Ang marapat na paglutas
sa problema

Ang taong humaharap sa iba’t ibang problema ay dapat sumasampalatayang ang Panginoong Diyos ang magliligtas sa kaniya sa lahat-lahat ng mga problema niya.

Ni RONNIE H. MUTYA

IBA’T IBA ANG problema na nararanasan ng tao sa mundo na nagdudulot sa kaniya ng matinding alalahanin at pagkabahala. Maaaring ito ay kakapusan sa mga pangunahing pangangailangan, kawalan ng hanapbuhay, laganap na terorismo, karahasan, lumalalang polusyon, karamdaman, ang mapaminsalang epekto ng climate change, at iba pa.

Upang maitaguyod ng tao ang kaniyang pamumuhay sa kabila ng mga problema ay naghahanap siya ng mga pamamaraan kung paanong ang mga ito ay malulunasan. Subalit, sa kabila ng pagsisikap ng tao na malutas ang mga ito, siya ay bigo pa rin. Kaya ang iba, kapag nasa ganitong sitwasyon ay pinanghihinaan ng loob, nawawalan ng pag-asa, at, ang lalong masaklap, sinisisi pa nila ang Diyos.

Bakit kaya papalubha ang kalagayan ng pamumuhay ng tao sa mundo ngayon? Ano ang dahilan at nararanasan ng tao ang iba’t ibang problema?

Ang kalagayan ng mundo

Ipinagpauna ng Biblia ang masasagupa ng tao sa mundong ito:

“Matinding ligalig ang darating sa inyo tulad ng isang malakas na bagyo. Ang mga suliranin ay hahampas sa inyo tulad ng isang malakas na hangin. Ang inyong mga ligalig at kalungkutan ay magiging napakatinding pahirap sa inyo.” (Kaw. 1:27 Easy-to-Read Version)*

Hindi dapat ipagtaka kung nakararanas ang tao ng mga problema na nagbubunga ng “matinding ligalig,” “kalungkutan,” at ng “napakatinding pahirap” sapagkat ito ay ipinagpauna na ng Panginoong Diyos. Ang totoo ay lalo pa ngang tumitindi ang mga ito. Kaya, humahanap ang tao ng solusyon sapagkat kung hindi, ay hindi rin matatapos ang kaniyang mga hinaing (Awit 31:10 The Message).

Ang tunay na solusyon

Maraming eksperto ang nagtuturo kung paano dapat harapin ang mga problema. Subalit, kung may hakbang o pamamaraan man silang iminumungkahi, iyon ay hindi absoluto o akma sa lahat. Kung Biblia ang ating sasangguniin, paano ang tamang pagharap sa iba’t ibang problema? Ganito ang sabi:

“Ang mabubuting tao sa bayan ay maaaring magkaroon ng maraming problema, subalit ang Panginoon ang magliligtas sa kanila sa lahat-lahat ng mga problema nila.” (Awit 34:19 etrv)*

Ang taong humaharap sa iba’t ibang problema ay dapat sumasampalatayang ang Panginoong Diyos ang magliligtas sa kaniya sa “lahat-lahat ng mga problema” niya. Subalit, hindi lahat ng tao ay makaaasa ng Kaniyang pagtulong. Mayroon lamang tinutukoy na mga tao na nakatitiyak ng pagliligtas ng Panginoon—sila’y ang “mabubuting tao sa bayan.” Napakahalaga, kung gayon, na mapabilang sa “mabubuting tao sa bayan” upang makaasa ng pagliligtas at pagtulong ng Diyos upang mapagtagumpayan o malampasan ang mga problema.

“Ang mabubuting tao sa bayan ay maaaring magkaroon ng maraming problema, subalit ang Panginoon ang magliligtas sa kanila sa lahat-lahat ng mga problema nila.”

Awit 34:19
Easy-To-Read Version*

Sino ang tinutukoy na “mabubuting tao sa bayan”? Sila’y ang mga taong kabilang sa bayan ng Diyos at Kaniyang mga alagad o tagasunod (Awit 34:19 Contemporary English Version, The Message). Sa salin ni Jose Abriol, ang tinutukoy na “mabubuting tao sa bayan” ay ang mga “banal.” Sa panahong Cristiano, ang mga pinaging banal ay ang mga tinubos ng dugo ni Cristo—mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo (Gawa 20:28 Lamsa Translation).*

Samakatuwid, mahalagang mapabilang ang tao sa Iglesia Ni Cristo upang makaasa sa pangakong tulong at pagliligtas ng Diyos.

Kaya, bagaman ang mga taong kabilang sa bayan ng Diyos ay nagdaranas din ng mga problema sa mundo habang hinihintay nila ang kaligtasang ipinangako ng Diyos (Roma 8:22-23 God’s Word), gayunman, ay hindi sila pinanghihinaan ng loob, nawawalan ng pag-asa, at lalong hindi nila sinisisi ang Diyos.

