Ang kumikilala sa Diyos
ay dapat ding kinikilala Niya

Ang kumikilala sa Diyos ay dapat ding kinikilala Niya

Mawawalan ng saysay ang pagkilala ng tao sa Diyos kung siya ay hindi kinikilala ng Diyos. Ang kinikilala ng Diyos ang siyang itinuturing Niyang mga anak at mga tagapagmana, at magtatamo ng kaligtasan.

Ni ALBERTO P. GONZALES

MABUTI AT NAPAKAHALAGA na ang tao ay kumilala sa Diyos. Isang malaking kawalan ng utang na loob ang hindi pagkilala sa Dakilang Manlalalang na pinagmumulan ng buhay at lakas at ng mga biyayang tinatamasa ng tao sa araw-araw ng kaniyang buhay. Ang wastong pagkilala sa Diyos, na ang isang kahayagan ay paglilingkod sa Kaniya, ay may kinalaman sa ikapagtatamo ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom. Subalit, lahat ba ng ginagawang pagkilala at paglilingkod ng mga tao sa Diyos at kay Cristo ay ikapagtatamo ng kaligtasan? Ganito ang sinasabi ni Apostol Pablo:

“Subalit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihing, kilala na kayo ng Diyos.

“… Kaya’t hindi ka na alipin kundi anak. At dahil ikaw ay anak, ikaw ay ginawa na ring tagapagmana sa pamamagitan ng Diyos.” (Gal. 4:9, 7 Filipino Standard Version)

Tama na ang tao ay kumilala sa Diyos para siya’y tanggapin at magtamo ng kaligtasan. Ngunit sapat na ba iyon? Kung doon sana natapos ang pahayag ni Apostol Pablo ay tama ang sinasabi ng iba na sapat nang tumawag at kumilala ang tao sa Diyos kahit saang relihiyon siya kabilang. Subalit ayon kay Apostol Pablo, ano ang mas tamang sabihin? Ang sabi niya, “Mas tamang sabihing, kilala na kayo ng Diyos.”

Kaya mawawalan ng saysay ang pagkilala ng tao sa Diyos kung siya ay hindi kinikilala ng Diyos. Ang kinikilala ng Diyos ang siyang itinuturing Niyang mga anak at Kaniyang mga tagapagmana. Sila ang magtatamo ng kaligtasan pagdating ng Araw ng Paghuhukom.

Ang kumikilalang hindi kinikilala

Papaano ang mga naghahayag din ng pagkilala kay Cristo? Sapat na bang kumilala ang tao sa Kaniya para magtamo ng kaligtasan? May karapatan na ba sa kaligtasan ang kumikilala lamang kay Cristo subalit hindi Niya kinikilala? Ganito ang sagot ng ating Panginoong Jesucristo:

“Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, hindi po ba kami ay nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa iyong pangalan?’ Ngunit sasabihin ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan …’

“Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga tao lamang na sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit.” (Mat. 7:22–23, 21 Bagong Magandang Balita Biblia)

Hindi sapat na kumilala lamang kay Cristo upang magtamo ng kaligtasan. Ang kumikilala kay Cristo ay dapat na kinikilala rin Niya. Bagaman mayroon din silang ginagawa para maligtas—nagpalayas ng mga demonyo, gumawa ng mga himala gamit ang pangalan ni Cristo—subalit sasabihin Niya sa kanila, “Hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan.”

Ano ba ang dapat gawin ng tao para maging karapat-dapat sa kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom? Ang sabi ni Cristo, “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga tao lamang na sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit.”

Samakatuwid, mahalaga at kailangang sundin ang kalooban ng Diyos upang tanggapin ang pagkilala at paglilingkod ng tao sa Kaniya.

“Subalit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihing, kilala na kayo ng Diyos.”

Galacia 4:9

Filipino Standard Version

Ang kinikilala ng Diyos

Ano ang kalooban ng Diyos na dapat sundin para tanggapin Niya ang pagkilala at ang paglilingkod ng tao at ito’y ikaligtas niya sa Araw ng Paghuhukom? Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:

“At ipinakilala niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban ayon sa kanyang kaluguran na kanyang itinakda kay Cristo, upang isakatuparan sa takdang panahon—upang tipunin ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa at ipailalim sa isang pangulo, na walang iba kundi si Cristo.” (Efe. 1:9–10 New Pilipino Version)

Kalooban ng Diyos na tipunin ang lahat at maipailalim sa pangungulo ni Cristo. Alin ang pinangunguluhan ni Cristo na roon dapat matipon ang lahat ng tao para maligtas? Ganito ang mababasa sa Efeso 5:23:

“Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.” (Magandang Balita Biblia)

Sa Iglesia na katawan at pinangunguluhan ni Cristo dapat matipon ang lahat. Bakit dapat mapabilang ang tao sa Iglesia na katawan ni Cristo? Sapagkat ito ang ililigtas ni Cristo. Alin ang Iglesia na katawan at ililigtas ni Cristo? Ang Iglesia Ni Cristo ayon sa Roma 16:16:

“Magbatian kayo ng banal na halik. Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo.” (npv)

Upang tanggapin ng Diyos ang paglilingkod ng tao, kailangang siya ay nasa loob ng Iglesia Ni Cristo. Ito ang kalooban ng Diyos.

