MAHALAGANG MATANGGAP NG MGA TAO ang ipinangakong Espiritu Santo sapagkat ito ang patotoo ng katubusan at pagiging pag-aaring sarili ng Diyos:
“Na sa kaniya’y kayo rin naman, pagkarinig ng aral ng katotohanan, ng evangelio ng inyong kaligtasan—na sa kaniya rin naman, mula nang kayo’y magsisampalataya, ay kayo’y tinatakan ng Espiritu Santo, na ipinangako, Na siyang patotoo sa ating mana, hanggang sa ikatutubos ng sariling pagaari ng Dios.” (Efe. 1:13–14)
Dahil dito, dapat sikapin ng tao na mapabilang sa mga tumanggap ng Espiritu Santo.
Sino ang pinangakuang tatanggap ng Espiritu Santo? Ganito ang pahayag ni Apostol Pedro:
“At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. Sapagka’t sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.” (Gawa 2:38–39)
May tatlong grupo ng mga tao na pinangakuang tatanggap ng Espiritu Santo. Ang una ay ang sinabihan ni Apostol Pedro na “sa inyo.” Sino ang “sa inyo” na tinutukoy ni Apostol Pedro? Ang kausap niya noon ay ang mga Judio:
“Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.” (Gawa 2:36)
“Kayong mga lalaking taga Israel, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga Nazaret, lalaking pinatunayan ng Dios sa inyo sa pamamagitan ng mga gawang makapangyarihan at mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Dios sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya rin ng nalalaman ninyo.” (Gawa 2:22)
Sila ang mga Judio na nagkakatipon sa Jerusalem nang araw ng Pentecostes. Bumaba sa kanila ang Espiritu Santo na gaya ng isang humahagibis na hanging malakas at pinuno ang buong bahay na kanilang kinaroroonan (Gawa 2:1–2).
Ang ikalawang grupo naman na pinangakuang tatanggap ng Espiritu Santo ay ang binanggit ni Apostol Pedro na “sa inyong mga anak.” Ang tinutukoy niya ay ang mga Gentil na “ipinanganak” ng mga Judiong Cristiano sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo (I Cor. 4:15). Pinatutunayan ng Biblia na ibinuhos din ang Espiritu Santo sa mga Gentil na umanib sa Iglesia Ni Cristo, katulad ni Cornelio at ang sambahayan niya:
“Samantalang nagsasalita pa si Pedro ng mga salitang ito, ay bumaba ang Espiritu Santo sa lahat ng nangakikinig ng salita. At silang sa pagtutuli na nagsisampalataya ay nangamanghang lahat na nagsiparoong kasama ni Pedro, sapagka’t ibinuhos din naman sa mga Gentil ang kaloob na Espiritu Santo.” (Gawa 10:44–45)
Ang ikatlong grupo na pinangakuang tatanggap din ng Espiritu Santo ayon kay Apostol Pedro ay ang “nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.” Ang tinutukoy ay ang nasa malayong dako at malayong panahon (Gawa 2:39 Rieu Translation, isinalin mula sa Ingles).
Alin ang malayong dako na roon magmumula ang ikatlong grupo na tatanggap ng pangakong Espiritu Santo? Ito ay tumutukoy sa “malayong silangan”: “From the far east will I bring your offspring, and from the far west I will gather you” (Isa. 43:5 Moffatt Translation), na ganito kung isasalin sa wikang Filipino, “Mula sa malayong silangan ay dadalhin ko ang iyong lahi, at mula sa malayong kanluran ay titipunin kita.”
Kailan naman ang tinutukoy na malayong panahon na siyang paglitaw ng ikatlong grupo na tatanggap ng pangakong Espiritu Santo? Ito ang tinatawag na “mga wakas ng lupa”:
“Aking sasabihin sa hilagaan, bayaan mo, at sa timugan huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa mga wakas ng lupa.” (Isa. 43:6 King James Version, isinalin mula sa Ingles)
Ang “mga wakas ng lupa” ay tumutukoy sa panahong malapit na ang wakas o ang Araw ng Paghuhukom (Mat. 24:3, 33). Ang isa sa mga palatandaan na nagsimula na ang panahong “mga wakas ng lupa” ay digmaan na kasasangkutan ng mga bansa at aalingawngaw o mapapabalita sa buong mundo (Mat. 24:6–7). Ito ang Unang Digmaang Pandaigdig na sumiklab noong Hulyo 27, 1914 kaalinsabay ng opisyal na pagkakatatag ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas na siyang tinutukoy na “far east” o “malayong silangan.”
At dahil sa tinanggap na pangakong Espiritu Santo, ang Iglesia Ni Cristo ay kinikilala ng Diyos na Kaniyang sariling pag-aari at nagtamo ng katubusan. Ibig ba ninyong maging sariling pag-aari ng Diyos at makabahagi sa katubusan? Halina kayo sa Iglesia Ni Cristo.
Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.