
Nagliliwanag na tulad ng mga ilaw sa sanlibutan
Nagliliwanag na tulad ng mga ilaw sa sanlibutan
ANG PAG-ANIB SA IGLESIA NI CRISTO ay lubhang napakahalaga. Ipinahayag ng Panginoong Jesucristo: “… ang sinomang taong pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas” (Juan 10:9, isinalin mula sa Revised English Bible). Ang kawan ay ang Iglesia Ni Cristo (Gawa 20:28 Lamsa Translation). Samakatuwid, ang Tagapagligtas mismo ang nag-uutos sa mga tao na umanib sa Kaniyang Iglesia upang maligtas sila sa hatol ng Diyos (Roma 8:1; I Cor. 5:12–13).
Sa pagkakilala sa dakilang kahalagahan ng Iglesia Ni Cristo sa ikaliligtas ng tao, buong pag-ibig at pagmamalasakit na ibinabahagi ng mga kaanib sa Iglesia ang kanilang pananampalataya sa kanilang kapuwa at inaanyayahan silang umanib din sa loob ng Iglesia. Matiyaga nilang ipinag-aanyaya sa kanilang mga mahal sa buhay, kaibigan, at kakilala na dumalo sa mga pag-aaral ng mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia; binibigyan nila sila ng mga sipi ng babasahing Pasugo: God’s Message at mga polyeto ng Iglesia Ni Cristo; hinihimok na tangkilikin ang mga palatuntunan at programa ng Iglesia Ni Cristo sa telebisyon, sa radyo, at sa opisyal na social media accounts at websites ng Iglesia—iglesianicristo.net, incmedia.org, at pasugo.com.ph. Patuloy nilang itinataguyod ang gawaing ito kahit pa sa panahon ng ligalig, tulad noong pandemya nang ang karamihan ay nasa loob lamang ng kani-kanilang tahanan. Sa gayon, natutugunan nila ang kanilang kaukulan bilang mga tunay na Cristiano—ang magsilbing ilaw sa sanlibutan (Mat. 5:14). Kalooban ng Diyos na ang lahat ng tao ay makarating sa pagkaalam ng katotohanan upang magtamo ng kaligtasan sa araw ng Paghuhukom (I Tim. 2:3–4).
Tangi sa pagpapalaganap ng pananampalataya, nagagawa rin ng mga tunay na kaanib ng Iglesia Ni Cristo na magliwanag sa sanlibutan sa pamamagitan ng pamumuhay nang ayon sa inaasahan ng Panginoong Diyos sa kanila—na sila ay maging malinis at walang kapintasan sa pagsunod sa mga aral ng Diyos na itinuro sa kanila. Ganito ang ipinahayag ni Apostol Pablo: “Upang kayo’y maging walang sala at walang malay, mga anak ng Diyos na walang dungis sa gitna ng isang salinlahing liko at masama, na sa gitna nila’y lumiliwanag kayong tulad ng mga ilaw sa sanlibutan, na nanghahawak sa salita ng buhay upang may ipagkapuri ako sa araw ni Cristo, na hindi ako tumakbo nang walang kabuluhan ni nagpagal man nang walang kabuluhan” (Filip. 2:15–16 Ang Bagong Ang Biblia).
Kaya, hindi nakikisangkot ang mga tunay na kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa mga gawang labag sa mga aral ng Diyos kahit na ang mga ito ay tila baga naging katanggap-tanggap na sa mga tao sa daigdig. Hindi sila napadadaig sa mga pang-uupat ni napatutuksong gumawa ng mga bagay na masama, tulad ng pag-inom ng mga inuming nakalalasing o paggamit ng ilegal na droga, premarital sex, pakikipag-live-in, homosexuality, paghahanap-buhay na may kasamang panlilinlang ng kapuwa, pagsusugal at iba pa, sapagkat sinasampalatayanan nila na ang paggawa ng alinman sa mga ito ay ikapipinsala ng kanilang pag-asa at karapatan sa pagtatamo ng kaligtasan (I Cor. 6:9–10).
Sa halip na magpatangay o magpaimpluwensiya sa kultura ng mga tao ng sanlibutan na pinadilim ng masasamang gawa, ang sinusunod ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ay ang tagubilin ng Panginoong Jesus na, “Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit” (Mat. 5:16). Ang tinutukoy na mabuti ay ang kautusan o mga utos ng Panginoong Diyos na nakasulat sa Biblia (Roma 7:12).
Gaanong dedikasyon o pagtatalaga sa pagsunod sa mga utos Niya ang hinahanap ng Diyos sa mga tunay na Cristiano? Itinuro ni Apostol Pablo:
“Huwag tayong manghimagod sa paggawa ng mabuti, pagkat pagdating ng takdang panahon, tayo’y mag-aani kung hindi natin ito lulubayan.” (Gal. 6:9 New Pilipino Version)
Kaya, hindi nakapagtataka na anuman ang maging sitwasyon ng buhay sa mundo, ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ay namamalaging nakatalaga sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Hindi nila pinababayaan ang pagdalo sa mga pagsambang kongregasyonal (Heb. 10:25), ang pag-aabuloy (Heb. 13:15–16), ang pagtulong o pagdamay sa kanilang kapuwa tao na nangangailangan (Deut. 15:11), ang pagmimisyon o pagpapalaganap ng ebanghelyo sa di-kapanampalataya (Juan 4:28–30), at ang pagtataguyod ng marangal o matuwid na buhay at pamumuhay (Efe. 4:21–24). Gayundin, sa lahat ng mga bagay ay nagpapasalamat sila sa Diyos (I Tes. 5:18). Ito ang dahilan kaya sa paggunita ng Iglesia sa ika-111 anibersaryo ng pagkakatatag nito sa Pilipinas sa Hulyo 27, 2025, ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa buong mundo ay lubos na pagkakaisa sa paghahandog ng taos-pusong pagpapasalamat sa Panginoong Diyos. Hindi sila nagsasawang sundin ang mga kautusan ng Diyos sapagkat sa gayong paraan sila ay nagliliwanag bilang mga tunay na ilaw ng sanlibutan.
Pinatutunayan ng Biblia na ang walang sawang paggawa sa mabuti sa paningin ng Diyos ay hindi walang kabuluhan, bagkus ay may gantimpala. Magsakripisyo man, hinding-hindi isusuko o ititigil ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ang mga pananagutan nilang ito, sapagkat tiyak ang pangako ng Panginoong Diyos na pagdating ng takdang araw, tatanggapin nila ang gantimpalang buhay na walang hanggan.