MAY ITINUTURING ANG tao na prime necessities of life o mga pangunahin niyang pangangailangan sa buhay na siyang hinahanap at binibigyan niya ng higit na pagpapahalaga kaysa ibang mga bagay. Ang mga ito ay ang pagkain, pananamit, tahanan, edukasyon, at pangangailangang pangkalusugan. Pinagbubuhusan niya ng buong makakaya, pinag-iisipan at pinagpaplanuhang mabuti, at ginugugulan ng di kakaunting panahon ang pagsisikap na makamit ang mga ito para mapanatili ang kaniyang buhay.
Totoo na maging sa Biblia ay itinuturo na napakahalaga ng buhay ng tao.
Ganito ipinakikilala ng Panginoong Jesucristo ang halaga ng buhay:
“Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao na makamtan ang buong sanlibutan, at mapahamak ang kanyang buhay? Sapagkat anong maibibigay ng tao na kapalit ng kanyang buhay?” (Mar. 8:36-37 Ang Bagong Ang Biblia)
Bagaman ipinakilala ni Cristo ang kahalagahan ng buhay, gayunman, ang paraan upang mapanatili ito ay hindi lamang sa pamamagitan ng pagtatamo ng prime necessities of life.
Ayon sa Panginoong Jesucristo, walang mapapakinabang ang tao anuman ang kaniyang matamo, kahit makamtan pa niya ang buong mundo, kung wala na siyang buhay. May halaga lamang ang tao kung siya’y buhay.
Hindi maikakaila na kahit ano pang pagsisikap ang gawin ng tao upang maingatan at pamalagiin ang kaniyang buhay ay sasapit pa rin sa kaniya ang kamatayan sapagkat ito’y itinakda na ng Panginoong Diyos (Heb. 9:27). Subalit, may paraan ba upang ang tao ay magtagumpay sa kamatayan at magtamo pa rin ng buhay kahit napugto na ang kaniyang hininga?
Itinuturo ng Panginoong Jesucristo kung paanong magtatamo ng buhay ang tao at hindi mapananaigan ng kamatayan:
“At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” (Mat. 16:18 Magandang Balita Biblia)
Ang Iglesia ay itinayo ni Cristo upang mapagtagumpayan ang kapangyarihan ng kamatayan. Hindi ito nangangahulugang hindi na makararanas ng kamatayan ang mga kaanib nito—maaaring mamatay rin sila ngunit una silang mabubuhay na muli:
“Sapagka’t ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailan man.” (I Tes. 4:16-17)
Hindi magtatagumpay ang kamatayan sa mga kabilang sa lglesiang ito sapagkat kahit na sila’y mamatay ay una silang mabubuhay pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Ang mga daratnan namang buhay ay hindi na mamamatay. Mapapalad din sila sapagkat, tulad ng mga unang binuhay na muli, wala nang kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan:
“Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito’y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan. … At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.” (Apoc. 20:6, 14)
Ang mga hindi makakasama sa unang pagkabuhay na mag-uli o ang mga namatay na wala sa loob ng Iglesiang kay Cristo ay bubuhayin din subalit para naman ibulid sa dagat-dagatang apoy (Apoc. 20:5, 7-10). Samantala, kapag binuhay nang muli ang mga namatay na kabilang sa Iglesiang ito at binihisan na ng katawang walang kasiraan at walang kamatayan, matutupad na sa kanila ang sinasabi ng Kasulatan, “Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan” (I Cor. 15:54).
Kaya, bagaman makararanas din ng kamatayan o pagkalagot ng hininga, ang mga kaanib sa tunay na Iglesia ay nakatanaw sa muling pagparito ni Cristo sapagkat sila ay bubuhaying muli upang taglayin ang katawang wala nang kasiraan at wala na ring kamatayan.
