Ang kahalagahan ng nakaugnay sa Pamamahala

Ang kahalagahan ng nakaugnay
sa Pamamahala

Ang kahalagahan ng nakaugnay sa Pamamahala

Ang may pakikisama o kaugnayan sa Namamahala sa Iglesia ay “may pakikisama sa Ama at sa kaniyang Anak na si Jesucristo”

Sinulat ni BIENVENIDO A. SANTIAGO JR.

MABUTING LAGING NAGSUSURI ang bawat miyembro ng Iglesia Ni Cristo kung sila ay maayos na nakaugnay sa Pamamahala ng Iglesia. At habang lumilipas ang panahon, dapat din nilang natitiyak na lalong tumitibay ang kanilang kaugnayan sa Namamahala.

Ang pagpapahalaga sa kaugnayang ito sa Pamamahala—na dahil dito ang mga kaanib sa Iglesia ay buong galang at pagkilalang sumusunod at nagpapasakop sa kanila—ay ipinagtataka ng mga nagmamasid sa Iglesia. Kanila ring nakikita na maging sa mga usapin at di-pagkakaunawaan sa pagitan ng magkakapatid sa Iglesia ay umuugnay sila sa Pamamahala ng Iglesia at kinikilala ang kanilang pagpapasiya.

Mahalagang naisasakatuparan ng mga kaanib sa Iglesia ang pakikipag-ugnay sa Pamamahala sapagkat ito ay pagsunod sa mga aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia.

Kung bakit dapat nakaugnay

Ayon kay Apostol Juan, isa sa mga namahala sa Iglesia Ni Cristo noong unang siglo, ang may pakikisama o kaugnayan sa kanila na Namamahala sa Iglesia ay “may pakikisama sa Ama at sa kaniyang Anak na si Jesucristo” (I Juan 1:3). Kaya, napakahalaga na nananatili ang kaugnayan ng mga kaanib sa Pamamahala ng Iglesia.

Marapat itong gawin ng bawat kaanib sa Iglesia sapagkat ang Pamamahala ay mula sa Diyos at binigyan Niya ng pananagutang magpahayag ng Kaniyang mga salita. Ayon kay Apostol Pablo, na isa rin sa namahala noon sa Iglesia:

“Na ako’y ginawang ministro nito, ayon sa pamamahala na mula sa Dios na ibinigay sa akin para sa inyo upang maipahayag ang salita ng Dios.” (Col. 1:25)

Kapag ang isang kaanib ay nakaugnay sa pinagtitiwalaan ng Diyos na magpahayag ng Kaniyang mga salita ay mananatili ang pakikisama niya sa Diyos at ang Diyos ay sasakaniya. Tiniyak ito ni Apostol Pablo nang sabihin niya:

“Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig, at nakita sa akin. Kung magkagayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.” (Filip. 4:9 Magandang Balita Biblia)

Paanong mauugnay sa Diyos

Ang isa sa mga paraan na isinagawa ng mga apostol upang maiparating sa Iglesia ang mga salita ng Diyos ay sa pamamagitan ng sulat. Ang sabi ni Apostol Pablo:

“Kaya nga, mga kapatid, kayo’y mangagpakatibay, at inyong panghawakan ang mga aral na sa inyo’y itinuro, maging sa pamamagitan ng salita, o ng aming sulat.” (II Tes. 2:15)

Ganito rin ang isinasagawa ng kasalukuyang Namamahala sa Iglesia. Ang Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo, bukod sa personal na pinangangasiwaan ang mga pagsamba ng mga kapatid ay bumabalangkas ng mga leksiyong ituturo sa pagsamba at sumusulat din ng mga liham-pastoral na binabasa sa panahon ng mga pagsamba. Ang nilalaman ng lahat ng kanilang mga mensahe ay pawang mga kalooban at mga aral ng Diyos na nasa Biblia. Nagpapadala rin ang Pamamahala ng mga ministro at manggagawa upang makaabot ang mga salita ng Diyos sa mga kapatid sa buong mundo. Ganito ang ginawa noon ni Apostol Pablo nang suguin niya ang kamanggagawa niyang si Timoteo sa mga kapatid (Filip. 2:19-20).

“Na ako’y ginawang ministro nito, ayon sa pamamahala na mula sa Dios na ibinigay sa akin para sa inyo upang maipahayag ang salita ng Dios.”

Colosas 1:25

Ang Biblia

Dahil sa ang mensahe na dala-dala ng Pamamahala ay mga salita ng Diyos, hindi makabubuti sa sinuman na tumangging makinig sa kanilang pangangaral. Ayon sa mga apostol, ang tatangging makinig sa nagsasalita ng salita ng Diyos ay hindi makaliligtas sa parusa (Heb. 12:25 MB).

Kung gayon, dapat tanggaping may pananampalataya ang mga itinuturo ng Pamamahala.

