Ang kapalaran ng matuwid

The Bible provides at least three ways by which a true messenger of God can be recognized: 1) Through his teaching; 2) whether he has biblical testimony; 3) the works he does/did.

By DENNIS C. LOVENDINO

Napakalaki ng kinalaman ng pamumuhay nang matuwid sa harap ng Diyos upang matanggap ng Kaniyang mga lingkod ang Kaniyang mga pagpapala. Ganito ang isinasaad sa Biblia:

“Ang sumpa ng PANGINOON ay inilalapat sa tahanan ng masama, ngunit pinagpapala niya ang sambahayan ng matuwid.” (Kaw. 3:33 New Pilipino Version)

Nais ng Diyos na tayo’y maging matuwid upang makamtan natin at ng ating sambahayan ang Kaniyang mga pagpapala. Ano pa ang handang gawin ng Diyos sa mga matuwid?

“Kinukupkop ng Diyos ang mga matuwid At ang taghoy nila’y kanyang dinirinig … Agad dinirinig daing ng matuwid Inililigtas sila sa mga panganib.” (Awit 34:15, 17 Magandang Balita Biblia)

Sa buhay pa lamang na ito ay pakikinabangan na natin ang pagtataglay ng katangiang ito sapagkat ang matuwid ay kinukupkop ng Diyos, dinirinig Niya sa pagtawag o pananalangin, at inililigtas sa mga panganib.

Ang lingkod ng Diyos na matuwid ay nabubuhay sa pananampalataya:

“Nguni’t ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya: At kung siya ay umurong, ay hindi kalulugdan ng aking kaluluwa.” (Heb. 10:38)

Ang nabubuhay sa pananampalataya ay ibinubuhay ang pananampalataya ni Cristo (Gal. 2:20). Kaya taglay niya ang isipan ng Panginoong Jesucristo, ang pagiging masunurin sa kalooban ng Diyos hanggang sa kamatayan (Fil. 2:5, 8).

Ang matuwid na lingkod ng Diyos ay may banal na takot sa Panginoon:

“Siyang matuwid sa kanyang lakad ay natatakot sa PANGINOON, ngunit siyang baluktot ang mga daan ay nagtatakwil sa kanya.” (Kaw. 14:2 NPV)

Ang may banal na takot sa Diyos ay humihiwalay sa kasamaan:

“Sa pamamagitan ng kaawaan at katotohanan ay nalilinis ang kasamaan: At sa pamamagitan ng pagkatakot sa Panginoon ay humihiwalay ang mga tao sa kasamaan.” (Kaw. 16:6)

Gawin nating pamalagiang panuntunan sa ating buhay ang pagiging matuwid at pagiging masunurin sa mga utos ng Diyos upang manatiling nabibigyan natin ng kaluwalhatian ang Diyos at sa gayo’y tamuhin natin ang Kaniyang masaganang pagpapala.