa. 63:8 mb).

Makaaasa tayo sa pagliligtas ng Diyos sa lahat ng kapahamakan at kahirapan kung mamamalagi tayong tapat na mga hinirang Niya. Ito ang dahilan kung bakit hinihikayat namin kayo na magsuri sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia Ni Cristo. Ginagawa namin ito sapagkat pinatutunayan ng Biblia na ang mga tunay na hinirang ng Diyos ay nasa loob ng iisang iglesia—ang Iglesia Ni Cristo. Hindi maiiwasan ng tao na maging hinirang ng Diyos kung nais niyang mapabuti ang buhay, lalo na sa panahong ito na napakaraming panganib sa mundo. Napakaraming tao ang napapahamak dahil sa mga sakuna, dahil sa sakit, ang iba ay dahil sa krimen. Kailangang-kailangan natin ang magliligtas sa atin sa lahat ng ito, at ang Diyos lamang ang makagagawa nito sa atin. Kaya, hindi tayo dapat tumigil sa tapat na pagsunod sa Diyos na gaya ng Kaniyang mga unang lingkod na nagsabi: “Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan, Susundin ko ang utos mo habang ako’y nabubuhay” (Awit 119:44 mb).

Ito rin ang dapat nating gawin ngayon—ang laging tumalima sa mga kautusan ng Diyos habang tayo ay nabubuhay. Kaya ang katapatan sa Diyos ay isang panghabambuhay na debosyon, kahit pa magdanas ng mga kapighatian at mga pagsubok.

Gawin natin ang tagubilin ng mga apostol upang magkaroon tayo ng inspirasyon na maitaguyod ang katapatan sa Diyos hanggang sa wakas. Ang sabi niya:

“Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang tunay na buhay ninyo’y natatago sa Diyos, kasama ni Cristo. Si Cristo ang tunay na buhay ninyo, at pag siya’y nahayag, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan.” (Col. 3:2–4 mb)

Isaisip natin ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa. Maaaring dahil sa pagsunod sa mga kalooban ng Diyos ay mawalan tayo ng buhay, subalit alalahanin natin na may isa pang buhay na inilalaan sa atin—ang tunay na buhay na natatago sa Diyos, kasama ni Cristo—doon sa langit. Mas mahalaga ang buhay na iyon kaysa buhay natin ngayon. Ang ating buhay ngayon ay mawawala sa gustuhin man natin o hindi, subalit ang buhay na inilalaan sa atin sa langit ay walang katapusan.

Kaya kung nais nating mapabuti at, higit sa lahat, magtamo ng pangakong kaligtasan, huwag tayong lilihis sa mga kautusan ng Diyos. Anuman ang ating masagupa at anuman ang mangyari sa mundo ay mamalagi tayo sa paglakad sa mga utos ng Diyos. Huwag tayong hihinto, huwag tayong lilihis, lalong huwag tayong uurong, at sa halip ay magpatuloy tayo sa pagsunod sa lahat ng utos ng Diyos hanggang sa wakas.

Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.