HALOS IKATLONG BAHAGI ng populasyon ng mundo, o 2.3 bilyong katao, ang nagpapakilalang sila ay Cristiano (Pew Research Center). Ang terminong Cristiano ay ikinakapit—bagama’t ito’y hindi akma—sa lahat ng taong sumasampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kaniyang mga aral. Kung paanong Budista ang itinatawag sa mga yumakap sa simulain ng Budismo, at Hindu sa mga tagasunod ng Hinduismo—lahat daw ng mga nagsasabing sila’y alagad ni Cristo ay tinatawag na mga Cristiano.
Subalit bagaman kahit na sino ay maaaring magpakilalang siya’y alagad ni Cristo, nangangahulugan na bang tunay na nga siyang gayon? Si Cristo Mismo ang nagtakda ng panukat kung paano makikilala ang Kaniyang mga tunay na alagad o tagasunod:
“At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?” (Lucas 6:46)
Sa pamamagitan ng retorikal na tanong, binigyang-diin ni Jesus na walang kabuluhan ang pagkilala sa Kaniya ng sinuman bilang Panginoon kung hindi naman niya ginagawa ang Kaniyang sinasabi. Sa madaling salita, ang mga tunay na alagad ni Cristo ay ang mga sumusunod sa Kaniyang mga aral.
Paano ang taong nagsasabing siya ay Cristiano ngunit ayaw namang sumunod sa utos ni Cristo? Ganito sila inilarawan ni Apostol Juan:
“Maaaring sabihin ng isang tao, ‘Ako ay isang Kristiano; Ako ay nasa daan patungo sa langit; Ako ay na kay Cristo.’ Ngunit kung hindi naman niya ginagawa ang iniuutos sa kaniya ni Cristo na gawin niya, siya’y isang sinungaling.” (I Juan 2:4 Living Bible) *
Sinulat din ng naturang apostol na ang bahagi ng mga sinungaling ay sa “dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan” (Apoc. 21:8).
Alin ba ang isa sa mga utos ni Cristo na sinunod ng Kaniyang mga tunay na alagad? Ganito ang pahayag ng Biblia:
“Kaya muling nagsalita si Jesus: ‘Buong katotohanang sinasabi Ko sa inyo. Ako ang pintuan ng kulungan ng mga tupa … Ako ang pintuan; ang sinumang taong pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas …’” (Juan 10:7, 9 Revised English Bible)*
May tiyak na dahilan kaya ipinakilala ni Cristo ang Kaniyang sarili bilang “pintuan ng kulungan ng mga tupa”: ipinag-uutos Niya sa tao na “pumasok sa loob ng kawan” sa pamamagitan Niya upang maligtas. Ang kawan na dapat pasukan o aniban ng tao ay ang Kaniyang Iglesia o ang Iglesia Ni Cristo:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na tinubos niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation) *
Maaaring buung-buo ang paniniwala ng maraming tao na sila ay Cristiano subalit kung wala naman sila sa kawan o Iglesia Ni Cristo o hindi kabilang sa mga tupa ni Cristo, sila ay pawang nag-aangkin lamang. Itinuro ni Cristo na:
“Ang Aking sariling mga tupa ay nakikinig sa Aking tinig; nakikilala Ko sila at sila ay sumusunod sa Akin.” (Juan 10:27 REB) *
“Datapuwa’t hindi kayo nagsisampalataya, sapagka’t hindi kayo sa aking mga tupa.” (Juan 10:26)
Bakit kapag hindi kaanib sa Iglesia Ni Cristo ang tao ay hindi siya tunay na Cristiano? Ganito ang paliwanag ni Apostol Pablo:
“Sa kadahilanang ito iiwan ng lalake ang kaniyang ama at kaniyang ina at makikisama [at tapat na magtatalaga] sa kaniyang asawang babae, at ang dalawa ay magiging isang laman. Ang hiwagang ito [ng pagiging isa ng dalawa] ay dakila: subalit ang sinasalita ko ay ang tungkol sa [kaugnayan ni] Cristo at ng iglesia.” (Efe. 5:31–32 Amplified 2015) *
Ang Iglesia ang may kaugnayan kay Cristo. Kaya, ang hindi kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay walang kaugnayan sa Kaniya. At dahil hiwalay kay Cristo, wala siyang bahagi sa pangakong kaligtasan:
“Alalahanin [ninyo] na nang panahong iyon kayo ay hiwalay kay Cristo [hindi kabilang sa alinmang may pagkakaugnay sa Kaniya], malayo sa bayang Israel, at mga dayuhan sa mga tipan [na walang bahagi sa banal na pangako ng Mesias at walang kaalaman sa mga kasunduan ng Diyos], na walang pag-asa [sa Kaniyang pangako] at [namumuhay] sa daigdig nang walang Diyos.” (Efe. 2:12 AMP2015) *
Ang pagiging Cristiano, kung gayon, ay hindi isang katawagan lamang. Pinatutunayan ito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga aral ni Cristo, na ang isa rito ay ang pag-anib sa Iglesia Ni Cristo na Kaniyang ililigtas:
“Sapagkat ang asawang lalake ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong si Cristo ang Ulo ng iglesia. Iyon ang Kaniyang katawan (ang iglesia) na Kaniyang ililigtas.” (Efe. 5:23 New Life Version) *
* Isinalin mula sa Ingles