NAPAKARAMING BILANG ng mga tao ngayon na nag-uukol at nagsasagawa ng iba’t ibang paraan ng paglilingkod sa Diyos. Palibhasa’y alam nila na ang hindi paglalaan o pag-uukol ng tao ng paglilingkod sa Diyos ay kawalan ng malaking utang na loob sa Diyos na Maylalang sa kaniya. Subalit kung mahalaga na kilalanin ng tao na katutubong pananagutan niya na maglingkod at sumamba sa Diyos, mahalaga ring matiyak ng tao na ang ginagawa niyang paglilingkod ay magiging katanggap-tanggap sa Diyos. Bakit? Sapagkat hindi lahat ng uri ng paglilingkod na ginagawa ng tao, kahit pa ipatungkol niya sa Diyos ay pahahalagahan at tatanggapin na ng Diyos, ayon sa Biblia.
Ang ating Panginoong Jesucristo Mismo ang sumitas sa sinabi ng Diyos na walang kabuluhan ang pagsamba ng tao sa Diyos kailanma’t ang pagsambang iyon ay nakasalig sa aral at utos ng mga tao gaya ng mababasa sa Biblia na ganito:
“Datapuwa’t walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.” (Mat. 15:9)
Ipinakita rin at ipinaliwanag ni Cristo na kahit ang paglilingkod ng tao sa Kaniya (kay Cristo) na hindi nakasalig o nakabatay sa kalooban o mga utos ng Diyos ay hindi ikapagiging dapat sa pagpasok sa kaharian ng langit:
“Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit.” (Mat. 7:21 Magandang Balita Biblia)
Ayon sa ating Panginoong Jesucristo, may mga taong namamanginoon sa Kaniya, nangaral, at nakapagpalayas pa ng mga demonyo sa pangalan Niya, at nakagawa ng mga kamangha-manghang gawa o kababalaghan sa pangalan din Niya, ngunit tiniyak Niyang hindi pa rin papapasukin sa kaharian ng langit. Mababasa natin ang pahayag Niyang ito gaya ng mga sumusunod:
“Pagdating ng huling Araw, marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, nangaral po kami at nagpalayas ng mga demonyo, at gumawa ng mga kababalaghan sa inyong pangalan!’ At sasabihin ko sa kanila, ‘Kailanma’y hindi ko kayo nakilala. Lumayo kayo sa akin, mga mapaggawa ng masama!’” (Mat. 7:22-23 MB)
Kaya, kahit gamitin pa ng tao sa paglilingkod niya ang pangalan ng ating Panginoong Jesucristo at kahit makagawa pa siya ng maraming milagro, kung hindi naman ang kalooban ng Diyos ang kaniyang ginanap o sinunod ay hindi siya pagiging dapatin sa kaharian ng langit.
Maaaring sa pagsasagawa ng tao ng paglilingkod at pagsamba sa Diyos ay maglakip siya ng mga sakripisyo at pagpapakahirap sa katawan. Ngunit, ito kaya ay sapat na para maging makabuluhan sa Diyos ang pagsambang salig naman sa aral lamang ng tao? Tunghayan natin ang pahayag ni Apostol Pablo:
“(Ang lahat ng mga bagay na ito ay mangasisira sa paggamit), ayon sa mga utos at mga aral ng mga tao? Ang mga bagay na iya’y katotohanang mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang kusa, at sa pagpapakababa, at sa pagpapakahirap sa katawan; nguni’t walang anomang kabuluhan laban sa ikalalayaw ng laman.” (Col. 2:22-23)
Samakatuwid, wala ring kabuluhan ang pagsambang iniuukol ng tao sa Diyos kahit pa lakipan ng pagpapakasakit kailanman at ito’y nakasalig lamang sa aral at utos ng tao at hindi sa kalooban ng Diyos.
Ang katotohanang ito ay napatunayan na sa panahon ng mga unang lingkod ng Diyos tulad ng nangyari sa magkapatid na sina Nadab at Abiu:
“At si Nadab at si Abiu, na mga anak ni Aaron, ay kumuha ang bawa’t isa sa kanila ng kanikaniyang suuban, at sinidlan nila ng apoy, at pinatungan ng kamangyan, at sila’y naghandog sa harap ng Panginoon ng ibang apoy na hindi iniutos niya sa kanila. At sa harap ng Panginoon ay may lumabas na apoy, at sinupok sila; at namatay sila sa harap ng Panginoon.” (Lev. 10:1-2)
Ang magkapatid na ito ay kabilang sa mga unang lingkod ng Diyos sa panahon ng bayang Israel. Ngunit, hindi tinanggap ni isinaalang-alang ng Diyos ang kanilang pagsamba kahit na sila’y kabilang sa Kaniyang bayan o kahit pa sa Kaniya nila ipinatutungkol ang paghahandog ng handog na susunugin. Pinatutunayan lamang dito na kailanman at hindi ayon sa kalooban o kautusan ng Diyos ang alinmang paglilingkod o pagsamba na iaalay sa Kaniya ay hindi Niya tatanggapin.
Ang isa pang nakakatulad ng pangyayaring iyan ay ang naganap kay Uzza:
“At nang sila’y magsidating sa giikan ni Nachon, iniunat ni Uzza ang kaniyang kamay sa kaban ng Dios, at hinawakan; sapagka’t ang mga baka ay nangatisod. At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban kay Uzza; at sinaktan siya ng Dios doon dahil sa kaniyang kamalian; at doo’y namatay siya sa siping ng kaban ng Dios.” (II Sam. 6:6-7)
Kapansin-pansin ang napakalaking pagmamalasakit na iniukol o ginawa ni Uzza para sa kaban ng Diyos. Sapagkat nakita niya na ang mga baka ay natisod at maaaring mapinsala ang kaban ng tipan ng Diyos, ano ang ginawa ni Uzza? Hinawakan niya ito. Hindi nakabuti kay Uzza ang ginawa niyang iyon, bagkus, iyon pa nga ang naging dahilan ng kaniyang kamatayan sa siping ng kaban ng Diyos.