Ang dapat marating ng pinangaralan

Pinagsisikapan ng Pamamahala na ituro sa mga kaanib ang mga salita ng Diyos upang marating nila ang uring sakdal. Ito ang hinahangad ng Pamamahala para sa Iglesia. Ang sabi ng mga apostol:

“Iyan ang dahilan kung bakit namin ipinangangaral si Cristo. Pinaaalalahanan namin ang lahat, at buong linaw na tinuturuan ayon sa aming makakaya upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa, sakdal at walang kapintasan dahil sa pakikipag-isa kay Cristo.” (Col. 1:28 MB)

Magkakaroon ng kaganapan ang dalisay at dakilang layuning ito ng Pamamahala, kung pananatilihan at iingatan ng mga kaanib ang mga salita ng Diyos na ipinangaral sa kanila (I Cor. 15:1-2).

Ang katunayan ng pananatili at pag-iingat sa mga aral ng Diyos ay sa pamamagitan ng laging pagsunod sa mga ito. Ayon kay Apostol Pablo:

“Kung paano ang inyong laging pagsunod, na hindi lamang sa harapan ko, kundi bagkus pa ngayong ako’y wala, ay lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas …” (Filip. 2:12)

Kaya, napakalaki ng kinalaman ng laging pagsunod sa mga ipinangangaral ng Pamamahala sa ating ikaliligtas.

“Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig, at nakita sa akin. Kung magkagayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.”

Filipos 4:9

Magandang Balita Biblia

Ang ikapananatili ng kaugnayan

Upang manatili ang kaugnayan sa Pamamahala, mahalagang nagpapasakop ang mga kapatid sa kanila. Magagawa ito ng mga kapatid sa pamamagitan ng pagsunod sa kanila, tulad ng itinuturo ng mga apostol sa Iglesia:

“Pasakop kayo sa mga nangangasiwa sa inyo. Sila’y may pananagutang magbantay sa inyo, at magbibigay-sulit sila sa Diyos ukol dito. Kung sila’y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Kung hindi, sila’y mahahapis, at hindi ito makabubuti sa inyo.” (Heb. 13:17 MB)

Utos ng Diyos na pasakop at sumunod sa Pamamahala dahil sila ang nagbabantay sa mga kaanib sa Iglesia at nangangasiwa sa kanilang paglilingkod sa Diyos. At dahil buong pagmamalasakit at walang-tigil na gumagawa ang Pamamahala para sa kapakanan ng Iglesia, tinuruan ng mga apostol ang mga kapatid kung paano ang wasto at marapat na pagkilala at pagpapahalaga sa Namamahala. Ang sabi ni Apostol Pablo:

“Ipinamamanhik namin, mga kapatid, na igalang ninyo ang mga nagpapagal para sa inyo, ang mga pinili ng Diyos upang mamahala at magturo sa inyo. Pag-ukulan ninyo sila ng lubos na paggalang at pag-ibig, dahil sa kanilang gawain. Magsama-sama kayong mapayapa.” (I Tes. 5:12-13 MB)

Kaya ang pagkilala, paggalang, at pag-ibig na iniuukol ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo sa Namamahala ay pagtupad sa aral na nasa Biblia. Hindi ito dapat ipagtaka ng mga nagsusuri sa Iglesia. At maging ang pag-ugnay nila sa Pamamahala kapag may usapin o di-pagkakaunawaang bumabangon sa pagitan ng magkakapatid—at ang kanilang pagpapasakop at pagsunod sa pagpapasiya ng Pamamahala tungkol dito—ay pawang pagsunod sa mga aral ng Diyos.

Higit sa lahat, tinuruan ng mga apostol ang mga kapatid na ipanalangin sa Diyos ang Namamahala. Ito ang ipinamanhik ng mga apostol na gawin sa kanila noon ng mga kapatid, at ito rin ang dapat gawin ng mga kapatid ngayon para sa Pamamahala. Ang sabi ni Apostol Pablo:

“Ang lahat ng ito’y gawin ninyo sa pamamagitan ng mga panalangin at pagsamo. Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, sa patnubay ng Espiritu. Kaya’t lagi kayong maging handa, at patuloy na manalangin para sa lahat ng hinirang ng Diyos. Ipanalangin din ninyong ako’y pagkalooban ng wastong pananalita upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng Mabuting Balita.” (Efe. 6:18-19 MB)

Ito rin ang dalangin ng buong Iglesia para sa kasalukuyang Namamahala: nawa’y lagi silang patnubayan ng Diyos upang patuloy nilang maituro ang Kaniyang mga salita nang buong giting. At sa pagsunod ng mga hinirang sa mga ito ang siya namang ikapamamalagi ng kanilang kaugnayan sa Kaniya.

Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message noong Oktubre 2014.