MARAMING TAO ang nagsisikap na gumawa ng mabuti para sa iba araw-araw. Kaya naman sa aksiyon at sa pagsasalita ay iniiwasan nilang makasakit ng damdamin ng iba, bagkus ang hinahangad ay ang makapagbigay ligaya sa mga nakapaligid sa kanila. Ang iba ay nagbibigay ng donasyon o tulong sa mga institusyong pangkawanggawa. Marami ang naniniwala na ang kanilang ginagawang kabutihan ay makapagdudulot sa kanila ng kabanalan sa harap ng Diyos.
Sa kabilang dako, ang iba’t ibang relihiyon at pangkatin ng pananampalataya ay may itinuturo na mga gawaing diumano’y pangkabanalan tulad ng pagpepenitensiya, pagdedebosyon, pagsasagawa ng pilgrimage, pagtupad ng isang panata, mga sakramento at sakramental, at marami pang iba. Sumasampalataya silang magbibigay ito ng kapurihan sa Diyos at ikapapasok nila sa langit o ikaliligtas.
Subalit may sinasabi ang mga Banal na Kasulatan tungkol sa lahat ng diumano’y pagpapakabanal na ginagawa ng mga tao sa labas ng tunay na Iglesia Ni Cristo.
Ayon sa Biblia, magagawa ba ng tao ang pagpapakabanal sa ganang kaniyang sarili lamang?
“Gaya ng nasusulat, Walang matuwid, wala, wala kahit isa.” (Roma 3:10)
Sa harap ng Diyos, walang matuwid, dahil lahat ay nagkasala (Roma 5:12). Si Cristo lang ang taong hindi nagkasala (I Ped. 2:21–22) ngunit ang Diyos din ang nagpabanal sa Kaniya (Juan 10:36).
Kahit gaano pang antas o lebel ng pagpapakabait, pagkakawanggawa, at iba pang itinuturing ng tao na kabutihan ang kaniyang gawin ay hindi rin siya mababanal sa ganang kaniyang sarili dahil sa kasalanang nagawa niya. Hindi lamang nawalan ng kabuluhan ang kaniyang mabubuting gawa dahil sa kaniyang kasalanan kundi mayroon pang parusa na naghihintay sa tao:
“Sapagka’t ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan …” (Roma 6:23)
Hindi kamatayan na pagkalagot ng hininga ang ganap na kabayaran ng kasalanan kundi ang kakilakilabot na ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang apoy:
“At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.” (Apoc. 20:14)
Kaya ano ang kailangan ng tao para siya’y mabanal? Kailangan niya ng katubusang na kay Cristo:
“Palibhasa’y inaring-ganap na walang bayad ng kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus.” (Roma 3:24)
Kahit nagkasala ang tao subalit dahil tinubos na siya ng Panginoong Jesucristo ay inari nang ganap o matuwid o walang kasalanan.
Pinatutunayan din ng Biblia na ang tinubos at inaring-ganap ay binanal na:
“At ganyan ang mga ilan sa inyo: nguni’t nangahugasan na kayo, nguni’t binanal na kayo, nguni’t inaring-ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, at sa Espiritu ng ating Dios.” (I Cor. 6:11)
Ito kung gayon ang dapat matiyak ng tao upang magkaroon ng kabuluhan ang mga ginawa niya na may kinalaman sa buhay espirituwal—ang mapabilang sa mga nahugasan, binanal, at inaring-ganap. Sino ang ipinakikilala ng Biblia na nahugasan at tinubos ng mahalagang dugo ng Panginoong Jesus at hindi mababalewala ang kabanalang ginawa?
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation) *
Ang mapabilang sa Iglesia Ni Cristo na siyang tinubos ng dugo ng Panginoong Jesus ay isang biyayang walang kapantay at walang katulad. Hindi lamang may kabuluhan ang kabanalang kaniyang ginawa kundi higit sa lahat ay pinangakuan ng kaligtasan pagdating ng Araw ng Paghuhukom:
“Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas. …” (Juan 10:9 Revised English Bible) *
Ito ang katotohanang nakasulat sa Biblia na dapat mabatid ng mga tao upang huwag masayang ang mabubuting bagay at pangkabanalan na kanilang ginawa. Ang nag-uutos sa tao na pumasok sa Iglesia Ni Cristo para maligtas ay ang ating Panginoong Jesucristo mismo. Mahal Niya ang Kaniyang Iglesia. Bilang katunayan, dito Niya inihandog ang Kaniyang mahalagang dugo at siyang Kaniyang ililigtas:
“Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para rito.
“Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.” (Efe. 5:25, 23 Magandang Balita)
Hindi nangangahulugan na sapat nang pumasok sa kawan o Iglesia Ni Cristo upang maligtas. Kinakailangang malampasan ng tao ang mga pagsubok at tiisin hanggang sa wakas upang maligtas:
“Datapuwa’t ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.” (Mat. 24:13)
Kailangan ang pagtitiis upang magawa ang mga kalooban ng Diyos o mga salita Niya na siyang ikababanal (Heb. 10:36; Juan 17:17). Kaya inaasahan ng Panginoong Diyos at ng Panginoong Jesucristo sa mga hinirang na huwag nang bumalik sa buhay na makasalanan upang hindi mabawi ang pangakong kaligtasan:
“Nguni’t kung, samantalang ating pinagsisikapan na tayo’y ariing-ganap kay Cristo, ay tayo rin naman ay nangasusumpungang mga makasalanan, si Cristo baga ay ministro ng kasalanan? Huwag nawang mangyari. Kung akin ngang muling itayo ang mga bagay na aking sinira, sa aking sarili ay pinatutunayan ko na ako’y suwail.” (Gal. 2:17–18)
Dahil dito, ang isang tunay na lingkod ni Cristo, kahit galing pa sa ibang bansa at ibang kultura, laging isinasagawa niya ang pagbabagong-buhay. Kahit sabihin pang ang isang bagay o gawain ay uso o tinatanggap sa lipunan, kung labag naman ito sa kalooban ng Diyos ay hindi niya ito gagawin.
Sa halip na gumawa ng mga bagay na labag sa kalooban ng Diyos, mayroong dapat tiyakin ang mga tinubos na o nasa tunay na Iglesia ayon sa pagtuturo ni Apostol Pablo:
“Na mangapuspos ng bunga ng kabanalan, na ito’y sa pamamagitan ni Jesucristo, sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Dios.” (Filip. 1:11)
Dapat mapuspos ng bunga ng kabanalan ang mga pumasok sa kawan o Iglesia. Tandaan natin na napatawad na sila sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. Binanal na ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo; dapat mabuhay sila sa kabanalan at hindi sa karumihan o kasalanan.
Sa loob lamang ng Iglesia Ni Cristo magagawa ng tao ang pagpapakabanal. Ganito ang turo ni Cristo:
“Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang magsasaka. Ang bawa’t sanga na sa akin ay hindi nagbubunga, ay inaalis niya: at ang bawa’t sanga na nagbubunga ay nililinis niya, upang lalong magbunga. … Kayo’y manatili sa akin, at ako’y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kaniyang sarili maliban na nakakabit sa puno; gayon din naman kayo, maliban na kayo’y manatili sa akin. Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako’y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa. Kung ang sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya’y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog.” (Juan 15:1–2, 4–6)
Si Cristo ang puno ng ubas at ang mga hinirang Niya ang mga sanga. Sa ibang paglalarawan, si Cristo ang ulo ng Iglesia na katawan Niya (Col. 1:18). Ang mga sangang nakakabit sa Kaniya o kaanib ng Iglesia Niya ang makapagbubunga ng kabanalan. Ang hiwalay sa Kaniya ay walang magagawang kabanalan. Kung gayon, sa loob lamang ng Iglesia Ni Cristo mababanal ang tao.
Sa kabilang dako, masama na nasa tunay na Iglesia ngunit hindi naman gumagawa ng kabanalan. Aalisin ang hindi magbubunga ng kabanalan. Sila’y magiging tulad sa mga sangang matutuyo dahil hindi nakakabit sa puno at pagkatapos ay ihahagis sa apoy o parurusahan pagdating ng Araw ng Paghuhukom.
May prosesong ipinatutupad sa Iglesia Ni Cristo na naaayon sa aral ng Biblia. Ang mga nasumpungang nabubuhay sa paglabag, kung matapos mapayuhan at ituwid ay hindi pa rin nagbagong-buhay, ay itinitiwalag sa Iglesia:
“Ano ang karapatan kong humatol sa mga taga-labas ng iglesya? … Ang Dios ang hahatol sa mga nasa labas. ‘Itiwalag ninyo ang masama ninyong kasamahan.’” (I Cor. 5:12–13 New Pilipino Version)
Ang nasa labas ng Iglesia ay hahatulan o hindi maliligtas. Kaugnay nito, hindi maaaring imatuwid ng tao na hindi na sila dapat umanib pa sa Iglesia Ni Cristo dahil mas mabuting tao pa raw sila sa mga kakilalang kaanib nito. Hindi mababanal ang tao kung hiwalay sa Iglesia Ni Cristo. Ang nasa loob naman ng Iglesia, ngunit nabubuhay sa kasalanan ay itinitiwalag kung hindi nagbagong-buhay. Ang dating nasa loob na itiniwalag na at ang ayaw pumasok sa Iglesia Ni Cristo ay parehong nasa labas, kaya parehong parurusahan ng Diyos.
Kailangan ng tao na siya ay mabanal upang maligtas. Ang kaparaanan upang siya ay mabanal ay ang pumasok sa Iglesia Ni Cristo sapagkat ito lamang ang tinubos ni Cristo ng Kaniyang dugo, at napatawad sa mga kasalanan. Ang paniniwalang sapat nang sumampalataya kay Cristo para maligtas ay labag sa Biblia. Ang pananampalataya ay dapat lakipan ng gawa: pangunahin sa mga ito ay ang pag-anib sa Iglesia Ni Cristo.
* Isinalin mula sa Ingles