SA USAPANG PANGRELIHIYON, isa sa mga isyu na pinagtatalunan ay ang tungkol sa kung sino ang tunay na sa Diyos. Ang paniniwala ng marami ay sapat nang kumilala at sumampalataya sa Diyos upang tanggapin Niya. Iniisip naman ng iba na dahil ang Diyos ang lumikha at may-ari sa tao kaya lahat ng tao ay sa Diyos. At kapag ang isang tao ay hindi naniniwala at kumikilala sa Diyos, tulad ng mga ateo, ay saka lamang siya maituturing na hindi sa Diyos. Upang matamo natin ang tamang pagkaunawa kung sino ang totoong sa Diyos, ang dapat sangguniin ay ang pagtuturo ng ating Panginoong Jesucristo at ng mga
Hindi tayo ang magpapasiya kung sino ang sa Diyos. Sa Biblia ay talagang tiniyak na mayroong mga taong sa Diyos at hindi:
“Nalalaman natin na tayo’y sa Dios at ang buong sanglibutan ay nakahilig sa masama.” (I Juan 5:19)
Ito’y sulat ni Juan na apostol ng Panginoong Jesus. Sino ang tinutukoy ni Apostol Juan na “tayo’y sa Dios?” Lahat ba ng kumikilala sa Diyos? Ang Panginoong Jesucristo, ang pinakadakilang sugo ng Diyos, ang nagsabi:
“Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan: sila’y iyo, at sila’y ibinigay mo sa akin; at tinupad nila ang iyong salita.” (Juan 17:6)
Kung gayon, ang mga taong sa Diyos ay yaong mga ibinigay ng Ama kay Cristo at tumutupad ng Kaniyang mga salita.
Paano ba magiging kay Cristo ang tao upang maging sa Diyos? Ang Panginoong Jesucristo rin ang nagturo:
“Walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya’y magdala sa akin; at siya’y aking ibabangon sa huling araw.” (Juan 6:44)
Kailangang dalhin ng Panginoong Diyos ang tao kay Cristo ayon sa ating Panginoong Jesucristo mismo. Ito ay sa paraang sila’y tinatawag upang makipag-isa sa Kaniya, gaya ng sinabi ni Apostol Pablo na:
“Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang kayo’y makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristong ating Panginoon.” (I Cor. 1:9 Magandang Balita Biblia)
Kaya, upang maging kay Cristo para maging sa Diyos, kailangang tawagin ang tao ng Panginoong Diyos upang makipag-isa sa Panginoong Jesucristo.
Paano naman tinatawag ng Diyos ang mga tao upang makipag-isa kay Cristo? Ayon kay Apostol Pablo:
“Tinawag kayo ng Dios sa pamamagitan ng ebanghelyong ipinangangaral namin sa inyo upang makahati kayo sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo.” (II Tes. 2:14 New Pilipino Version)
Ang mga tinawag ay nasa isang katawan ayon din kay Apostol Pablo: “At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na diya’y tinawag din naman kayo sa isang katawan; at kayo’y maging mapagpasalamat” (Col. 3:15). At ang katawan ay ang Iglesia (Col. 1:18), na ito’y ang Iglesia Ni Cristo (Roma 16:16 NPV).
Kung gayon, ang mga taong sa Diyos, dahil sila’y kay Cristo, ay ang mga kaanib sa tunay na Iglesia Ni Cristo.
Ano ba ang sama kapag wala sa Iglesia Ni Cristo o hiwalay kay Cristo? Ang sabi ni Apostol Pablo:
“Na kayo nang panahong yaon ay mga hiwalay kay Cristo, na mga di kabilang sa bansa ng Israel, at mga taga ibang lupa tungkol sa mga tipan ng pangako, na walang pagasa at walang Dios sa sanglibutan.” (Efe. 2:12)
Tunay ngang mahalaga na ang tao’y maging kay Cristo o kaanib sa tunay na Iglesia Ni Cristo sapagkat sa pamamagitan nito’y magkakaroon siya ng karapatang dumiyos o sumamba sa Diyos at pag-asa sa kaligtasan. Ang pag-anib sa Iglesia ay katunayan ding tumugon siya sa tawag ng Diyos. Sa mga tumatanggi na tumugon sa tawag ng Diyos, ito naman ang sabi Niya:
“Sapagka’t ako’y tumawag, at kayo’y tumanggi: Aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig … Kung magkagayo’y tatawag sila sa akin, nguni’t hindi ako sasagot; Hahanapin nila akong masikap, nguni’t hindi nila ako masusumpungan.” (Kaw. 1:24, 28)
Malaki ang pagkakaiba ng wala kay Cristo at ng mga nasa Kaniya. Tiniyak ni Apostol Pablo ang ganito:
“At kayo, nang nakaraang panahon ay nangahihiwalay at mga kaaway sa inyong pagiisip sa inyong mga gawang masasama.” (Col. 1:21)
Ang wala o hiwalay kay Cristo ay kaaway ng Diyos at malagim ang kanilang magiging hantungan:
“Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway.” (Heb. 10:27)
Sa kabilang dako, isinulat ni Apostol Pablo sa mga Cristianong taga-Galacia ang ganito:
“Na siyang nagbigay sa kaniyang sarili dahil sa ating mga kasalanan, upang tayo’y mailigtas dito sa kasalukuyang masamang sanglibutan, ayon sa kalooban ng ating Dios at Ama.” (Gal. 1:4)
Sa mga taga-Colosas naman ay ganito ang kaniyang sinabi:
“Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig; Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan.” (Col. 1:13-14)
Ang tinubos ng dugo ng ating Panginoong Jesucristo ay ang Iglesia Ni Cristo (Gawa 20:28 Lamsa Translation).
Kaya, kung sa Biblia lamang magbabatay ang lahat tungkol sa kung sino ang sa Diyos ay walang magiging pagtatalo. Sapagkat malinaw sa Biblia na ang mga taong sa Diyos at kay Cristo ay ang mga nasa tunay na Iglesia Ni Cristo.
Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message noong Abril 2016.