Hindi mapag-aalinlanganan ang muling pagkabuhay ng mga namatay na kaanib sa Iglesiang itinayo ni Cristo:
“Kung si Cristo nga’y ipinangangaral na siya’y muling binuhay sa mga patay, bakit ang ilan sa inyo ay nagsisipagsabi na walang pagkabuhay na maguli ng mga patay? Datapuwa’t kung walang pagkabuhay na maguli ng mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo. … Datapuwa’t si Cristo nga’y muling binuhay sa mga patay na siya ay naging pangunahing bunga ng nangatutulog…. Datapuwa’t ang bawa’t isa’y sa kaniyang sariling katayuan; si Cristo ang pangunahing bunga: pagkatapos ay ang mga kay Cristo, sa kaniyang pagparito.” (I Cor. 15:12-13, 20 at 23)
Ang muling pagkabuhay ng mga patay ay pinatutunayan ng muling pagkabuhay ni Cristo kaya tiyak na matutupad ito. Ayon din sa pagtuturo ng mga apostol, mawawalan ng kabuluhan ang lahat kung walang pagkabuhay na muli:
“At kung si Cristo’y hindi muling binuhay, ay walang kabuluhan nga ang aming pangangaral, wala rin namang kabuluhan ang inyong pananampalataya.” (I Cor. 15:14)
Dahil sa ang buhay ang pinakamahalaga para sa tao, ito ang dapat niyang asamin. Ang isa sa mga dapat niyang gawin para magtamo ng buhay na walang hanggan ay ang pag-anib sa Iglesiang itinayo ni Cristo na tinawag Niyang, “aking iglesya” (Mat. 16:18 mb). Ang Iglesiang ito ang ipinakilala ng mga apostol na Iglesia Ni Cristo:
“Magbatian kayo ng banal na halik. Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo.” (Roma 16:16 New Pilipino Version)
Binigyang-diin ng Panginoong Jesucristo ang kahalagahan ng Iglesia Ni Cristo nang ituro Niya kung alin ang dapat munang hanapin ng tao sapagkat ito ang lalong mahalaga:
“Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” (Mat. 6:33)
Iniutos ng Panginoong Jesucristo na hanapin muna ng tao ang kaharian at katuwiran. Nangangahulugang ito ang pangunahing kailangan at lalong mahalaga. Ang ibang bagay ay pawang mga karagdagan na lamang:
“Kaya huwag kayong mabalisa, na magsasabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ Sapagkat hinahanap ng mga Hentil ang lahat ng mga bagay na ito; at batid ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.” (Mat. 6:31-32 ABAB)
Kaya, sa halip na ang mga pangangailangan ukol sa buhay na ito ang higit na bigyang-halaga, ang “kaharian” ang dapat munang hanapin ng tao sapagkat ito ang kinaroroonan ng katubusan, na kapatawaran ng mga kasalanan:
“Na nagpapasalamat sa Ama, na nagpaging dapat sa atin upang makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan; Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig. Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan.” (Col. 1:12-14)
Totoong kailangan ang kakainin, iinumin, daramtin, at iba pang bagay sa buhay na ito. Ngunit dapat nating maunawaan na masumpungan man at sumagana man sa lahat ng ito ang sinuman ay hindi siya maililigtas ng mga ito sa ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang apoy pagsapit ng Araw ng Paghuhukom—hindi niya matatamo ang buhay. Alinsunod sa Tagapagligtas, dapat hanapin muna ang “kaharian” na siyang kinaroroonan ng katubusan.
Pinatutunayan ng Biblia kung alin ang tinubos ni Cristo ng Kaniyang dugo, na ito ang kaharian, na kinaroroonan ng kaligtasan:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)
Kung gayon, mismong ang Panginoong Jesucristo ang nagtuturo ukol sa kahalagahan ng Iglesia Ni Cristo sa pagtatamo ng tao ng pinakamahalaga sa kaniya—ang kaligtasan pagdating ng Araw ng Paghuhukom at ang buhay na walang hanggan.
Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.