MARAMI ANG ABALANG-ABALA sa mga intindihin sa buhay na ito. May mga nagsasabi na kulang pa ang oras at araw nila sa dami ng dapat asikasuhin. Sukdulang ginagawang araw ang gabi at halos hindi na nagpapahinga dahil sa paghahanapbuhay, pag-aaral, at iba pang mga bagay na ukol sa buhay na ito. Ginagawa nila ito sa paniniwalang magbibigay ito sa kanila ng magandang buhay.
Hindi masama na maghangad at magsikap ang tao na maging mabuti ang kalagayan ng kaniyang buhay sa mundong ito. Gayunman, ang hindi alam ng iba ay may higit na mahalaga kaysa sa buhay ngayon—ang buhay na darating.
Kaya kung paanong iniingatan ng tao ang kaniyang buhay ngayon at pinagsisikapang mapabuti ito, lalong dapat paghandaan at sikapin niyang matamo ang buhay na darating. Ano ba ang malaking pagkakaiba ng buhay ngayon at buhay na darating kung kaya’t higit na dapat paghandaan at pagsikapan ng tao na matamo ang buhay na darating?
Ipinahayag ng Biblia kung anong uring buhay mayroon ang tao ngayon:
“Ang buhay ng tao’y maikli at batbat ng hirap, Natutuyong parang damo, namumukadkad na parang bulaklak, Naglalahong parang bula, parang aninong lumilipas.” (Job 14:1-2 Magandang Balita Biblia)
Inilarawan din ng Biblia kung bakit batbat ng hirap ang buhay ng tao sa mundo:
“Anuman ang gawin ng tao ay nagdudulot ng kabiguan at sakit ng kalooban. Anumang gawin ng tao’y nagdudulot sa kaniya ng balisa at hinanakit. May mga gabi pang hindi siya makatulog sa pag-iisip. Ito man ay walang kabuluhan.” (Ecles. 2:22-23 MB)
At kahit pa magtamo ang tao ng karangalan, ng mataas na pinag-aralan, at ng kayamanan sa buhay na ito, ayon sa Biblia ang lahat ng pinaghirapan niya—pinamuhunanan man niya ito ng kaalaman at karunungan—ay hindi niya madadala sa kaniyang pagpanaw (Ecles. 2:21 MB; 5:15 MB).
Ano pa ang tiyak na mararanasan ng tao anuman ang kaniyang estado sa buhay—mayaman o mahirap, nakapag-aral o hindi? Ganito ang pahayag ng Biblia:
“Bukod dito, ang buhay natin ay laging may alinlangan; puno ng balisa, hapis, karamdaman at kabiguan.” (Ecles. 5:17 MB)
Ang kalamidad, digmaan, karahasan, kaguluhan, at kahirapan ay ilan lamang sa nagdudulot ng kabalisahan at hapis sa buhay ng tao. Nagpapabigat pa sa pagdadala ng buhay ngayon sa mundo ay ang kawalan ng katarungan:
“Nakita ko ang kawalan ng katarungan sa daigdig. Ang mga inaapi ay lumuluha ngunit walang tumulong sa kanila sapagkat makapangyarihan ang sumisikil sa kanila.” (Ecles. 4:1 MB)
Kung ang mga nabanggit ay siyang larawan ng buhay ngayon, ano naman ang malaking kaibahan dito ng buhay na darating na siyang dapat pakanasain ng tao?
Ang buhay na darating ay ang buhay sa “bagong langit at bagong lupa” na ipinangako ng Diyos. Doon ang mga dating bagay ay lumipas na:
“Narito, lilikha ako ng bagong langit at bagong lupa. Hindi na maaalaala ang mga dating bagay, ni mananariwa pa sa isipan.” (Isa. 65:17 New Pilipino Version)
Ang bagong langit at bagong lupa ay ang tinatawag na “Bayang Banal”:
“At nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa, sapagkat ang unang langit at unang lupa ay naparam na, at wala na ring dagat. Nakita ko ang Banal na Lunsod, ang bagong Jerusalem, bumababang buhat sa langit, galing sa Dios, nagagayakang mabuti na animo’y babaing handang pakasal sa kanyang mapapangasawa. At mula sa trono’y narinig ko ang isang malakas na tinig na nagsasabi, ‘Ngayon ang tirahan ng Dios ay nasa mga tao, at siya’y makakasama nila. Sila ang magiging bayan niya, at ang Dios mismo ay makakasama nila at siya ang magiging Dios nila. Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Mawawala na ang kamatayan, ang kapighatian, ang pagluha at ang hapdi at kirot, pagkat lumipas na ang mga bagay na ito.’” (Apoc. 21:1-4 NPV)
Ang buhay roon sa Bayang Banal ay ibang-iba sa buhay ng tao ngayon. Kung ang buhay dito sa mundo ay batbat ng hirap at dalamhati, doon sa Bayang Banal ay wala nang hirap at dalamhati o panambitan. Maikli at may hangganan ang buhay ngayon ng tao ngunit sa Bayang Banal ay wala nang kamatayan sapagkat ang tataglayin niya ay buhay na walang hanggan (Tito 1:2 MB). Kung dito sa mundo ay may pinagkakaitan ng katarungan, ang Bayang Banal naman ay pinaghaharian ng katarungan (II Ped. 3:13 MB).
Walang sinumang nasa wastong pag-iisip ang aayaw sa buhay na wala nang hirap, sakit, at kamatayan—ang buhay na darating na tatamasahin sa Bayang Banal o kaharian ng Diyos. Subalit lahat kaya ng tao ay makaaasa rito? Paano matitiyak ng tao na mapapabilang siya sa mga may pag-asa sa buhay sa darating?
Ang tiniyak ng Biblia na magmamana ng kaharian ng Diyos ay ang mga taong inilipat Niya sa kaharian ng Kaniyang Anak o ni Cristo. Sila ang mga napatawad sa kasalanan dahil nilinis o tinubos ng dugo ng Panginoong Jesucristo (Col. 1:12-14). Kaya mahalaga na matiyak ng tao na siya ay kabilang sa mga tinubos ng dugo ni Cristo—ang mga makakapiling Niya at ng Diyos sa Bayang Banal at magtatamasa ng buhay sa darating. Ang kinaroroonan ng mga tinubos ng dugo ni Cristo, ayon sa Biblia, ay ang Iglesia Ni Cristo (Gawa 20:28 Lamsa Translation).
Sa Araw ng Paghuhukom, ang tinubos ng dugo ni Cristo o ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ang tiniyak ng Biblia na “hindi na kailanman magugutom pa, at … hindi na kailanman mauuhaw pa doon sa Bayang Banal.” At “ang araw ay hindi makapipinsala [tatama; hahampas] sa kanila, at walang [nakapapasong] init ang tutupok sa kanila, sapagkat ang Cordero na nasa gitna ng luklukan ang magiging kanilang pastol.” Ayon pa sa Biblia, “papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata” (Apoc. 7:13-17 Expanded Bible, isinalin mula sa Ingles).
Kaya hindi kailanman pinanghihinayangan ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo na ipagpauna ang kanilang pagka-Iglesia Ni Cristo kaysa anumang bagay sa buhay na ito. Hindi kalugihan para sa kanila ang pagpapakasakit alang-alang sa paglilingkod sa Diyos sa loob ng tunay na Iglesia sapagkat inaasahan nila ang pangako Niya na buhay sa darating.