Hanap mo ba'y kapayapaan?

Tinitiyak ng Biblia na may mga taong bibigyan ng Diyos ng kapayapaan—sila ay ang mga kabilang sa Kaniyang bayan.

Ni MARLEX C. CANTOR

ANG KAPAYAPAAN, bagama’t minimithi ng marami, ay totoong mailap sa tao. Marami nang bayaning nagbuwis ng buhay alang-alang sa inaasam na kapayapaan, subalit hanggang ngayon ay laganap pa rin ang mga kaguluhan, paglalabanan, at digmaan. Marami nang alyansang binuo, kilusang isinulong, at salaping ginugol sa pagsusulong ng adhikain ukol sa pandaigdigang kapayapaan, ngunit namamalaging ito’y isang pangarap lamang. Kung ang Biblia ang ating sasangguniin, hindi na natin ipagtataka ang lahat ng nangyayaring ito. Naghahari ang ligalig at kawalan ng kapanatagan sa mundo bilang katuparan ng ipinagpauna ng Diyos:

“Darating sa kanila ang ligalig. Hahanapin nila ang kapanatagan ngunit di nila makikita. Darating din sa kanila ang sapin-saping kapahamakan at nakapangingilabot na balita … Naghahari ang kaguluhan; laganap ang patayan sa lunsod at ito’y pinaghaharian ng karahasan … Nasa labas ng bayan ang tabak, nasa loob naman ang salot at taggutom. Ang nasa bukid ay namamatay sa tabak. Ang nasa loob ng bayan ay nauubos sa salot at taggutom.” (Ezek. 7:25-26, 23, 15 Magandang Balita Biblia)

Ang pagsidhi ng kaguluhan at kawalan ng kapayapaan sa iba’t ibang dako ay nagbabadya ng pagdating ng kawakasang itinakda ng Diyos sa apat na sulok ng daigdig bilang parusa sa kasamaan ng tao (Ezek. 7:2-4 mb). Kaya, gaano man ang pagsisikap ng tao na lunasan ang mga labanan at digmaan, tiyak na magpapatuloy pa rin ang sigalot hanggang sa tuluyang malipol ang sanlibutan sa Araw ng Paghuhukom (Isa. 13:9, 11; II Ped. 3:7, 10).

Ibig bang sabihin ay wala nang pag-asang matatamo pa ng tao ang kapayapaan?

Ang may pangakong kapayapaan

Tunay ngang ang Diyos ay makatarungan, mahabagin at puno ng pag-ibig. Nagtakda man Siya ng parusa, subalit nagbigay din Siya ng pag-asa:

“Ang PANGINOON ay nagbibigay ng lakas sa kanyang bayan; ang PANGINOON  ang nagbibigay ng kapayapaan sa kanyang bayan.” (Awit 29:11 New Pilipino Version)

Tinitiyak ng Biblia na may mga taong bibigyan ng Diyos ng kapayapaan—sila ay ang mga kabilang sa Kaniyang bayan. Anong uring kapayapaan ang nakalaan sa kanila at saan nila iyon mararanasan?

“Ang katuwiran at katarunga’y maghahari sa lupain Pagkat pawang katuwiran ang gagawin ng bawat isa Kaya iiral ang katahimikan at kapanatagan magpakailanman.” (Isa. 32:16-17 mb)

“Ang PANGINOON ay nagbibigay ng lakas sa kanyang bayan; ang PANGINOON ang nagbibigay ng kapayapaan sa kanyang bayan.”

Awit 29:11

New Pilipino Version


Nasa lupain na ipinangako sa mga hinirang ng Diyos ang tunay na kapayapaan. Doon ay hindi na mararanasan pa ang mga digmaan, kaguluhan at iba’t ibang uri ng kapahamakan na nasasaksihan nating nagaganap sa mundo ngayon. Bagkus, ang iiral at maghahari roon magpakailanman ay katuwiran, katarungan, katahimikan, at kapanatagan.

Ang dakong ito ng wagas na kapayapaan na ipinangako ng Diyos ay ang “bagong langit at ng bagong lupa na pinaghaharian ng katuwiran” (II Ped. 3:13 mb). Ito rin ang tinatawag na “Bayang Banal” na roo’y wala nang pagluha, dalamhati, panambitan, kamatayan, o hirap pa man (Apoc. 21:1-4).

