Isang dakilang katotohanan

Kung paanong mahalagang malaman ng tao kung alin ang tiyak na ililigtas ni Cristo, mahalaga ring malaman niya ang dahilan kung bakit kailangan ng lahat ng tao ang kaligtasan.

Ni RUBEN C. SANTOS

BAGAMA’T KINIKILALA AT tinatanggap ng marami na ang Tagapagligtas ay ang ating Panginoong Jesucristo, gayunman hindi alam ng iba kung paano isasagawa ni Cristo ang pagliligtas at kung alin ang tiyak na ililigtas Niya pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Itinuturo ng Banal na Kasulatan na ang ililigtas ni Cristo ay ang Kaniyang Iglesia, sapagkat ginawa niya itong katawan Niya at Siya ang ulo nito gaya ng mababasa sa Efeso 5:23:   

“Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.” (Magandang Balita Biblia)

At ang pangalan nito ay Iglesia Ni Cristo, na siyang binili ni Cristo ng Kaniyang dugo gaya ng nakasulat sa Gawa 20:28:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Isinalin mula sa Lamsa Translation)

Mahalaga ang Iglesia hindi sapagkat ito ang magliligtas, kundi sapagkat ito ang tiyak na ililigtas ni Cristo dahil ito ang tinubos Niya ng Kaniyang dugo.

Kailangan ng lahat ang kaligtasan

Kung paanong mahalaga na malaman ng tao kung alin ang tiyak na ililigtas ni Cristo, mahalaga ring malaman niya ang dahilan kung bakit kailangan ng lahat ng tao ang kaligtasan. Sa Roma 5:12 ay ganito ang sinasabi:

“Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya’y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito’y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka’t ang lahat ay nangagkasala.”

Maliwanag ang pahayag ni Apostol Pablo: lahat ng tao ay nagkasala. Ang mga nagkasala ay pinasiyahan ng Diyos ng parusang kamatayan:

“Sapagka’t ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa’t ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.” (Roma 6:23)

Hindi nangangahulugang kapag namatay o napugto ang hininga ng tao ay bayad na siya sa kaniyang kasalanan. Sapagkat ang ganap na kabayaran ng kasalanan ay ang ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang apoy:

“At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.” (Apoc. 20:14)

Kung gayon, dahil sa ang lahat ng tao ay nagkasala, lahat ng tao ay nakalaang parusahan sa dagat-dagatang apoy. Ito ang dahilan kaya ang lahat ay nangangailangan ng kaligtasan. At upang maligtas ang tao, kailangan niyang umanib sa Iglesia Ni Cristo.

“Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.”

Efeso 5:23

Magandang Balita Biblia

Ang Tagapanagot ng kasalanan

Ipinaliwanag ng mga apostol kung paano pinanagutan ni Cristo ang kasalanan ng mga taong ililigtas Niya. Upang ang taong nagkasala’y maligtas, “Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo’y maging sa kaniya’y katuwiran ng Dios” (II Cor. 5:21).

Ang pagliligtas na gagawin ni Cristo ay dapat masang-ayon at hindi dapat sumalungat sa katuwiran. Alinsunod sa katuwiran ng Diyos, bawat tao ay papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan:

“Hindi papatayin ang mga magulang dahil sa mga anak, ni ang mga anak ay papatayin dahil sa mga magulang; bawa’t tao’y papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan.” (Deut. 24:16)

Gayunman, tandaan na “Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala” dahil sa mga maliligtas. Ang hindi nagkasala subalit inari ng Diyos na may sala ay si Cristo, ayon kay Apostol Pedro:

“Sapagka’t sa ganitong bagay kayo’y tinawag: sapagka’t si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang niya: Na siya’y hindi nagkasala, o kinasumpungan man ng daya ang kaniyang bibig.” (I Ped. 2:21-22)

Kaya, namatay si Cristo upang panagutan ang kasalanan ng mga ililigtas Niya. Ngunit, paano ito nagawa ni Cristo samantalang may batas ang Diyos na kung sino ang nagkasala ay siyang dapat managot sa kasalanang nagawa niya? Nagawa ni Cristo na panagutan ang kasalanan ng mga taong ililigtas Niya nang hindi nalalabag ang katuwiran ng Diyos sa pagpaparusa sapagkat ginawa Niya silang Kaniyang katawan. Sa Efeso 5:23 ay mababasa ang ganito: “Sapagka’t ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.”

