ANG LISENSIYA AY OPISYAL na dokumentong nagpapatunay na ang may-ari nito ay may permiso at pribilehiyo mula sa gobyerno o sa iba pang licensing agencies na magsagawa ng isang partikular na aktibidad, halimbawa’y pagmamaneho. Tangi riyan, ang ilan pa sa mga gawain na karaniwang nangangailangan ng balidong lisensiya upang legal na maisagawa ang mga ito ay ang pagpapakasal, pagkakasal, pagpa-practice ng mga propesyon (gaya ng abogasya at medical profession), pagtatatag ng negosyo, at pag-aalok ng mga serbisyo. Hinihingi ng batas na kumuha ng lisensiya o permiso ang mga kinauukulan upang maprotektahan ang kapakanan ng publiko, gaya sa kaso ng pag-aalok ng health care services, at upang huwag mauwi sa walang kabuluhan ang gagawin, gaya sa kaso ng pagpapakasal.
May katapat o kaukulang parusa na itinakda ng batas sa mga nasusumpungang walang permiso o lisensiya sa kanilang ginagawa, sapagkat hindi marapat na pumasok ang sinuman sa isang gawain nang wala naman siyang karapatan o pahintulot man lang. Ito ay maaaring makapagdulot ng malaking perhuwisyo o pinsala sa ibang tao, at maging sa mismong gumagawa ng gayong ilegal na gawain.
Sa paglilingkod sa Diyos ay nangangailangan din ba ng karapatan o ‘permiso,’ gayong pananagutan naman talaga ng tao na paglingkuran ang lumalang sa kaniya? Mayroon bang paglilingkod at pagsamba sa Diyos na hindi Niya tinatanggap dahil itinuturing Niya itong walang kabuluhan at ikapipinsala pa, sa halip na ikabubuti?
Totoong pananagutan ng tao na paglingkuran ang lumalang sa kaniya. Ngunit taliwas sa paniniwala ng marami, hindi lahat ng pagsamba na iniuukol ng tao sa Diyos ay tinatanggap Niya. Ang pahayag Niya mismo (na sinitas ng Panginoong Jesucristo) na, “Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin” (Mat. 15:9), ay patunay na may mga pagsambang walang saysay sa harap Niya.
May mga tao rin na bagaman kumikilala at tumatawag sa Diyos, gayunma’y hindi Niya sasagutin. Ang sabi Niya: “Kung magkagayo’y tatawag sila sa akin, nguni’t hindi ako sasagot; Hahanapin nila akong masikap, nguni’t hindi nila ako masusumpungan” (Kaw. 1:28).
At ang lalong masaklap, ang kanilang mga paglilingkod sa Kaniya, sa halip na magbunga ng kaligtasan sa pamamagitan ng Kaniyang Anak, ay hahantong sa kaparusahan (Mat. 7:22‒23). Ipapahayag ng Panginoong Jesucristo, sa kanila na, “Kailan ma’y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan”
(Mat. 7:23).
Samakatuwid, mapapabilang sila sa mga tao na sasabihan ng Tagapagligtas sa Kaniyang Ikalawang Pagparito na, “Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel” (Mat. 25:41).
Ipinaliwanag ng Biblia kung bakit may mga taong kahit pa nagsasagawa ng paglilingkod at pagsamba sa Panginoon ay hindi maliligtas. Nakasaad sa Isaias 59:2 na “pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya’y huwag makinig.” Ang sabi pa ni Apostol Pablo, “kayo’y malayo sa Diyos at naging kaaway niya dahil sa inyong kasamaan” (Col. 1:21 Magandang Balita Biblia). Samakatuwid, hindi tinatanggap ng Panginoon ang pagsamba at paglilingkod ng mga taong itinuturing Niyang kaaway dahil sa ginawa nilang kasamaan at kasalanan.
Itinuturo ng Biblia na maliban sa Panginoong Jesus, ang lahat ng tao ay nagkasala at naging kaaway ng Diyos (I Ped. 2:21‒22; Roma 3:23;
Col. 1:21). Ito ang dahilan kung kaya’t bagaman katutubong pananagutan ng lahat ng tao na sumamba at maglingkod sa Maylalang (Awit 95:6‒7; 100:2‒3), ang karapatang magsagawa nito ay nawala sa kanila dahil sila’y nagkasala at naging kaaway ng Panginoon.
Kung gayon, kailangan muna ng tao na maging kasundo ng Diyos upang magkaroon siya ng permiso o karapatang maglingkod sa Kaniya at ng pag-asa sa kaligtasan.
Ipinakilala ni Apostol Pablo ang mga taong mapalad na naalis na sa pagiging kaaway ng Diyos at dahil doon ay nagkaroon ng karapatang maglingkod sa Diyos:
“Datapuwa’t ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin, na nang tayo’y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin. Lubha pa nga ngayong inaaring-ganap sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ay mangaliligtas tayo sa galit ng Dios sa pamamagitan niya. Sapagka’t kung, noong tayo’y mga kaaway ay pinakipagkasundo tayo sa Dios sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, lubha pa, ngayong nangagkakasundo na, ay mangaliligtas tayo sa kaniyang buhay.” (Roma 5:8‒10, idinagdag ang pagdiriin)
Ang kamatayan ng Panginoong Jesucristo ang dahilan kaya ang taong nagkasala ay kailangang ariing ganap upang maligtas sa galit ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kaniyang mahalagang dugo ay tinubos Niya ang tao mula sa kalagayang kaaway ng Panginoon at ipinakipagkasundo sa Diyos. Subalit lahat ba ng tao ay nakinabang sa kamatayan o pagkabuhos ng dugo ng Panginoong Jesucristo?
Sa Gawa 20:28 ay itinuro ni Apostol Pablo ang ganito:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)
Kung gayon, kaibayo ng paniniwala ng iba, ang binili o tinubos ni Cristo ng Kaniyang dugo ay hindi ang buong mundo, kundi ang “buong kawan.” Ang kawan na tinutukoy, batay rin sa pahayag ng apostol, ay ang Iglesia Ni Cristo. Ang mga kaanib ng Iglesiang ito ay tinubos ni Jesus “hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto,” kundi ng Kaniyang “mahalagang dugo” (I Ped. 1:18‒20).
At dahil sa ang katubusang ito ay nangangahulugan ng kapatawaran ng kasalanan (Col. 1:14), ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ang naalis na sa pagiging kaaway ng Diyos at sa gayo’y nagkaroon ng karapatang makapaglingkod sa Kaniya. Ganito ang patotoo ng Biblia sa banal na pribilehiyong natamo ng mga kaanib sa Iglesiang tinubos ni Jesus:
“Gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inihandog sa Dios ang kanyang sarili na walang kapintasan, upang malinis ang ating budhi mula sa gawaing naghahatid sa kamatayan. Sa gayon, makapaglilingkod tayo sa buhay na Dios!” (Heb. 9:14 New Pilipino Version, idinagdag ang pagdiriin)
Samakatuwid, upang ang tao ay magkaroon ng karapatan at pribilehiyo sa paglilingkod at pagsamba sa Diyos, kailangan niyang umanib sa Iglesia Ni Cristo na pinaghandugan ni Cristo ng Kaniyang buhay (Efe. 5:23 MB).
May ‘lisensiya’ o karapatan ka na ba sa paglilingkod sa Diyos? Upang magkaroon ka nito, kailangan mong umanib sa Iglesiang tinubos sa pamamagitan ng dugo ni Cristo—sapagkat “maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran” (Heb. 9:22).