Ang mapapalad na pinangakuan

Upang makasama sa mga hinirang ng Diyos na siyang mapapalad na makapaninirahan sa Bayang Banal at makamtan ang payapang buhay na walang hanggan, may kinakailangan tayong gawin:

“Nguni’t, ayon sa kaniyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, na tinatahanan ng katuwiran. Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo’y nagsisipaghintay ng mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong masumpungan kayo sa kapayapaan, na walang dungis at walang kapintasan sa paningin niya.” (II Ped. 3:13-14)

Kailangan pagsikapan muna ng tao na siya’y masumpungang nasa kapayapaan. Ang kapayapaang tinutukoy rito ay ang kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo (Roma 5:1). Ang kapayapaang ito na dulot ni Cristo ay ang matatagpuan sa loob ng isang katawan, na ito ay ang Iglesia:

“At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na diya’y tinawag din naman kayo sa isang katawan; at kayo’y maging mapagpasalamat … At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga’y ng iglesia.” (Col. 3:15; 1:18)

Magtatamo ng kapayapaan sa Diyos ang tao kung siya ay nasa loob ng Iglesiang katawan ni Cristo. Dito dapat pagsikapan ng tao na mapabilang upang siya’y makapasok sa Bayang Banal.

“Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo’y nagsisipaghintay ng mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong masumpungan kayo sa kapayapaan, na walang dungis at walang kapintasan sa paningin niya.”

II Pedro 3:14


Bakit kailangan ng tao na magkaroon ng kapayapaan sa Diyos? Sapagkat ang tao’y itinuring na kaaway ng Diyos dahil sa gawang masasama (Col. 1:21) at tinakdaan Niya ng hatol—“isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy” (Heb. 10:27).

Bakit kailangan pang sumangkap sa Iglesia upang magkaroon ng kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo? Sa katawan o Iglesia maipakikipagkasundo ni Cristo ang tao sa Diyos (Col. 1:21-22) sapagkat ito ang tinubos Niya ng Kaniyang dugo (Gawa 20:28 Lamsa Translation)—na siyang kailangan upang ang tao’y ariing-ganap at maligtas sa hatol (Rom. 5:8-9). Iisa lamang ang Iglesiang tinubos ni Cristo—ang Iglesia Ni Cristo:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)

Ang ikapamamalagi sa kapayapaan

Napakadakilang biyaya ang nakakamit ng sinumang napaloob sa tunay na Iglesia. Dahil sa natamo nilang kapayapaan sa Diyos, hindi na kaaway o dayuhan ang turing Niya sa kanila, bagkus ay kinikilala Niya silang Kaniyang bayan—Kaniyang sambahayan:

“At kayo na dating banyaga at mga kaaway ng Diyos dahil sa inyong pag-iisip at dahil sa inyong masasamang gawa ay ipinagkasundo ngayon.” (Col. 1:21 Bibles International)

“Na nang nakaraang panahon ay hindi bayan, datapuwa’t ngayo’y bayan ng Dios: na hindi nagsipagkamit ng awa, datapuwa’t ngayo’y nagsipagkamit ng awa.” (I Ped. 2:10)

“Samakatwid, hindi na kayo dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kababayan ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan.” (Efe. 2:19 mb)

Subalit upang makapamalagi sa tinamo nilang kapayapaan sa Diyos, ang mga hinirang na kabilang sa Kaniyang bayan ay nananagot na patuloy na sumunod sa Kaniyang mga utos:

“Dakilang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig ng iyong kautusan. At sila’y walang kadahilanang ikatitisod.” (Awit 119:165)

Masama man ang takbo ng daigdig, dapat manindigan ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo na mamuhay nang matuwid at naaayon sa aral ng Diyos. Sa gayon, makapananatili sila sa kapayapaan sa Diyos yayamang sila’y ipinakipagkasundo na ni Cristo sa pamamagitan ng kamatayan Niya sa krus. Higit sa lahat, sila’y makaaasa na makararating sa bagong lupa at bagong langit na tinatahanan ng katuwiran at wagas na kapayapaan.


Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.