Nawalan ng kabuluhan ang ginawang pagmamalasakit ni Uzza dahil sa “kaniyang kamalian”—nilabag niya ang ipinag-utos ng Diyos sa kanila noon:
“At pagka si Aaron at ang kaniyang mga anak ay nakatapos na makapagtakip sa santuario at sa buong kasangkapan ng santuario, kailan ma’t isusulong ang kampamento: ay magsisilapit pagkatapos ang mga anak ni Koath upang kanilang buhatin yaon: datapuwa’t huwag silang hihipo sa santuario, baka sila’y mamatay. Ang mga bagay na ito ay siyang pasanin ng mga anak ni Coath sa tabernakulo ng kapisanan.” (Blg. 4:15)
Kaya, kahit gaano pa ang pagmamalasakit na gawin ng tao alang-alang sa paglilingkod sa Diyos, anuman ang kaniyang puhunaning hirap at panahon, kailanman at hindi nakasalig sa utos ng Diyos ay hindi pa rin niya pakikinabangan sapagkat hindi siya tatanggapin ng Diyos. Kung gayon, hindi totoo na anumang uri ng paglilingkod ang iuukol ng tao sa Diyos ay pagiging dapatin. Mahalaga sa Diyos ang paglilingkod, subalit ang nais Niya ay masang-ayon ito sa Kaniyang kalooban. Kaya dapat munang tiyakin ng tao na ang kaniyang paglilingkod at pagsambang ginagawa o gagawin ay nakasalig sa mga kalooban ng Diyos.
Ayon kay Apostol Pablo, ang kalooban ng Diyos na ipinasiya Niya at minagaling mula pa nang una ay tipunin ang lahat kay Cristo:
“Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin. Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa … .” (Efe. 1:9-10)
Matutupad ng tao ang kaloobang ito ng Diyos sa paraang ang mga tao ay dapat na maging sama-samang sangkap ng iisang katawan, tulad ng itinuro ng mga apostol:
“Sapagka’t kung paanong sa isang katawan ay mayroong tayong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain: Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa’t isa.” (Roma 12:4-5)
Ang katawan na tinutukoy ni Apostol Pablo rito ay ang Iglesia na ang ulo ay walang iba kundi ang ating Panginoong Jesucristo, gaya ng mababasa sa Colosas 1:18: “At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga’y ng iglesia. …”
Ang pangalan ng Iglesiang katawan ni Cristo ay Iglesia Ni Cristo. Mangyari pa, matuwid lamang na ang pangalan ng ulo ay taglay ng katawan. Kaya, taglay ng tunay na Iglesia ang pangalan ni Cristo:
“Magbatian kayo ng banal na halik. Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo.” (Roma 16:16 New Pilipino Version)
Kung bakit ang Iglesia Ni Cristo ang dapat aniban ng tao upang maisagawa niya ang pagsamba at paglilingkod na katanggap-tanggap sa Diyos ay sapagkat ito ang pinatutunayan ng Biblia na tinubos ng dugo ni Cristo:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)
Napakahalaga na ang tao ay makasama sa mga tinubos ni Cristo ng Kaniyang dugo sapagkat sa ganitong paraan malilinis ang makasalanang budhi ng tao. Hindi lamang iyon, kundi, ang pagkatubos sa pamamagitan ng dugo ni Cristo ang nagbibigay ng karapatan sa tao upang makapaglingkod sa Diyos (Heb. 9:14).
Dahil dito, binigyang-diin ng mga apostol na maliban sa pagkabuhos ng dugo ng ating Panginoong Jesucristo ay wala nang kapatawaran sa kasalanan o paglilinis sa makasalanang budhi ng tao para maibigay sa kaniya ang karapatan sa paglilingkod sa Diyos:
“At ayon sa kautusan, ay halos masasabi kong lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran.” (Heb. 9:22)
Samakatuwid, hindi maaaring maisagawa ng tao ang marapat na paglilingkod sa Diyos hangga’t hindi muna napatatawad ang kaniyang kasalanan. At ito ay hindi mangyayari hangga’t hindi pa siya natutubos ng dugo ng ating Panginoong Jesucristo. Hindi matutubos ng dugo ni Cristo ang tao hangga’t wala siya sa loob ng Iglesia Ni Cristo. Kaya, lubhang napakahalaga ng Iglesia Ni Cristo. At dapat nating tandaan, iisa lamang ang tunay na Iglesia Ni Cristo (Efe. 4:4).
Tunay na hindi sang-ayon sa Biblia ang paniniwala na ang lahat ng paglilingkod ng tao ay tatanggapin ng Diyos. Lalong hindi totoo na kahit saan o alinmang Iglesia kabilang ang tao ay tatanggapin ng Diyos ang kaniyang pagsamba at paglilingkod.
Iisa lamang ang katawan ni Cristo—iisa lamang ang tunay na Iglesia Ni Cristo. Ito ang dapat hanapin at aniban ng lahat ng tao na ang ibig ay maging katanggap-tanggap sa Diyos ang kanilang paglilingkod at makatiyak ng pagtatamo ng hinahangad na kaligtasan.
Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.