Ang kinaroroonan ng kaligtasan

The Bible provides at least three ways by which a true messenger of God can be recognized: 1) Through his teaching; 2) whether he has biblical testimony; 3) the works he does/did.

By DENNIS C. LOVENDINO

Katutubong gawi ng tao (human instinct) na magtungo agad sa ligtas na dako kapag nabibingit sa panganib. Sa gitna ng kapighatian, humahanap siya ng mapagkakanlungan. Sa Araw ng Paghuhukom, hindi maiiwasan ng tao na harapin ang pinakamalaking panganib sa kaniyang buhay dahil sa araw na yaon ay ipapataw ng Panginoon ang Kaniyang hatol sa sangkatauhan—lilipulin sa pamamagitan ng apoy ang masasama (II Ped. 3:5-7) at ibubulid sa dagat-dagatang apoy o ang ikalawang kamatayan na siyang ganap na kabayaran ng kasalanan (Apoc. 20:14; Roma 6:23). Itinuturo ng Biblia na maliban sa Panginoong Jesucristo, lahat ng tao ay nagkasala (Roma 5:12; I Ped. 2:21-22), kaya, lahat ng tao ay nangangailangan ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom.

Sa panahong Cristiano, inihayag ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig at habag sa tao sa pamamagitan ng Kaniyang pangunahing panukala para sa kaligtasan nito—na ang tao ay umanib sa Iglesia na katawan ni Cristo:

“Nawa siya ay mabigyan ng kaluwalhatian magpakailanman at kailanman sa walang hanggang mga panahon dahil sa kanyang pangunahing panukala ng kaligtasan para sa iglesia sa pamamagitan ni Jesucristo.” (Efe. 3:21 Living Bible, Isinalin mula sa Ingles)

“Sapagka’t ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng Iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.” (Efe. 5:23)

“At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga’y ng iglesia.” (Col. 1:18)

Ang Iglesia na ililigtas ni Cristo ay ang binili o tinubos Niya ng Kaniyang dugo—ang Iglesia Ni Cristo:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation, Isinalin mula sa Ingles)

Kung gayon, ang Iglesia Ni Cristo ang kinaroroonan ng kaligtasan. Dito makasusumpong ang tao ng kanlungan sa araw ng kapootan ng Diyos sapagkat ito ang ililigtas ng Panginoong Jesucristo.

Kaya, kapag ang isang tao ay naging kaanib ng Iglesia Ni Cristo, dapat siyang manatiling matatag sa kaniyang kahalalan, tumupad ng lahat ng kaniyang tungkulin, at ingatan ang kaniyang pagka-Iglesia Ni Cristo hanggang wakas.