Nasa tunay ka bang relihiyon?

Hindi lahat ng relihiyon ay maghahatid sa kaligtasan sapagkat may daang tila matuwid subalit patungo naman sa kamatayan.

Ni GERSON S. NONATO

DAHIL SA PAG-USBONG ng napakaraming pangkatin ng pananampalataya na pawang nagpapakilalang sila’y mga Cristiano, may mga taong nagkaroon ng paniniwala na ang relihiyon ay tulad lamang sa daan na iba’t iba man at marami subalit iisa ang patutunguhan—ang Diyos. Kaya hindi na nila pinagtutuunan ng pansin kung ang kinabibilangan nilang relihiyon ay talagang patungo sa kaligtasan o patungo sa kapahamakan sa buong pag-aakala na dahil may paglilingkod na silang ipinatutungkol sa Diyos ay ikapagtatamo na nila ito ng kaligtasan. Ang gayong paniniwala ay hindi lamang taliwas sa katotohanang itinuturo ng Biblia kundi mapanganib pa:

“May daang matuwid sa tingin ng tao, Ngunit kamatayan ang dulo nito.” (Kaw. 16:25 Magandang Balita Biblia)

Hindi lahat ng relihiyon ay maghahatid sa kaligtasan sapagkat may daang tila matuwid subalit patungo naman sa kamatayan. Kung bakit kapahamakan ang daang tinatahak ng ibang relihiyon ay ganito ang pahayag ng Biblia:

“Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman: at walang kahatulan sa kanilang mga lakad: sila’y nagsigawa para sa kanila ng mga likong landas; sinomang lumalakad doon ay hindi nakakaalam ng kapayapaan. Kaya’t ang kahatulan ay malayo sa amin, o umaabot man sa amin ang katuwiran: kami’y nagsisihanap ng liwanag, nguni’t narito, kadiliman; ng kaliwanagan, nguni’t nagsisilakad kami sa kadiliman. Kami’y nagsisikapa sa bakod na parang bulag, oo, kami’y nagsisikapa na gaya nila na walang mga mata: kami’y nangatitisod sa katanghaliang tapat na gaya sa gabi; sa gitna ng mga malakas, kami’y parang mga patay.” (Isa. 59:8–10)

Lumalakad na parang bulag ang nasa maling relihiyon—ang katanghaliang tapat ay kagaya ng gabi para sa kanila sapagkat nagsisilakad sila sa kadiliman. Hindi dapat ipagtaka kung bakit may mga nahuhulog sa maling relihiyon dahil hindi mahanap ang liwanag. Ganito ang pagpapatotoo ni Apostol Pablo:

“Na binulag ng dios ng sanglibutang ito ang mga pagiisip ng mga hindi nagsisisampalataya, upang sa kanila’y huwag sumilang ang kaliwanagan ng evangelio ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Dios.” (II Cor. 4:4)

Ang diablo ang bumubulag sa isipan ng tao “upang sa kanila’y huwag sumilang ang kaliwanagan ng ebanghelyo,” ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas (Roma 1:16–17). Kaya, hindi kasang-ayon ng ebanghelyo ang doktrinang itinataguyod ng maling relihiyon at ito ay tiyak na ikapapahamak. Kung kabilang ka sa mga gayong relihiyon, mananatili ka ba roon?

Bulag ang sumasamba sa rebulto

Ang pagsamba sa rebulto o imahen at mga tulad nito ang isa sa pagkakakilanlan sa mga binulag ng diablo o nasa maling relihiyon. Ayon sa Biblia, “… walang kabuluhan ang mga diyus-diyusang kanilang pinahahalagahan. Mga bulag at hangal ang sumasamba sa mga ito …” Sila’y mga bulag sapagkat “tinakpan nila ang kanilang mata at sinarhan ang isipan sa katotohanan. Hindi na nila naisip na ang kaputol ng ginawa nilang rebulto ay ginamit na pangluto … Hindi man lamang nila itinanong sa kanilang sarili kung hindi kaya karumal-dumal ang sumamba sa isang pirasong kahoy” (Isa. 44:9, 18–19 mb).

Hindi mapasusubalian na ang pagsamba sa diyus-diyusan ay matatagpuan sa Iglesia Katolika. Mababasa sa Catecismo ng mga Katoliko ang ganito:

“Pagbangon mo sa banig ay agad kang manikluhod sa harap ng isang Krus o isang mahal na larawan.

“Kung maninikluhod ka sa tapat ng altar ay magwika ka ng ganito: ‘Sinasamba Kita’ …” (Catecismo, p. 82, 85)

Sa isa pang aklat-Katoliko ay pinatunayan na ang pagsambang iniuukol nila sa mga santo ay sumasaklaw rin sa relikya at mga larawan nito:

“13. Ang pagsamba ba sa mga santo ay ukol lamang sa kanilang katauhan?

“Hindi, sumasaklaw rin ito sa kanilang mga relikya at mga larawan.

“14. Ano ang tinatawag nating mga relikya?

