Ang lalong dapat pagpagalan

Ang paghanap sa kaharian at katuwiran ng Diyos ang lalong mahalaga kaysa pagpapagal ukol sa buhay na ito.

Ni FRANKLIN T. BUNAG

KALOOBAN ng Panginoong Diyos na ang tao ay magpagal para sa kaniyang ikabubuhay. Itinuro ni Apostol Pablo na ang tao ay dapat magtrabaho at gamitin ang mga kamay sa anumang gawaing marangal: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, magtrabaho siya at gamitin ang kanyang kamay sa anumang gawaing marangal upang may maitulong sa mga nangangailangan” (Efe. 4:28 Magandang Balita Biblia). Marapat maghanapbuhay nang marangal “upang may maitulong sa mga nangangailangan.” Ang pangunahing nangangailangan ay ang sarili at pamilya.

Ang mas mahalaga

Samakatuwid, hindi masama bagkus ay iniuutos pa ng Panginoong Diyos sa tao na magkaroon ng marangal na trabaho at buong kayang magpagal para rito.

Subalit sa ibabaw ng lahat, may lalong mahalaga kaysa pagpapagal sa buhay:

“Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano baga ang inyong kakanin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit ang sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin. Hindi baga mahigit ang buhay kay sa pagkain, at ang katawan kay sa pananamit? … Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” (Mat. 6:25, 33)

Iniutos ng Panginoong Jesucristo na “hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran.”

Kaya ang paghanap sa kaharian at katuwiran ng Diyos ang lalong mahalaga kaysa pagpapagal ukol sa buhay na ito. Kung ang tao man ay naghahanap ng kaniyang ikabubuhay, dapat naman niyang unahin ang paghanap sa kaharian ng Diyos na kinaroroonan din ng Kaniyang katuwiran—ang tunay na ebanghelyo (Roma 1:16–17). Higit na mahalaga ito kaysa kakainin, daramtin, iinumin, at iba pang pangangailangan ng tao ukol sa buhay na ito.

“Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”

Mateo 6:33

Alin ang kaharian ng Diyos na unang ipinahahanap sa tao at bakit higit itong mahalaga kaysa mga pangangailangan ng tao ukol sa buhay na ito? Ipinahayag ni Apostol Pablo sa mga Cristiano na:

“Na nagpapasalamat sa Ama, na nagpaging dapat sa atin upang makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan; Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig; Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan.” (Col. 1:12–14)

Ang kaharian ng Diyos ay tinatawag ding kaharian ng Anak o ni Cristo. Higit itong mahalaga kaysa mga pangangailangan ng tao ukol sa buhay na ito sapagkat “siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan.” Ito ang pangunahing dapat hanapin ng tao. Si Apostol Pablo rin ang nagpakilala kung alin ang kaharian ng Anak nang tukuyin niya ang kinaroroonan ng katubusan:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)

Ang Iglesia Ni Cristo ang kinaroroonan ng katubusan sapagkat ito ang binili ng dugo ni Cristo. Ito ang kaharian ng Panginoong Diyos na ayon sa Panginoong Jesucristo ay siyang dapat na unang hanapin ng tao. Dapat tiyakin ng tao na nasa loob siya ng Iglesia Ni Cristo upang masakop siya ng pagtubos ni Cristo.

Kung bakit dapat matubos

Ang lalong mahalaga ay ang matamo ng tao ang katubusan sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. Dahil “kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom” (Heb. 9:27).

May lalong malaking suliranin ang tao sa daigdig, higit pa sa mga suliranin niya sa mga pangangailangan ukol sa buhay na ito—ang Araw ng Paghuhukom. Itinakda ng Diyos ang Paghuhukom sapagkat ang lahat ng tao ay nagkasala (Roma 5:12). Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Rom. 6:23). At ang kamatayan na siyang kahustuhang bayad sa kasalanan ay ang ikalawang kamatayan—ang kamatayan sa dagat-dagatang apoy (Apoc. 20:14).

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.”

Gawa 20:28 Lamsa Translation

Isinalin mula sa Ingles

Kaya, ang Araw ng Paghuhukom ay ang pinakamalaking suliranin ng lahat ng tao sapagkat ang lahat ng tao ay may nagawang kasalanan na dapat pagbayaran.

Lalong dapat paghandaan ng tao kung gayon ang Araw ng Paghuhukom. Bagaman iniutos sa tao ang paghahanap-buhay, subalit hindi rito dapat ubusin ang kaniyang buong lakas at panahon. Kahit pa ang tao, dahil sa kasipagan sa paghahanapbuhay, ay nakapagtipon ng malaking kayamanan, gayunman ay hindi pa rin siya maipagsasanggalang at maililigtas nito.

Kung paanong walang magagawa ang kayamanan upang pigilin ang kamatayan, lalong wala itong magagawa upang iligtas ang tao sa Araw ng Paghuhukom. Pinatutunayan ng Biblia na ang “pilak o ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa araw ng poot ng PANGINOON” (Zef. 1:18 New Pilipino Version). At dahil ang Iglesia Ni Cristo ang tinubos ng dugo ni Cristo, binigyang-diin ni Apostol Pablo na ito ang ililigtas ni Cristo:

“Isang dakilang katotohanan ang inihahayag nito – ang kaugnayan ni Cristo sa iglesya ang tinutukoy ko … Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.” (Efe. 5:32, 23 mb)

Samakatuwid, isang napakalaking kapalaran ang maging kaanib sa Iglesia Ni Cristo—higit pa sa kapalaran ng isang tao na dito lamang sa mundong ito mayaman. Ito ang dahilan kaya ang mga tunay na kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay lalong pinagpapagalan ang mga gawaing ukol sa Diyos katulad ng masiglang pagdalo sa mga pagsambang kongregasyonal at aktibong pakikipagkaisa sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pakikilahok sa iba’t ibang gawain ng Iglesia.

Kung sa kanilang pagpapagal para sa buhay na ito ay may pakikinabangin sila, sumasampalataya sila na higit pa rito ang pakikinabangin nila sa ginagawa nilang pagpapagal at pagpapakasipag para sa mga gawain ng Panginoon:

“Kaya nga, mga kapatid, magpakatatag kayo at huwag matitinag. Magpakasipag kayo sa gawain para sa Panginoon yamang alam ninyong di nasasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya.” (I Cor. 15:58 mb)

Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.