SA KILUSAN NG IGLESIA, sa pangunguna ng Pamamahala na inilagay ng Diyos, na puspusang pagpapatibay sa pananampalataya, hindi matatawaran ang pakinabang na idudulot nito sa pagsasama ng mag-asawang Iglesia Ni Cristo at sa kanilang sambahayan. Ang matibay na pananampalataya sa Diyos ay makapagpapatatag sa pagsasama ng mag-asawa.
Hindi kaila na sa pagdadala ng pamilya, may pagkakataong ang relasyon ng mag-asawa ay dumaraan sa pagsubok, katulad ng kahirapan. Upang malampasan ang pagsubok, napakahalagang kasama nila ang Diyos:
“Kung ikaw, O Diyos ko ang aking kasama, Anuman ang hirap ay nasasalunga.” (II Sam. 22:30 Magandang Balita Biblia)
Dapat itong panaligan ng mag-asawang Iglesia Ni Cristo at sikapin nilang makasama ang Diyos sa kanilang buhay. Kung magkagayon, magiging matibay ang kanilang pagsasama at matatag ang kanilang sambahayan anuman ang kanilang masagupa.
Dapat na ang mag-asawa ay maging masunurin sa mga utos ng Diyos. Ganito ang katangian ng sinasamahan ng Diyos:
“At ang tumutupad ng kaniyang mga utos ay mananahan sa kaniya, at siya ay sa kaniya. At dito’y nakikilala natin na siya’y nananahan sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na kaniyang ibinigay sa atin.” (I Juan 3:24)
Ang mga salita ng Diyos ang itinatali sa mga ikinakasal (Roma 7:2). Bago ang kanilang kasal, itinuturo muna sa binata’t dalagang Iglesia Ni Cristo na nagkasundong magsasama ang aral ng Biblia tungkol sa pag-aasawa at pagdadala ng pamilya. At sa mismong matrimonyo, muling binibigyang-diin sa kanila ang aral ng Diyos ukol sa mga pananagutan nila sa isa’t isa at sa kanilang magiging mga anak—tulad ng sila’y magmahalan at magtulungan (Efe. 5:24–32; Col. 3:18–19; Gen. 1:28) at kandilihin at tustusan ang kanilang sambahayan batay sa pangangailangan nito (I Tim. 5:8; Kaw. 31:10–13, 27–29).
Ang mga aral na ito ng Diyos ang dapat gumabay sa kanilang buhay may-asawa. Kaya, hindi dapat ituring ng sinuman sa kanila na pormalidad lamang ang pinagdaanan nilang seminar bago sila ikinasal at ang sermon sa kanila mismong banal na matrimonyo. Manapa’y sampalatayanan nilang itinuro sa kanila ang mga ito upang matupad sa kanila ang panukala ng Diyos ukol sa kasal at pagpapamilya sa kapakinabangan ng taong Kaniyang nilalang. Hindi sila dapat humiwalay sa mga utos ng Diyos, kundi kanilang sundin:
“Ibinigay mo sa amin iyang iyong mga utos, Upang aming talimahin at sundin nang buong lugod.” (Awit 119:4 mb)
Mahalagang maalalang lagi ng mag-asawa na ang Diyos ang nagtatag ng kasal (Gen. 1:27–28). Upang makatiyak ang magkasintahang nais nang “lumagay sa tahimik” na babasbasan ng Diyos ang kanilang pagpapakasal, dapat nilang isagawa ito ayon sa Kaniyang tuntunin. Sa anumang gagawin ng mga Iglesia Ni Cristo, ang payo ng Pamamahala ay: Magsimula sa tama nang magwakas na tama. Hindi matututulan na ang mga tuntunin ng Diyos ay pawang wasto at matuwid:
“Ang tuntuning ibinigay ni Yahweh ay wastong utos, Liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod; Ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos …” (Awit 19:8 mb)
Ang relasyon ng mag-asawa’y dapat ayon sa kaayusang itinakda ng Diyos: ang lalake ang pangulo ng sambahayan (Efe. 5:23; I Cor. 11:3), ang babae’y pasakop sa kaniyang asawa, sila’y magkatuwang o magtutulungan (Gen. 2:18). Hindi ang sariling kagustuhan ng lalake, ni ng babae ang makapamayani sa kanila (I Cor. 7:4).
