Ang pagiging malapit sa Diyos

Kung ang tao ay magiging malapit sa Diyos at hihingi ng tulong sa Kaniya, mapapasakaniya ang mga pangangailangan niya—at higit pa.

Ni BIENVENIDO A. SANTIAGO JR.

SA ORAS NG PANGANGAILANGAN, ang tao ay karaniwang lumalapit at humihingi ng tulong sa mga malapit sa kaniya—mga kamag-anak, kaibigan, at kakilala. Subalit, tulad nating lahat, bukod sa limitado ang kakayahan nila, may kani-kaniyang problema at bagabag din sila. Gayunman, kung ang tao ay magiging malapit sa Diyos at hihingi ng tulong sa Kaniya, mapapasakaniya ang mga pangangailangan niya—at higit pa.

Wala na tayong iba pang kailangan sa buhay nang higit kaysa Diyos. Ipinakikilala ng Biblia ang mga taong may malapit na relasyon sa Diyos: sila ang Kaniyang mga anak at mga hinirang (Juan 1:12; I Ped. 2:9–10). Kapag sila ay may suliranin, papatnubayan Niya sila ng Kaniyang payo; kapag sila ay nanghihina, palalakasin Niya sila (Awit 73:24–26, 28). Kapag nililibid sila ng panali ng Sheol (o libingan) at nahaharap sila sa baha ng kalikuan, ililigtas Niya sila (II Sam. 22:5–7). Kaya, mahalagang ang tao ay mapabilang sa mga anak ng Diyos, ang mga hinirang Niya, upang magkaroon siya ng mabuting kaugnayan o relasyon sa Kaniya.

Si Haring David ang isang mabuting halimbawa. Bagama’t may kayamanan at kapangyarihan siya, nanalig pa rin siya sa Diyos. Nang naliligid siya ng mga suliranin at nanalangin siya upang humingi ng tulong, hindi siya binigo ng Panginoon:

“Siya’y nagsugo mula sa itaas, kaniyang kinuha ako; kaniyang kinuha ako sa maraming tubig; Kaniyang iniligtas ako sa aking malakas na kaaway, Sa nangagtatanim sa akin; sapagka’t sila’y totoong malakas kay sa akin. Sila’y nagsidating sa akin sa kaarawan ng sakuna ko: Nguni’t ang Panginoon ay siyang alalay sa akin. Kaniyang dinala din ako sa maluwang na dako: Kaniyang iniligtas ako, sapagka’t kaniyang kinalugdan ako.” (II Sam. 22:17–20)

Dininig ng Diyos ang dalangin ni David dahil kabilang siya sa Kaniyang mga hinirang—ang mga taong ibinukod ng Diyos para sa Kaniyang sarili (Awit 4:3).

Hindi lahat ng tao ay may mabuting relasyon sa Diyos. Ang sabi ng Biblia:

“Ang Panginoon ay malayo sa masama …” (Kaw. 15:29)

Para sa Diyos, gawang masama ang paghiwalay sa Kaniya (II Sam. 22:22). Paano ba nagagawa ng tao na humiwalay o tumalikod sa Diyos? Sa pamamagitan ng paglabag sa Kaniyang mga kautusan at pagtangging makinig sa Kaniyang mga aral (Dan. 9:11). Kaya, ang kasalanan ang nakapagpapalayo sa tao mula sa Diyos. Ang lalo pang mabigat, ito ang naging dahilan kaya itinuring ng Diyos na kaaway ang mga tao (Col. 1:21). Bunga nito’y nakatakda nilang pagdusahan ang matinding galit ng Diyos pagdating ng Araw ng Paghuhukom (Heb. 10:27).

“... Nguni’t ang Panginoon ay siyang alalay sa akin. Kaniyang dinala din ako sa maluwang na dako: Kaniyang iniligtas ako, sapagka’t kaniyang kinalugdan ako.”

II Samuel 22:19–20

Kung nasa ganitong kalagayan ang tao, itinuturo ng Biblia na usisain at suriin niya ang kaniyang mga lakad at manumbalik sa Diyos (Panag. 3:39–40). Makapanunumbalik siya sa Diyos kung hahanapin niya ang mabuting daan at doon siya lalakad (Jer. 6:16). Si Jesucristo ang mabuting daan; at sinuman ay hindi makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan Niya (Juan 14:6).

Paano makaparoroon ang tao sa Ama sa pamamagitan ni Jesucristo, ang mabuting daan?

“Kaya muling nagsalita si Jesus: ‘Katotohanang-katotohanan na sinasabi Ko sa inyo, Ako ang pintuan ng kulungan ng mga tupa. … Ako ang pintuan, sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas. …’” (Juan 10:7, 9 Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)

Kung nais ng sinuman na lumakad sa mabuting daan, kailangang pumasok siya kay Cristo sa pamamagitan ng pag-anib sa kawan, ang Iglesia Ni Cristo (Juan 10:16; Gawa 20:28 Lamsa Translation).

Kapag umanib ang tao sa Iglesia Ni Cristo, kabilang na siya sa mga nabili at natubos ni Cristo sa pamamagitan ng Kaniyang dugo (Gawa 20:28 Lamsa). Nalinis na siya sa kaniyang mga kasalanan at nailapit at naipakipagkasundo na siya sa Diyos (Heb. 9:14, 22; Efe. 2:13, 16). Kabilang na siya sa mga anak ng Diyos at sa Kaniyang bayan (Roma 8:16–17; 16:16; I Ped. 2:9–10; 1:18–19) at naitatag na ang kaniyang relasyon sa Diyos.

Mahalagang mapanatili ang gayong relasyon sa Diyos, lalo na’t laganap ngayon ang kahirapan at ang mga di-pangkaraniwang pangyayari at kalamidad. Ngayon, higit kailanman, kailangang maging malapit sa Diyos ang mga lingkod Niya. Upang mangyari iyon, kailangang mabuhay sila nang matuwid. Kailangang sundin nila ang Kaniyang mga kautusan. Kailangang lumayo sila sa anumang bagay na marumi—yayamang nalinis na sila mula sa kanilang mga kasalanan. Kailangang ipakipagbaka nila nang mabuting pakikipagbaka ang kanilang pananampalataya, kumpletuhin nila ang takbuhing ibinigay sa kanila ng Diyos, at ingatan nila ang tunay na pananampalataya (II Tim. 4:6–8).

Kung gagawin nila ang mga bagay na ito, gagantimpalaan sila ng Diyos, gaya ng isinasaad sa II Samuel 22:21–22:

“Pinakitunguhan ako ng PANGINOON ayon sa aking katuwiran; ayon sa kalinisan ng aking kamay, ginantimpalaan niya ako. Sapagkat sinunod ko ang mga daan ng PANGINOON. Hindi ko ginawa ang kasamaan ng pagtalikod sa aking Diyos.” (New Pilipino Version)


Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.