Kung paano dapat harapin ang mga problema

Natural sa tao ang malungkot at mabalisa kapag may problema, lalo na kapag sunud-sunod na dumarating ang mga ito sa kaniyang buhay. Subalit, sa panig ng mga hinirang ng Diyos, hindi nila papayagan na mahulog sila sa depresiyon at pagkalugmok. Sa pagharap sa mga problema, sinisikap nilang mataglay ang mga katangiang hinahanap sa kanila ng Diyos. Itinuturo ng mga apostol na:

“… Tiyakin ninyong patuloy kayong lumalago sa Panginoon, at maging matatag at masigla sa katotohanang itinuro sa inyo. Hayaan ninyong mag-umapaw sa kagalakan at pasasalamat ang inyong mga buhay para sa lahat ng kaniyang ginawa. … At ngayon, kung paanong nagtiwala kayo kay Cristo na kayo’y iligtas, magtiwala rin naman kayo sa kaniya para sa mga pang-araw-araw na problema; mabuhay kayo na masiglang nakikipag-isa sa kaniya. Hayaan ninyong ang inyong mga ugat ay makabit sa kaniya at kumuha ng sustansiya mula sa kaniya.” (Col. 2:7 at 6 The Living Bible)*

Itinuro ni Apostol Pablo na kinakailangang “maging matatag” at “lumalago sa Panginoon.” Mapatutunayan ito sa pamamagitan ng pagiging “masigla sa katotohanang itinuro” sa kaniya. Samakatuwid, napakahalaga sa isang lingkod ng Diyos na masigla siya sa pagdalo sa mga pagsamba na isinasagawa sa loob ng Iglesia Ni Cristo sapagkat dito niya pangunahing tinatanggap ang mga katotohanan o kalooban ng Diyos na dapat niyang masunod. Sumasampalataya siyang sa panahon ng pagsamba, ang Diyos ay nagtuturo kung paano niya haharapin ang kaniyang mga problema. Kapag ang isang hinirang ng Diyos ay lumalapit at dumudulog sa Kaniya lalo na sa pagsamba, dinirinig ng Diyos ang kaniyang pananalangin  (Awit 142:5, 1–3 Good News Bible).

“At ngayon, kung paanong nagtiwala kayo kay Cristo na kayo’y ililigtas, magtiwala rin naman kayo sa kaniya para sa mga pang-araw-araw na problema.”

Colosas 2:6
The Living Bible*

Kaya, mali na kapag may problema ay pinababayaan ang pagsamba. Sa halip, ang mga hinirang ng Diyos ay dapat na lalo pang “nagpapagal at nagtitiyaga” sa kanilang mga paglilingkod sa Kaniya. Labis silang nagpapagal kahit may mga hadlang at panganib sapagkat tiniyak ng Biblia na sila ang “may pag-asa sa lahat ng pangako ng Diyos” (I Tim. 4:10 Last Days Bible).*

Itinuro rin ni Apostol Pablo na kung paanong ang mga hinirang ay nagtiwala sa pagliligtas ni Cristo kaya sinunod nila ang utos Niya na pumasok sa loob ng Kaniyang kawan, ay dapat magtiwala rin sila sa pagtulong Niya “para sa mga pang-araw-araw na problema” (Col. 2:6 lb).*

Kaya, walang dahilan para nerbiyosin at “balisang mabahala tungkol sa anumang bagay” kapag may mga problema sapagkat nakahandang tumulong ang Panginoong Diyos at ang Panginoong Jesucristo (Filip. 4:6, 19 ldb).*

Magpatuloy sa aktibong paglilingkod

Paano kung sunud-sunod na ang mga problema—hindi pa nalulutas ang isa, may panibago na naman? Dapat na bang pabayaan ang mga pagsamba? Dapat bang mabawasan ang kasiglahan sa mga paglilingkod sa Diyos? Ganito ang itinuturo ng mga apostol:

“Labis naming ipinagmamalaki kayo; {Napakatibay, napakatatag} ninyo at determinado kayo sa inyong pananampalataya sa kabila ng mga panahon ng kahirapan na dumating sa inyo. Sinasabi namin sa lahat ng aming makatagpo sa mga iglesia ang ukol sa inyo. Ang lahat ng mga kaligaligang ito ay isang malinaw na palatandaan na nagpasiya ang Diyos na kayo’y gawing karapatdapat sa kaharian.” (II Tes. 1:4–5 msg)*

Hindi kailanman solusyon sa problema ang manlamig sa pagdalo sa pagsamba at sa mga aktibidad sa Iglesia. Ang mga kaanib ng Iglesia ay dapat napakatibay, napakatatag, at determinado sa pananampalataya sa panahon ng kahirapan sapagkat “ang lahat ng mga kaligaligang ito ay isang malinaw na palatandaang nagpasiya ang Diyos” na sila ay “gawing karapatdapat sa kaharian” Niya.

Ganito ang dapat makita sa bawat isang kaanib ng Iglesia Ni Cristo ngayon: kahit pa may mga pinagdaraanang suliranin ay hindi dapat iwan ang paglilingkod sa Diyos.

Kung gayon, para mapagtagum­payan ng mga lingkod ng Diyos ang lahat-lahat ng mga problema ay dapat mamalagi sila sa loob ng Iglesia Ni Cristo at aktibong naglilingkod sa Panginoon sapagkat sila ang pinangakuan ng Diyos ng pagtulong at pagliligtas hindi lamang sa buhay na ito kundi sa Araw ng Paghuhukom. Sapagkat, sa kaharian ng Diyos o sa Bayang Banal na kanilang tunay na tahanan ay wala na ang lahat ng uri ng suliranin.

*Isinalin mula sa Ingles

Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.