MARAMI ang naniniwala na lahat ng tao ay mga anak ng Diyos dahil lahat naman ay nilalang Niya, kaya lahat daw ay maliligtas. Sinasabi naman ng iba na hindi na raw kailangan pang umanib sa Iglesia, kundi sumampalataya lamang kay Jesucristo yayamang Siya naman ang Tagapagligtas, hindi ang Iglesia.
Tama kaya ang mga paniniwalang ito? Isa-isa nating suriin batay sa katotohanang nakasulat sa Biblia.
Kung mayroong awtoridad na dapat tanungin kung sino ang mga anak ng Diyos ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos mismo:
“Kaya nga sinasabi ng Panginoon ang Banal ng Israel, ang lumikha sa kaniya: Tanungin mo ako tungkol sa mga bagay na darating, tungkol sa aking mga anak, at tungkol sa gawa ng aking mga kamay magbigay ka sa akin ng kahilingan.” (Isa. 45:11 Douay-Rheims, idinagdag ang pagdiriin)*
Paano naman itinuro ng Diyos kung sino ang itinuturing Niyang Kaniyang mga anak? Sa pamamagitan ng Kaniyang mga aral o salita na nakasulat sa “aklat ng Panginoon” o sa mga Banal na Kasulatan (Isa. 34:16, Amplified Bible; II Tim. 3:15-16).*
Ayon sa Biblia, paano makikilala ang mga anak ng Diyos? Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo sa mga Cristiano sa Roma:
“At kung tayo ay mga anak ng Diyos, tayo rin ay Kaniyang mga tagapagmana! Isipin ninyo ito! Mga tagapagmana ng Diyos at kapuwa tagapagmana ni Cristo! Gayunman, kung tayo ay luluwalhatiing kasama ni Cristo, tayo ay dapat ding nakahandang magtiis na kasama Niya.” (Roma 8:17 Last Days Bible, idinagdag ang pagdiriin)*
Ang mga anak ng Diyos ay “Kaniyang mga tagapagmana.” Subalit, sila ba’y ang lahat ng tao na nilalang ng Diyos, gaya ng paniniwala ng marami? Ganito ang itinuturo ng Biblia:
“Ang katotohanan na ngayon ay nahayag ay ang mga Gentil ay maaaring maging kapuwa mga tagapagmana ng Diyos na kasama ng Israel. Sila ay maging karapat-dapat na magkasama-sama sa iisang katawan—ang Iglesia Ni Cristo. Silang lahat ay makatatanggap na ngayon ng mga pagpapala na ipinangangako ng Diyos sa Dakilang Balita tungkol kay Cristo.” (Efe 3:6 LDB)*
“Magkasama-sama sa iisang katawan—ang Iglesia Ni Cristo”— ang mga tagapagmana ng Diyos. Ito ang nakasulat sa Biblia. Hindi ito opinyon lamang ng kung sinong tao.
Pansinin na noong matupad ito ng mga Gentil na umanib noon sa Iglesia ay sinabi ni Apostol Pablo na: “Silang lahat ay makatatanggap na ngayon ng mga pagpapala na ipinangangako ng Diyos.” Kung gayon, hindi nangangahulugan na dahil sa ang lahat ng tao ay nilalang ng Diyos, ay maaari nang tawaging anak ng Diyos ang lahat. Ang itinuturing lamang ng Diyos na Kaniyang mga anak at tagapagmana ay ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo. Kaya kailangan ng tao na umanib sa Iglesia Ni Cristo.
Ang paniniwala ng iba ay hindi na raw kailangan sa ikaliligtas ang pag-anib sa Iglesia, kundi sumampalataya na lamang kay Jesucristo—dahil Siya ang Tagapagligtas, hindi ang Iglesia. Tama na si Jesucristo ang Tagapagligtas at hindi ang Iglesia. Ang mali ay ang paniniwala na hindi na kailangan pang umanib sa Iglesia upang maligtas. Bakit isa itong malaking kamalian? Sapagkat sa Biblia ay itinuturo ang ganito:
“Ngayon ay luwalhatiin nawa ang Diyos … Nawa ay mabigyan siya ng kaluwalhatian magpakailan-kailanman, sa walang katapusang panahon, dahil sa kaniyang pangunahing panukala ng kaligtasan para sa Iglesia sa pamamagitan ni Jesucristo.” (Efe. 3:20-21 Living Bible)*
Talagang hindi ang Iglesia ang magliligtas sa tao. Subalit, gaano kahalaga ang Iglesia sa pagtatamo ng kaligtasan? Ang Iglesia ang ililigtas ng Tagapagligtas, sapagkat para sa Iglesia ang pangunahing panukala ng Diyos na kaligtasan! Kaya laban sa panukala ng Diyos ang paniniwalang hindi na kailangan pa ang pag-anib sa Iglesia.