Ang Diyos ang dapat maghari sa kanila sa paraang tuparin nila ang mga banal na aral na kanilang tinanggap. Malaki ang magagawa nito para maiwasan ang mga pagtatalo’t di pagkakaunawaan; magiging payapa’t matiwasay ang kanilang buhay. Ngunit kung bumangon ang mga yaon ay madaling humupa ang anumang tampuhan o samaan ng loob.
Ang Diyos din ang nagpanukala ng pagpapamilya (Gen. 1:28) para sa kaligayahan ng tao. Upang magtagumpay rito ang mga lingkod ng Diyos na ikinasal, dapat nila itong gawin sa Kaniyang pamamaraan. Kapag isinalig ng mag-asawa sa aral ng Diyos ang kanilang buhay ay magiging maligaya sila sa piling ng isa’t isa, ng kanilang mga anak, at sa piling ng Diyos.
Sa harap ng mga suliranin, hindi mauuga ang pundasyon ng pamilya kung kasama nila ang Diyos. Kaya ingatan nilang huwag mangyari na sila ay malayo sa Diyos sa paraang pag-ingatan nilang huwag makalabag sa alinmang utos Niya. Paano makaaasa sa tulong ng Diyos kung tatalikuran Siya at ang mga aral Niya, na siyang patnubay at tanglaw (Kaw. 6:23 mb)? Ang kasalanan ay may kaukulang parusa—hindi ba lalong mabigat na problema ito?
Kapag dumarating ang problema sa pamilya, mabuting tingnan na baka naghahayag ito ng mas malalang problema. Kung di-nagkakasundo, hindi kaya nanlalamig ang pag-ibig na sanhi naman ng pangangalunya
(I Cor. 6:9–10)? Kung laging kinakapos sa pangangailangan, hindi kaya dahil sa bisyo o pagiging waldas o tamad, na mga gawa ng laman at maling gawi (Gal. 5:19–20; Kaw. 21:20 mb; I Tim. 5:13)? Ang mga problemang tulad ng mga ito na dulot ng pagkakasala ay magpapahina hindi lamang sa pundasyon ng pamilya, kundi higit dito’y sa kanilang pag-asa sa kaligtasan.
Kaya laging ipinapayo ng Pamamahala na panindigan ng mga magulang ang pagsunod sa mga utos ng Diyos, dahil ang hangad nila’y laging makasama ang Diyos ng sambahayang Iglesia Ni Cristo. Binanggit sa unahan na ang pagsama ng Diyos sa mga mag-asawa ay sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ang Mang-aaaliw, na nagpapalakas ng buhay espirituwal ng mga hinirang Niya (I Juan 3:24; Juan 14:26; Efe. 3:16–18).
Natatanggap ang Espiritu Santo sa pakikinig at pagsampalataya sa dalisay na ebanghelyo (Efe. 1:13-14). Sa pagsunod dito ay napatutunayan ang pananampalataya at pagkilala sa Diyos (I Juan 2:3; Sant. 2:22; Mat. 7:21). Gayundin, lalong titibay sa pananampalataya ang gumaganap sa aral na kaniyang narinig, kaya’t hindi siya babagsak o mawawasak
(Mat. 7:24–25).
Kung pagyayamanin at palalaguin ng mag-asawa ang kanilang pananampalataya at pagkilala sa Diyos, ang isa sa mabubuting dulot nito ay ang katatagan ng kanilang sambahayan, at sa kanila mismo na Kaniyang pinag-isa, tanging kamatayan lamang ang makapaghihiwalay.
Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.