Ang mga nagpapatotoo tungkol
sa Iglesia Ni Cristo

Ang mga nagpapatotoo tungkol sa
Iglesia Ni Cristo

Ipinagpauna ng Panginoong Jesus na mayroon Siyang ibang mga tupa na gagawin Niyang isang kawan. Itatatag Niya sila bilang Iglesia Ni Cristo.

Sinulat ni LLOYD RUBEN I. CASTRO

SA PANAHONG CRISTIANO, ibibilang tayong mga anak ng Diyos kung may kaugnayan tayo sa Kaniyang Anak na si Jesucristo. Upang magkaroon tayo ng kaugnayan kay Cristo, kailangang maging miyembro tayo ng Kaniyang Iglesia. Ang kaanib sa Iglesiang itinayo ni Cristo ang may relasyon sa Kaniya dahil sa ang Iglesia ay katawan Niya at Siya ang ulo nito (Col. 1:18; Efe. 5:32 Magandang Balita Biblia).

Kaya, kung sinasabi ng isang tao na siya’y anak ng Diyos o siya’y may relasyon kay Cristo, kailangang mapatunayan muna niyang ang iglesia o samahang panrelihiyong kinabibilangan niya ay siyang tunay na kay Cristo sa panahong ito. Ang Panginoong Jesucristo na Tagapagtatag mismo ng Iglesia, ang mga apostol Niya, at higit sa lahat, ang Dakilang Diyos, ang mga nagpapatotoo kung alin lamang sa napakaraming iglesia at pangkatin ng pananampalataya ngayon ang iisang Iglesiang itinatag ni Cristo.

Iyon ang Iglesiang dapat nating pasukan upang maging totoo at matibay ang ating pagkakatiwalang may relasyon tayo sa Panginoong Jesus, at sa gayon, tayo’y sa Ama na Siyang iisang tunay na Diyos.

Ang patotoo ni Jesus

Ayon sa Apocalipsis 19:10, “ang patotoo ni Jesus ay siyang espiritu ng hula.” Suriin natin kung ang Iglesia Ni Cristo na nagsimula sa Pilipinas ay pasado sa pamantayang ito.

Kung ang Iglesia Ni Cristo ang siya lamang Iglesiang kay Jesucristo, may patotoo ba Siya tungkol dito? May hula (prophecy) ba Siya tungkol sa paglitaw ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas noong 1914?

Ang totoo, ang pagkakatatag ng Iglesiang ito ay katuparan ng hula ni Cristo na nakasulat sa Juan 10:16 tungkol sa Kaniyang ibang mga tupa:

“At mayroon pa akong ibang mga tupa. Sila ay wala sa kawang narito. Akin din silang pangungunahan. Sila’y makikinig sa aking tinig. Sa hinaharap ay magkakaroon ng isang kawan at isang pastor.” (Easy-to-Read Version)*

Ipinagpauna ng Panginoong Jesus na mayroon Siyang ibang mga tupa na gagawin Niyang isang kawan. Itatatag Niya sila bilang Iglesia Ni Cristo.

Pinatunayan ni Apostol Pablo na ang kawan ng Panginoon ay ang Iglesia Ni Cristo. Ganito ang sinabi niya sa Gawa 20:28:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Lamsa Translation)*

Ang pagtitipon sa ibang mga tupa ng Panginoong Jesus upang maging Iglesia Ni Cristo ay mangyayari sa hinaharap o sa darating na panahon. Kaya tinawag Niya silang Kaniyang ibang mga tupa ay dahil “wala sila sa kawang narito,” na ang tinutukoy ay ang Iglesia Ni Cristo noong unang siglo.

Hindi nangangahulugang dalawang Iglesia ang itinayo ni Cristo. Ang Iglesia noong unang siglo at ang Iglesiang kinabibilangan ng Kaniyang ibang mga tupa ay iisang Iglesia Ni Cristo. Kung paanong iisa ang Ulo, si Cristo, iisa lamang ang katawan o Iglesia (Efe. 4:4; Col. 1:18). Ang paglitaw ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas ay muling pagkakatatag sa tunay na Iglesia.

Dumating ang panahon na ang Iglesiang nagsimula noong unang siglo ay nawalan ng mga kaanib na nagtataguyod ng tunay na pananampalatayang Cristiano. Noong pumanaw na ang mga apostol, bumangon ang mga huwad na tagapangaral at itinalikod sa pananampalataya ang maraming alagad; ang mga nanindigan sa tunay na aral ni Cristo ay pinagpapatay (Gawa 20:29-30; I Tim. 4:1; Mat. 24:9). Kaya kung nanatili man ang organisasyon ngunit wala na sa uring tunay na kay Cristo at sa Diyos. Gayunman, kung paanong ipinagpauna Niya na ang Iglesia ay ililigaw ng mga bulaang propeta (Mat. 24:4, 11), hinulaan din Niyang magkakaroon ng isang kawan sa hinaharap na panahon o ng Iglesia na tunay na Kaniya.

“At mayroon pa akong ibang mga tupa. Sila ay wala sa kawang narito. Akin din silang pangungunahan. Sila’y makikinig sa aking tinig. Sa hinaharap ay magkakaroon ng isang kawan at isang pastor.”

Juan 10:16

Easy-to-Read Version

Ang patotoo ng mga apostol

Nagbigay rin ang mga apostol ng patotoo na ang “isang kawan sa hinaharap” na binubuo ng ibang mga tupa ni Cristo ay ang Iglesia Ni Cristo na lumitaw sa Pilipinas. Ito ang katuparan ng hinulaan ni Apostol Pedro na ikatlong grupo ng mga taong pinangakuan ng Espiritu Santo:

“Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus. … Sapagka’t sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.” (Gawa 2:36, 39)

Malinaw na ang “sa inyo” ay tumutukoy sa mga Israelita o mga Judio na umanib sa Iglesia noong unang siglo. Ang tinutukoy naman na “sa inyong mga anak” ay ang mga Gentil na naging Cristiano sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo, pangunahin na ni Apostol Pablo na isang Judio (I Cor. 4:14-15).