Tinitiyak din ng Biblia na ang makakabilang sa masayang pagtitipon at “nakatala sa langit” ay ang mga bumubuo sa Iglesia—“mga tinubos” (Heb. 12:22-24 LB).* Kung aling Iglesia ang tinubos ng dugo ng Panginoong Jesucristo ay nililinaw rin ng Biblia:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation)*
Samakatuwid, napakahalaga at kailangan ang pag-anib sa Iglesia Ni Cristo para maligtas at maging mga anak at mga tagapagmana ng Diyos.
Dahil dito, ano ang ipinagagawa ng Tagapagligtas sa sinumang ibig maligtas? Ganito ang sabi Niya:
“Kaya muling nagsalita si Jesus: Buong katotohanang sinasabi Ko sa inyo. Ako ang pintuan ng kulungan ng mga tupa … Ako ang pintuan; ang sinumang taong pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas. …” (Juan 10:7, 9 Revised English Bible)*
Pansinin na hindi basta sasampalataya lamang para maligtas. May dapat gawin— “pumasok sa loob ng kawan.” Ang kawan na tinutukoy, ayon sa mga apostol, ay ang Iglesia Ni Cristo. Sinumang nagsasabi na sumasampalataya siya kay Cristo at nagawa na raw niya ang pagpasok sa kawan ay dapat na nasa loob siya o kaanib ng Iglesia Ni Cristo.
At bilang katunayan pa sa Biblia ng kahalagahan ng Iglesia sa kaligtasan ay nakasulat din dito ang kasawiang sasapitin ng mga “hindi kabahagi ng iglesia”— hindi pumasok, lumabas, inilabas o itiniwalag dahil sa kasamaang ginawa—“Ang Diyos ang hahatol sa kanila” (I Cor. 5:12-13 New Century Version).* Hindi sila maliligtas. Kaya kung paanong napakahalaga ng pagpasok sa Iglesia, napakahalaga rin ng pananatili rito.
Upang pakinabangan ng tao sa kaniyang ikaliligtas ang mga itinuturo ng Biblia ay dapat siyang maging katulad ng sinasabi ng Panginoong Jesucristo:
“Subalit napakapalad ninyo, sapagkat tinatanggap ng inyong mga mata kung ano ang dapat makita, at taimtim na pinakikinggan ng inyong mga tainga kung ano ang Aking sinasabi.” (Mat. 13:16 LDB)*
Sana’y magsuri tayo. Tinatanggap ba natin at taimtim na pinakikinggan ang itinuturo ng Biblia na napakahalaga ng pag-anib sa Iglesia para maligtas? Kung “oo” ay dapat gawin ang itinuturo nito para sa ating kaligtasan. Intindihin natin ang mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia, ang Kaniyang mga payo, sapagkat ito’y para rin sa ating ikabubuti:
“Mahal kong kaibigan, intindihin mo ang aking payo; ito ay magdaragdag ng mga taon sa iyong buhay. Ako ay nagpapahayag sa pagsulat ng maliwanag na mga tagubilin para sa Landas ng Karunungan, ako ay gumagawa ng balangkas para sa Daan ng Katuwiran. Ayaw kong mauwi ka sa landas na walang patutunguhan, o kaya ay sa pagsasayang ng oras sa paggawa ng mga kamalian. Hawakan mong mahigpit ang mabuting payo; huwag mong luwagan ang iyong pagkapit. Bantayan mo itong mabuti—ang iyong buhay ay nakataya rito!” (Kaw. 4:10-13 The Message).*
*Isinalin mula sa Ingles
Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.