MARAMI ANG HINDI LUBOS na nakababatid sa Iglesia Ni Cristo. Inaakala ng iba na ang Iglesia Ni Cristo ay katulad lamang ng iba’t ibang samahan ng pananampalataya gaya ng Metodista, Baptista, Mormons, at marami pang iba. Kaya’t minarapat naming talakayin sa artikulong ito kung ano ang Iglesia Ni Cristo.
Paano ipinakilala ng Panginoong Jesucristo ang Iglesia Ni Cristo?
“At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.” (Mat. 16:18)
Ipinakilala ni Jesus na Siya ang nagtayo o nagtatag ng Iglesia. Siya rin ang nagmamay-ari nito—ito ang diwa ng sinabi ni Cristo na “aking iglesia.” Maling-mali ang nagsasabing ang Iglesia Ni Cristo ay itinatag ng Kapatid na Felix Y. Manalo. Isa ring kamalian na sabihing ang iba’t ibang pangkatin ng pananampalataya ay itinatag ni Cristo at ang mga ito ay Kaniya.
Ipinakilala ni Apostol Pablo na ang mga kaanib sa Iglesia ay pawang kay Cristo:
“At hindi pa ako nakikilala sa mukha ng mga iglesia ng Judea na pawang kay Cristo.” (Gal. 1:22)
Bakit natin natitiyak na ang tinutukoy ni Apostol Pablo na “pawang kay Cristo” ay mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo? Tunghayan natin ang pagkakasalin ng talatang ito sa New Pilipino Version:
“Hindi pa ako kilalang personal sa mga iglesya ni Cristo sa Judea.” (Gal. 1:22)
Nilinaw sa saling ito ng Biblia na ang Iglesia na nasa Judea na pawang kay Cristo ay hindi tumutukoy sa iba’t ibang pangkatin ng pananampalataya kundi sa mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo. Samakatuwid, ang parirala rito na “kay Cristo” ay tumutukoy sa mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo.
Maraming tagapangaral ang nagtuturo na sapat nang sumampalataya lamang kay Cristo para maging Kaniya. At bukambibig ng maraming naakit nila na sila ay sumasampalataya na raw kay Cristo. Subalit paano ba makikilala ang tunay na sumasampalataya sa Panginoong Jesucristo? Kapag ipinahayag ba ng isang tao na “Sumasampalataya ako kay Cristo” ay maibibilang na siya sa mga tunay na sumasampalataya? Ganito ang tugon ni Cristo:
“Datapuwa’t hindi kayo nagsisampalataya, sapagka’t hindi kayo sa aking mga tupa. Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin.” (Juan 10:26-27)
Ayon kay Cristo, ang tunay na sumasampalataya ay kabilang sa Kaniyang mga tupa. At ang kinikilala ni Cristo na kabilang sa Kaniyang mga tupa ay ang mga nakinig at sumunod sa Kaniya. Ang hindi sumusunod kay Cristo ay hindi maibibilang sa Kaniyang mga tupa at ang hindi kabilang sa Kaniyang mga tupa ay hindi totoong sumasampalataya. Alin ang sinabi ni Jesus na dapat sundin ng tunay na sumasampalataya upang mapabilang siya sa Kaniyang mga tupa?
“Muli ngang sinabi sa kanila ni Jesus: ʻKatotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng mga tupa. … Ako ang pintuan; ang sinumang pumasok sa kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtasʼ.” (Juan 10:7, 9 New English Bible)*
Ang sabi ni Jesus, Siya “ang pintuan ng mga tupa” at upang mapabilang sa Kaniyang mga tupa ay dapat pumasok sa kawan sa pamamagitan Niya. Ang kawan na dapat pasukan ng tunay na sumasampalataya ay ang Iglesia Ni Cristo (Gawa 20:28 Lamsa Translation). Kaya ang tunay na sumasampalataya ay ang nasa Iglesia Ni Cristo.
