Ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita

The Lord Jesus Christ offers not only comfort from our burdens in this life but most especially the true rest in the heavenly kingdom.

By LLOYD RUBEN I. CASTRO

ANG PAGPAPALAGANAP ng Mabuting Balita—ang ebanghelyo o mga aral ng Diyos na maghahatid sa tao sa kaligtasan ng kaniyang kaluluwa—ang isa sa mga pangunahing misyon ng Iglesia Ni Cristo. Pinag-iibayo ng buong Iglesia ang pagtupad sa gawaing ito lalo na ngayon na, ayon sa Biblia ay malapit na ang kakila-kilabot na wakas ng sanlibutan (Zef. 1:14, 18; II Ped. 3:7, 10; Mat. 24:3, 33, 6-8).

Lahat, mula sa pinakabagong kaanib ng Iglesia Ni Cristo hanggang sa pinakamatagal na, ay ginagawa ang kani-kaniyang bahagi sa pagpapalaganap ng dalisay na ebanghelyo. Ito ay sa ikatutupad ng kalooban ng Panginoong Diyos na maligtas ang lahat ng tao:

“Ito’y mabuti at nakalulugod sa paningin ng Dios na ating Tagapagligtas; Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao’y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan.” (I Tim. 2:3-4)

Kaya sinisikap ng mga kaanib na ang kanilang mga mahal sa buhay, kamag-anak, kaibigan, at kakilala ay makapakinig ng mga aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia upang malaman din nila ang katotohanan na maghahatid sa kanila sa kaligtasan.

Sa pangunguna ng Tagapamahalang Pangkalahatan, Kapatid na Eduardo V. Manalo, pinalawak at pinaigting ng Iglesia ang gawaing pagpapalaganap. Ang naging bunga nito ay ang lalo pang mabilis na paglaganap ng Iglesia Ni Cristo sa iba’t ibang bansa.

Ganito rin ang pagtatalaga at pagsisikap na nakita sa mga kaanib ng Iglesia noong unang siglo, kaya mabilis na lumaganap noon ang tunay na Cristianismo:

“Sapagkat hindi lamang ang salita ng Panginoon ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Pati ang balita tungkol sa inyong pananampalataya ay kumalat sa lahat ng dako.” (I Tes. 1:8 Magandang Balita Biblia)

Hindi pinanghihinayangan ng mga tunay na kaanib ng Iglesia ang mga pagsasakit na pinupuhunan nila para sa pakikibahagi sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita sapagkat sumasampalataya sila na ang kasiglahan sa gawaing ito ay may hatid na walang katumbas na biyaya. Ang sabi nga ni Apostol Pablo:

“Ipinakikiusap ko rin naman sa iyo, tapat kong kasama, tulungan mo ang dalawang babaing ito. Sila man ay nakatulong ko sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita, kasama nina Clemente at ng iba pang kamanggagawa ko. Ang pangalan nila’y nakasulat sa aklat ng buhay.” (Filip. 4:3 MB, amin ang pagdiriin)

Kaya, hindi titigil sa pakikibahagi sa dakilang gawaing ito ng Diyos ang mga tunay na kaanib ng Iglesia Ni Cristo. Ito ay alang-alang sa ikatitiyak nilang nakatala sa aklat ng buhay at sa ikaliligtas nila (Dan. 12:1), maging ng kanilang kapuwa, sa araw ng kawakasan.

ANG KAHIRAPAN ay parang isang epidemiya o salot na lumalaganap sa daigdig at bumabagabag sa tao. Bagaman pinag-iibayo ng mga lider ng pampribado at pampublikong sektor ang pagsisikap na lunasan at sugpuin ang suliraning ito, gayunman ang kahirapan ay narito pa rin at patuloy ang paglala. Ang kalahati ng 7.8 bilyong tao sa mundo ngayon ay nabubuhay sa matinding kahirapan. Lalong tumitindi ang kagutom at malnutrisyon. Idagdag pa rito ang milyun-milyong walang hanapbuhay, kapuwa sa mahihirap at mauunlad na bansa.

Ngunit, hindi nangangahulugang wala nang lunas sa kahirapan. May solusyon dito. At upang mailapat ang wastong lunas, kailangan munang alamin kung ano ang naging sanhi ng problema, ayon sa pagtuturo ng Biblia.