Kung gayon, ang “mga nasa malayo” ay hindi tumutukoy sa mga Gentil na naging kaanib sa unang-siglong Iglesia. Samantalang ang mga Gentil, kasama ng mga Judio, ay tinawag noong panahon ng mga apostol (Roma 9:24), ang ikatlong grupo naman ay tatawagin pa lamang: “sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng … Dios.”

Tulad ng nabanggit na, iisa lamang ang tunay na Iglesia. Gayunman, ito ay binubuo ng tatlong grupo ng tao. Ang unang dalawang grupo na magkapanahon—ang mga Cristianong Judio at Gentil—ang bumubuo sa Iglesia noong unang siglo. Ang ikatlong grupo ay malayo sa kanila sa panahon at dako. Ganito ang pagkakasalin ni C. H. Rieu sa Gawa 2:39:

“Sapagkat ang kaloob ay ipinangako sa inyo, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayong mga panahon at dako, na tatawagin ng Panginoon nating Diyos sa kaniya.”*

Ang patotoo ng Diyos

Ang malayong dako na mula roon ay tatawagin ang ibang mga tupa ni Cristo ay ang Malayong Silangan, ayon sa hula ng Diyos sa Isaias 43:5:

“Mula sa malayong silangan dadalhin ko ang iyong lahi, at mula sa malayong kanluran titipunin kita.” (Moffatt Translation)*

Kabilang sa tinatawag na dako ng mga Gentil ang Roma at Gresya na kapuwa nasa Europa. Ang mga ito ay wala sa Malayong Silangan. Ang Far East o Malayong Silangan ay ang rehiyon sa Asya na kinaroroonan ng Pilipinas (Kenneth Scott Latourette. A Short History of the Far East, p. 290), na rito lumitaw ang Iglesia Ni Cristo sa panahong ito.

Ang binanggit naman na “malayong mga panahon” ay tumutukoy sa ekspresyong “mga wakas ng lupa.” Sa panahong iyon tatawagin o dadalhin ng Diyos ang Kaniyang mga anak na lalake at babae na mula sa silanganan, sa malayo. Sa Isaias 43:5-6, ganito ang nakasulat:

“Huwag kang matakot, sapagkat ako’y sumasaiyo; dadalhin ko ang iyong lahi mula sa silanganan, at titipunin kita mula sa kanluran; sasabihin ko sa hilaga, ‘Bayaan mo!’ At sa timugan, ‘Huwag mo silang pigilan!’ Dalhin mo ang aking mga anak na lalaki mula sa malayo, at ang Aking mga anak na babae na mula sa mga wakas ng lupa.” (New King James Version)*

Ang wakas ng lupa o katapusan ng mundo ay sa Ikalawang Pagparito ni Cristo na siya ring Araw ng Paghuhukom (Mat. 24:3; II Ped. 3:7). Ang panahon bago ang dakilang araw na iyon ay tinawag ni Cristo na “mga pintuan” na ayon din sa Kaniya ay “malapit na” (Mat. 24:33). Kung gayon, ang “mga wakas ng lupa” ay ang panahong malapit na ang wakas.

Kabilang sa mga pangyayaring makikita ayon kay Cristo kung ang panahon ay nasa mga wakas na ng lupa ay mga digmaang aalingawngaw (Mat. 24:6-7). Ang mga digmaang ito ay mapababalita (Mat. 24:6 MB) sa buong mundo sapagkat ang mga digmaang ito mismo ay pambuong mundo.

Sa kasaysayan, may dalawang digmaang pandaigdig, World War I (Unang Digmaang Pandaigdig) at World War II (Ikalawang Digmaang Pandaigdig), na naganap halos 19 na siglo ang layo sa panahon ng Iglesiang pinamahalaan ng mga apostol. Ang Unang Digmaang Pandaigdig ay sumiklab noong Hulyo 27, 1914. Ito ang pagsisimula ng panahong “mga wakas ng lupa” kung kailan hinulaang tatawagin ng Diyos ang Kaniyang mga anak mula sa Malayong Silangan. Bilang katuparan ng hulang ito, ang Iglesia Ni Cristo ay narehistro sa pamahalaan sa Pilipinas sa mismong petsang iyon.

Kung gayon, ang kawan na binubuo ng ibang mga tupa ni Cristo ay ang Iglesia Ni Cristo na bumangon sa Pilipinas noong 1914. Ang Diyos mismo ang nagpapatotoo na ang mga kaanib sa Iglesiang ito ay Kaniyang mga anak. Tiniyak ng Panginoong Jesus na sila’y Kaniyang mga tupa o mga alagad, alalaong baga’y tunay na Cristiano. At ang pahayag ng apostol na sila’y tumanggap ng kaloob ng Espiritu Santo ay katumbas na rin ng patotoo na ang Iglesia Ni Cristo ay siyang bayan ng Diyos sa panahong ito (Efe. 1:13-14 MB).

Kaya, sa Iglesia Ni Cristo nararapat maging miyembro ang lahat ng nagnanais magkaroon ng relasyon sa Panginoong Jesus upang mapabilang sa mga kinikilala ng Diyos na mga anak Niya.

Ayon kay Apostol Pablo, “kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo”
(Roma 8:16-17). Mamanahin nila ang Bayang Banal na doon ay makakapiling nila ang Diyos magpakailanman (Apoc. 21:1-4;
Juan 14:2-3).

*Isinalin mula sa Ingles

Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.