May malaking maitutulong sa atin ang iba’t ibang kaalaman na natututuhan sa paaralan at sa pamamagitan ng sariling pag-aaral. Kapag ginamit natin ang mga iyon nang tama ay susulong at magtatagumpay tayo sa ating mga paggawa. Kaya, magsikap tayo na maragdagan pa at lumawak o lumalim ang ating mga kaalaman upang ibayong tagumpay pa ang ating makamtan, gaya ng pahayag ng Banal na Kasulatan:
“Ang nagsisikap matuto sa sarili ay nagmamahal Ang nagpapahalaga sa kaalaman ay magtatagumpay.” (Kaw. 19:8 Magandang Balita Biblia)
Makatutulong ang pagbabasa ng mga angkop na aklat at ang pakikinig sa itinuturo ng mga taong may sapat at wastong kaalaman sa ating ginagawa.
Higit sa lahat, kailangan natin ang pakikisama ng Diyos upang tayo’y magtagumpay:
“Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin, Matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.” (Awit 60:12 MB)
Kung paano makakasama ang Diyos sa ating buhay, ganito ang ginawa ng mga unang lingkod Niya:
“Sapagkat siya’y humawak nang mahigpit sa PANGINOON; siya’y hindi humiwalay sa pagsunod sa kanya, kundi iningatan ang kanyang mga utos na iniutos ng PANGINOON kay Moises. Ang PANGINOON ay kasama niya; saanman siya magtungo ay nagtatagumpay siya …” (II Harı 18:5-7 Ang Bagong Ang Biblia)
Naranasan ni Haring Ezechias ang pakikisama ng Panginoong Diyos dahil “siya’y hindi humiwalay sa pagsunod sa kanya, kundi iningatan ang kanyang mga utos na iniutos ng Panginoon.” Ito naman ang patotoo ng Panginoong Jesucristo kung bakit Niya kasama ang Ama na nagsugo sa Kaniya:
“At kasama ko ang nagsugo sa akin; hindi niya ako iniiwan, sapagkat lagi kong ginagawa ang nakalulugod sa kanya.” (Juan 8:29 Magandang Balita)
Kung gayon, matitiyak natin ang pakikisama ng Diyos kung tayo ay susunod sa Kaniya at gagawin ang nakalulugod sa Kaniya.
Kalooban ng Diyos na “maligtas ang lahat ng tao at makaalam ng katotohanan” (I Tim. 2:3-4 MB). Upang mangyari ang kalooban Niyang ito, itinuro ng Panginoong Jesucristo ang isa sa mga katotohanan na dapat matupad sa tao upang makalugod sa Panginoong Diyos at magdudulot sa tao ng kaligtasan:
“Kaya muling nagsalita si Jesus: Buong katotohanang sinasabi ko sa inyo. Ako ang pintuan ng kulungan ng mga tupa. … Ako ang pintuan; ang sinumang taong pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas. …” (Juan 10:7 at 9 Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)
Ang kawan na tinutukoy na dapat pasukan o aniban ay walang iba kundi ang Iglesia Ni Cristo (Gawa 20:28 Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles). Kaya sa panahong ito, ang pakikisama ng Panginoong Diyos ay matatamo ng tao kung siya ay kaanib ng tunay na Iglesia Ni Cristo. Subalit hindi basta kaanib lamang kundi ang kailangan ay hindi humihiwalay sa pagsunod sa Diyos at laging ginagawa ang nakalulugod sa Kaniya.
Hangarin at sikapin nating makamtan ang laging pakikisama ng Panginoong Diyos. Upang mangyari iyon ay kailangan nating ganap na patunayan ang ating pag-ibig sa Kaniya sa pamamagitan ng buong pusong pagtupad sa Kaniyang mga utos (I Juan 5:3), kabilang ang pag-anib sa Iglesia Ni Cristo.