Ang katawan na pinangunguluhan ni Cristo ay ang Iglesia:

“At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga’y ng Iglesia…” (Col. 1:18)

Sa harap ng Diyos, ang kalagayan ni Cristo na ulo at ng Iglesia na katawan Niya ay isang taong bago:

“Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito’y ginagawa ang kapayapaan.” (Efe. 2:15)

Kung gayon, dahil sa kaugnayan ng Iglesia kay Cristo, nagawa ni Cristo na panagutan ang kasalanan ng Iglesia. Bilang ulo, si Cristo ang naging tagapanagot ng katawan na siyang Iglesia. Ito lamang ang kaparaanan upang mailigtas ang tao nang hindi nalalabag ang batas ng Diyos. Kaya, hindi dapat paniwalaan ang sinasabi ng iba na hindi na raw kailangan ang Iglesia sa pagtatamo ng kaligtasan.

“Sapagka’t ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa’t ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.”

Roma 6:23

May hatol ang nasa labas

Mahalaga ang Iglesia sapagkat ito ang ililigtas ni Cristo. Ang katunayang hindi maliligtas ang mga taong wala sa loob ng katawan o Iglesia ay ang ibinabala ng mga apostol na hahatulan ng Diyos:

“Datapuwa’t sa nangasa labas ay Dios ang humahatol. Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao.” (I Cor. 5:13)

Kung gayon, hindi maliligtas sa hatol ng Diyos ang mga tumangging pumasok o umanib sa Iglesia Ni Cristo. Kapag ang tao ay namalaging nasa labas, o kaya’y nasa loob na ng Iglesia ay lumabas pa, tinitiyak ng mga apostol na sila’y hahatulan ng Diyos.

Ngayon pa lamang ay tinitiyak nang ang mga hiwalay kay Cristo o hindi kaanib ng Iglesia Ni Cristo ay masusunog sa apoy pagdating ng takdang araw. Ganito ang pahayag ng ating Panginoong Jesucristo:

“Kung ang sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya’y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog.” (Juan 15:6)

Samakatuwid, ang taong hiwalay kay Cristo o sa Iglesia Ni Cristo ay hindi makaaasa sa kaligtasan pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Hindi sila pananagutan ni Cristo.

Walang Diyos ang hiwalay

Maaaring nagsasagawa rin ng paglilingkod sa Diyos ang mga taong nasa labas ng Iglesia Ni Cristo, ngunit tatanggapin kaya ng Diyos ang kanilang paglilingkod?

Ayon sa Biblia, ang mga hiwalay kay Cristo ay walang karapatang dumiyos sa Diyos:

“Na kayo nang panahong yaon ay mga hiwalay kay Cristo, na mga di kabilang sa bansa ng Israel, at mga taga ibang lupa tungkol sa mga tipan ng pangako, na walang pagasa at walang Dios sa sanglibutan.” (Efe. 2:12)

Napakahalaga na ang tao ay maugnay kay Cristo sa pamamagitan ng pagpasok o pag-anib sa Iglesia Ni Cristo. Ito ang paraan upang ang tao ay maligtas sa hatol ng Diyos at magkaroon ng karapatang dumiyos sa Kaniya at maligtas pagdating ng Araw ng Paghuhukom.

Ang Iglesia Ni Cristo ang tiyak na ililigtas ni Cristo sapagkat ginawa Niya itong katawan Niya at Siya ang ulo nito. Sa harap ng Diyos, ang Iglesia at si Cristo ay isang taong bago. Ito ang dahilan kaya napanagutan ni Cristo ang kasalanan ng Kaniyang Iglesia nang hindi nalalabag ang batas ng Diyos na nagsasaad na kung sino ang nagkasala ay siyang dapat na parusahan o mamatay. Mahalaga ang tunay na Iglesia hindi sapagkat ito ang magliligtas sa tao kundi sapagkat ito ang ililigtas ni Cristo.

Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.