“Tinatawag nating mga relikya: 1. Ang mga labi ng katawan ng isang santo na pinapaging-banal o inihanda sa pagiging-banal ng Iglesia; 2. Ang mga bagay na naging pag-aari ng mga santo, o yaong napadaiti sa kanilang mga katawan: tulad ng kanilang kasuotan, mga ataol, at iba pa.” (Catechism of Christian Doctrine, No.3, p. 87) *

Gayunpaman, pilit na pinangangatuwiranan ng ilang defensor Katoliko na ang kanilang veneracion sa mga imahen ay naipagkakamali lamang daw ng mga anti-Katoliko sa kasalanang pagsamba sa diyus-diyusan (Catholic Answers, www.catholic.com). Hindi nga ba maituturing na pagsamba sa diyus-diyusan ang kanilang ginagawa kung ihahambing natin ito sa isinasaad sa Biblia? Ganito ang nakasulat:

“Ang natirang kahoy ay ginagawa nga niyang diyos na kaniyang niluluhuran at sinasamba. Dumadalangin siya sa rebulto, ‘Iligtas mo ako sapagkat ikaw ang aking diyos.’” (Isa. 44:17 mb)

Ang pagluhod o pagyukod at pagdalangin sa mga rebulto at larawan ay anyo ng pagsamba sa diyus-diyusan. Ang katotohanang ito ang hindi nakikita—gaya ng bulag—ng isang relihiyon na kinagisnan ng marami.

“Walang kabuluhan ang mga diyus-diyusang kanilang pinahahalagahan. Mga bulag at hangal ang sumasamba sa mga ito.”

Isaias 44:9

Magandang balita biblia

Ang hindi makita ng mga Protestante

Bagama’t hindi sumasamba sa mga rebulto at larawan, ang mga Protestante ay kabilang din sa sinasabi ng Biblia na lumalakad sa kadiliman gaya ng bulag, sapagkat katulad ng Iglesia Katolika, hindi nagliwanag sa kanila ang ebanghelyo. Alin ang isa rito? Ang isinasaad sa sulat ni Apostol Santiago na ganito ang pahayag:

“Nakikita ninyo na sa pamamagitan ng mga gawa’y inaaring ganap ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.

“Anong pakikinabangin, mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinoman na siya’y may pananampalataya, nguni’t walang mga gawa? makapagliligtas baga sa kaniya ang pananampalatayang iyan?” (Sant. 2:24, 14, idinagdag ang pagdiriin)

Sa mga hindi bulag sa katotohanan ay makikitang maliwanag ang kahalagahan ng gawa kalakip ng pananampalataya—hindi pananampalataya lamang—upang ang tao ay ariing ganap ng Diyos at magtamo ng kaligtasan. Ito ang hindi makita ng mga protestante kaya sila man ay bulag din. Mapapansin sa doktrina ng mga protestante na kabaligtaran ng aral ng Biblia ang kanilang itinataguyod:

“Ang pangunahing ikakikilala sa orihinal na Protestantismo, na makikita sa lahat ng denominasyon nito ay … ang doktrina na inaaring-ganap [sa kaligtasan ang tao] sa pamamagitan ng pananampalataya lamang …” (The Concise Dictionary of the Christian Church, p. 419) *

“Mga simulaing Protestante …

“Inaaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. Ang tao ay maaaring maligtas sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Cristo, hindi sa pamamagitan ng mga mabubuting gawa.” (20 Centuries of Christianity, p. 32) *

Ang paniniwalang Protestante na maliligtas ang tao sa pamamagitan ng pananampalataya lamang at hindi na kailangan ng gawa ay nagpapatunay na wala sila sa daan patungo sa kaligtasan.

“Anong pakikinabangin, mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinoman na siya’y may pananampalataya, nguni’t walang mga gawa? makapagliligtas baga sa kaniya ang pananampalatayang iyan?”

Santiago 2:14

Ang mabuting daan​

Makatitiyak lamang ang tao na siya ay patungo sa kaligtasan kung ang kaniyang lalakaran ay ang pinakamabuting daan na itinuturo ng Biblia:

“Ganito ang sabi ng Panginoon, Magsitayo kayo sa mga daan at magsitingin kayo, at ipagtanong ninyo ang mga dating landas, kung saan nandoon ang mabuting daan; at magsilakad kayo roon, at kayo’y mangakakasusumpong ng kapahingahan sa inyong mga kaluluwa: nguni’t kanilang sinabi, Hindi kami magsisilakad doon.” (Jer. 6:16)

Ang kapahingahan ng kaluluwa na masusumpungan ng mga lumakad sa mabuting daan ay nasa Panginoong Jesucristo (Mat. 11:28). Siya ang mabuting daan na dapat hanapin at lakaran ng tao (Juan 14:6). Paano ito magagawa ng tao? Sa pamamagitan kaya ng pagluhod sa istatwa o rebulto diumano ni Cristo na ginagawa ng Iglesia Katolika o kaya ay sa pamamagitan ng pagtanggap lamang kay Cristo bilang Personal Savior gaya ng paniniwalang Protestante? Ganito ang pahayag ni Cristo:

“Kaya muling nagsalita si Jesus: ‘Buong katotohanang sinasabi ko sa inyo. Ako ang pintuan ng kulungan ng mga tupa …

“Ako ang pintuan; ang sinumang taong pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas …’” (Juan 10:7, 9 Revised English Bible) *

Si Cristo mismo na Tagapagligtas ang may utos na ang tao ay pumasok sa kawan upang maligtas. Ang tinutukoy na kawan ay ang Iglesia Ni Cristo:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation) *

Samakatuwid, ang pagdaan kay Cristo na siyang mabuting daan sa ikapagtatamo ng kaligtasan ay sa pamamagitan ng pag-anib sa Iglesia Ni Cristo. Sa loob ng Iglesiang ito makatitiyak ang tao na siya ay nasa mabuting daan na patungo sa kaligtasan. Sa kabilang dako, may mga taong binabanggit ang Biblia na magsasabi ng “hindi kami magsisilakad doon” (Jer. 6:16). Papayag ka bang mapabilang sa kanila?


* Isinalin mula sa Ingles