Ayon kay Apostol Pedro, ang Iglesia Ni Cristo ay lahing hirang, bansang banal, at bayang pag-aaring sarili ng Diyos:
“Datapuwa’t kayo’y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan.” (I Ped. 2:9)
Bakit natin natitiyak na ang tinutukoy rito ni Apostol Pedro ay ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo? Sa naunang talata (I Ped. 2:5), ang tinutukoy ay ang bahay na ukol sa espiritu, na walang iba kundi ang Iglesia (I Tim. 3:15). Hindi lamang si Apostol Pedro ang nagturo na ang Iglesia ay lahing hirang. Natutuhan niya ito sa Panginoong Jesucristo:
“Ako’y hindi ninyo hinirang, nguni’t kayo’y hinirang ko, at aking kayong inihalal, upang kayo’y magsiyaon at magsipagbunga, at upang manatili ang inyong bunga: upang ang anomang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan, ay maibigay niya sa inyo.” (Juan 15:16)
Tiniyak ng Panginoong Jesucristo na ang tinutukoy Niya na Kaniyang hinirang at inihalal ay ang Kaniyang mga sanga (Juan 15:1, 5). Kung itinutulad sa tao, ang katumbas ng puno ay ulo at ang mga sanga ay ang mga sangkap ng katawan. Si Cristo ang ulo at ang Iglesia ang katawan (Col. 1:18). Malinaw kung gayon na ang Iglesia Ni Cristo ay ang lahing hirang at may kahalalan mula kay Cristo.
Ano pa ang pagpapakilala ng Biblia sa Iglesia Ni Cristo?
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa)*
Ang Iglesia Ni Cristo ang binili o tinubos ni Cristo ng Kaniyang sariling dugo. Ang aral na ito ng Biblia ay sinasalungat ng paniniwalang ang lahat ng tao ay natubos ni Cristo. Dahil sa pagtubos na ginawa ni Cristo sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo, nalinis ang kanilang budhi at nagtamo sila ng karapatang maglingkod sa Diyos (Heb. 9:14).
Paano pinatunayan ng Biblia na ang Iglesiang ililigtas ni Cristo ay ang Iglesia Ni Cristo? Ganito ang pagpapatunay ng Biblia:
“Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.” (Efe. 5:23 Magandang Balita Biblia)
Ipinakikilala ng Biblia na ang Iglesia ay katawan ni Cristo sapagkat Siya ang ulo at Tagapagligtas nito. Pansinin na ang ililigtas ni Cristo ay ang Iglesia na Kaniyang pinangunguluhan. Ang katotohanang ito ay sinasalungat ng paniniwala ng iba na maliligtas din ang mga tao kahit saang relihiyon sila kaanib. Ano ang katuwiran kung bakit ang Iglesia Ni Cristo ang ililigtas at bakit hindi maliligtas ang hindi Iglesia Ni Cristo?
“At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya.” (Roma 5:9 mb)
Ang tao para maligtas ay kailangang matubos ni Cristo ng Kaniyang dugo. Ang Iglesia Ni Cristo ang tinubos ni Cristo ng Kaniyang sariling dugo. Dahil sa bisa ng dugo ni Cristo na ipinantubos sa Iglesia, ang mga kaanib nito ay napawalang-sala kaya’t tiyak na sila ay maliligtas sa galit ng Diyos. Bakit hindi maliligtas ang hindi Iglesia Ni Cristo? Sapagkat ang gayon ay hindi natubos. Kapag ang tao ay hindi kabilang sa Iglesia Ni Cristo hindi rin siya kabilang sa mga tinubos ni Cristo.
Pinakahahangad namin na magkaroon ng ganap na pagkaunawa ang mga tao sa kung ano ang Iglesia Ni Cristo—ito ay itinatag ni Cristo; ang mga kaanib nito ang mga kay Cristo; ito ang tunay na sumasampalataya kay Cristo; ito ang lahing hinirang; ito ang tinubos ni Cristo ng Kaniyang sariling dugo; at ito ang ililigtas ni Cristo sa Araw ng Paghuhukom.
*Isinalin mula sa Ingles
Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.