Subalit may mga nagsasabing ang Iglesia Ni Cristo raw ay binubuo ng kalipunan ng mga relihiyon na kumikilala sa Panginoong Jesus. Kaya lumilitaw na ang Iglesia Ni Cristo ay binubuo ng maraming organisasyon. Totoo kaya iyon? Ang Iglesia Ni Cristo ba ay binubuo ng kalipunan ng mga relihiyon na kumikilala kay Cristo? Sa I Corinto 12:12 ay ganito ang sinasabi:

“… Ang iyong katawan ay maraming bahagi—mga bisig (o braso), mga sangkap, mga selula—subalit gaano man karami ang pangangalanan mong mga parte, iisang katawan ka pa rin. Kaparehong-kapareho ito ng kay Cristo.” (The Message)*

Ang katawan ay iisa. Marami man itong bahagi—may mga kamay, paa at iba pang mga sangkap—subalit, ano ang patotoo ni Apostol Pablo? “Gaano man karami” ang parte o bahagi, “iisang katawan ka pa rin.” Bakit niya nasabi iyon? Dahil ayon din sa kaniya, “Kaparehong-kapareho ito ng kay Cristo.” Samakatuwid, dahil ang Iglesia ay iisang katawan, ito ay iisang organisasyon lamang.

Mahalaga at kailangan ng tao ang Iglesia Ni Cristo. Maling-mali ang akala ng marami na sapat nang ang tao ay kumilala lamang kay Cristo at sa Diyos. Ang kalooban ng Diyos ay ang maging sangkap o kaanib ng Iglesia Ni Cristo ang tao.

“Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.”

Efeso 5:23

Magandang Balita Biblia

Ang utos ng Tagapagligtas

Ano ang ipinagagawa ni Cristo sa lahat ng tao na naghahangad ng kaligtasan? Sa Juan 10:14–15, 7, 9, ganito ang buong katotohanang sinalita ni Jesus:

“Ako ang mabuting pastor; nakikilala Ko ang sariling Akin at nakikilala nila Ako, katulad ng pagkilala sa Akin ng Ama at pagkilala Ko sa Ama …

“Kaya muling nagsalita si Jesus: Buong katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng kulungan ng mga tupa. … Ako ang pintuan; Ang sinumang taong pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas. …” (Revised English Bible)*

Mahalaga na mapabilang ang tao sa mga kinikilala ni Cristo na Kaniya at hindi basta kumikilala lamang sa Kaniya.

Ang mga tao na kinikilala ni Cristo na Kaniya ay ang sumunod sa ipinag-uutos Niya na pumasok sa Kaniyang kawan. Sinabi ni Cristo na, “Ako ang mabuting pastor; nakikilala Ko ang sariling Akin at nakikilala nila Ako.” Ano ang ipinagagawa ni Cristo para maligtas ang tao? Ang sabi rin Niya, “Ako ang pintuan ng kulungan ng mga tupa … sinumang taong pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas.” Samakatuwid, kailangang pumasok sa loob ng kawan upang maligtas. Ang kawang tinutukoy ay ang Iglesia Ni Cristo ayon sa Gawa 20:28:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Lamsa Translation)*

Kaya, ang pagpasok sa loob ng kawan ay ang pagpasok sa Iglesia Ni Cristo. Ayon kay Cristo, kailangan itong gawin ng tao para siya ay maligtas.

Manatili sa Iglesia

Kapag naging kaanib na sa Iglesia Ni Cristo ang sinuman, dapat kilalanin, pahalagahan at ingatan niya ang napakadakilang biyayang ito na tinanggap sa Panginoong Diyos—ang karapatang maglingkod at tanggapin ang gantimpalang kaligtasan. Bakit?

Madadala ba ninuman sa labas ng Iglesia Ni Cristo ang karapatan sa pagtatamo ng kaligtasan? Ano ang sinasabi ng Biblia kapag ang tao ay nasa labas ng Iglesia Ni Cristo? Sa I Corinto 5:12–13, ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:

“Ano ang karapatan kong humatol sa mga taga-labas ng iglesya? … Ang Dios ang hahatol sa mga nasa labas. ‘Itiwalag ninyo ang masama ninyong kasamahan.’” (npv)

Hahatulan ng Diyos ang mga nasa labas ng Iglesia. Sila ay mapapahamak o hindi maliligtas. Kaya napakahalaga na ang tao ay nasa loob ng Iglesia Ni Cristo at laging nasa pagsunod sa mga utos ng Diyos upang maingatan ang karapatan sa pagtatamo ng kaligtasan.


*Isinalin mula sa Ingles