Ang pamumuhay na
kalugud-lugod sa Diyos

Ang pamumuhay na kalugud-lugod sa Diyos

Tinitiyak ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo na ang kanilang pamumuhay ay nakalulugod sa Diyos.

Ni GLADY C. GADDI

SA PAGLIPAS NG PANAHON ay nag-iiba ang uso o moda at nagbabago rin ang pananaw ng tao. May mga kaugalian o kostumbre na bawal noon subalit katanggap-tanggap na ngayon sa marami. Halimbawa ay ang tungkol sa pag-aasawa. Noon ay masasabi nating konserbatibo pa ang lipunan sapagkat kinakailangan munang maikasal ang magkasintahan bago sila magsama bilang mag-asawa, samantalang ngayon ay tanggap na sa maraming lipunan ang live-in o ang pagsasama nang hindi kasalBukambibig din ngayon ng ibang mga kabataan ang YOLO (you only live once), kaya sinusubukan nila ang mga masamang gawi o bisyo bilang katuwaan sa pagmamatuwid na minsan ka lang mabubuhay sa mundong ito kaya dapat tikman o gawin na ang lahat na magbibigay ng kasiyahan kahit yaong labag sa kalooban ng Diyos. Ang ganitong uri ng isipan o prinsipyo ay hindi katanggap-tanggap sa Panginoong Diyos kahit pa sabihing ito ay tinatanggap na ng lipunan.

Ang uri ng pamumuhay na inaasahan Niya

Ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ay tinuturuan ng Pamamahala ng mga salita ng Diyos na dapat sundin. Kahit pa sabihing ang isang kaugalian o gawi ay tanggap na ng nakararami, nananatili pa rin na ang mga utos ng Diyos ang dapat sundin:

“Mga kapatid, natutunan n’yo sa amin kung paano mamuhay nang kalugod-lugod sa Dios, at ito nga ang ginagawa n’yo. Hinihiling namin ngayon sa pangalan ng Panginoong Jesus na lalo n’yo pa sana itong pag-ibayuhin.” (I Tes. 4:1 Salita ng Dios)

Kung ang nakararami man sa mga tao sa mundong ito ay lumalabag sa utos ng Panginoong Diyos dahil ang sinusunod nila ay ang kanilang sariling kagustuhan, ang mga tunay na lingkod ng Diyos ay hindi gayon. Bagkus, sinisikap nilang ang kanilang pamumuhay ay maging kalugud-lugod sa Kaniya. Kaya ito ang laging isinasaalang-alang ng mga Iglesia Ni Cristo sa anumang plano o gagawin nila sa kanilang pamumuhay. Tinitiyak nilang ito ay makalulugod sa Diyos:

“Huwag ninyong isipin na ang nais ko ay malugod sa akin ang tao. Hindi! Ang nais ko ay malugod sa akin ang Dios. Kung ang ikalulugod ng tao ang hinahanap ko, hindi ako tunay na lingkod ni Cristo.” (Gal. 1:10 SND)

Ang mga tao ng Diyos ay dapat maingat sa lahat ng kanilang ginagawa at gagawin.  Hindi nila ito gagawin dahil lamang sa gusto ito ng nakararami. Gagawin nila ang isang bagay dahil iyon ang gusto o kasang-ayon sa kalooban ng Diyos. Hindi dapat mangyari na ang tao lamang ang nasisiyahan subalit nagagalit naman ang Diyos.

“Ang nais ko ay malugod sa akin ang Dios. Kung ang ikalulugod ng tao ang hinahanap ko, hindi ako tunay na lingkod ni Cristo.”

Galacia 1:10

Salita Ng Diyos

Kalugihan ba sa isang tapat na lingkod ng Diyos kung itanggi niya ang sarili niyang kagustuhan upang masunod palagi ang utos ng Ama? Ganito ang patotoo ng ating Panginoong Jesucristo:

“Hindi ako iniwang mag-isa ng Ama sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa kaniya.” (Juan 8:29 Bibles International)

Hindi pababayaan ng Diyos ang lingkod Niya na ang laging ginagawa ay ang nakalulugod sa Kaniya. Anuman ang maging kalagayan niya sa mundo, gaano man kabigat ang kaniyang mga dalahin ay maaasahan niya ang laging pakikisama ng Diyos sa kaniyang buhay.

Ang nakalulugod sa Ama

Ang nagbibigay-lugod sa Diyos ay ang pagsunod sa Kaniyang utos. Subalit mayroong uri ng pagsunod na hinahanap ang Diyos upang Siya ay malugod. Ganito ang pagtuturo ng Biblia:

“Kalulugdan tayo ng Diyos nating si Yahweh kung susundin natin nang buong katapatan ang lahat ng ipinag-uutos niya sa atin.” (Deut. 6:25 Bagong Magandang Balita Biblia)

Ang tunay na nakalulugod sa Diyos ay ang sumusunod nang buong katapatan sa lahat ng ipinag-uutos Niya. Hindi siya namimili ng aral na susundin—hindi ang magaan sa pakiramdam lamang ang susundin at ang mabibigat para sa kaniya ay iiwasan. Buong puso at pananalig niyang tinutupad ang lahat ng kalooban ng Ama at hindi ano pa baga o napipilitan lamang.

Napapansin ng maraming tao ngayon ang buong pagtatalaga ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa pagdalo sa mga pagsambang kongregasyonal, kahit pa may bagyo o malayo ang dako ng pagsamba. Ano ang nagtutulak sa kanila para gawin ang palagiang pagdalo sa pagsamba?

“Purihin si Yahweh! O kay sarap umawit at magpuri sa ating Diyos, ang magpuri sa kanya’y tunay na nakalulugod.”
(Awit 147:1 BMB)

Ang pagsamba ay nakapagbibigay ng kapurihan at kaluguran sa Diyos. Ito ang dahilan kaya saan man makarating ang mga kaanib ng Iglesia ay palagian pa rin ang pagdalo nila sa mga pagsambang kongregasyonal.

Hindi rin maiiwasang mapansin ng mga nagmamasid na bagaman ang malaking bahagdan ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo ay mahihirap lamang ay patuloy pa rin sila sa buong pusong pag-aabuloy at paghahandog sa Diyos. Ano ang nag-uudyok sa kanila na pagtalagahan ang gawaing ito? Ayon sa Biblia:

“Datapuwa’t ang paggawa ng mabuti at ang pagabuloy ay huwag ninyong kalimutan: sapagka’t sa mga gayong hain ang Dios ay totoong nalulugod.” (Heb 13:16)

Ang pag-aabuloy at paghahandog ay nakalulugod sa Ama. Ito ay ginugugol sa mga gawaing nakapagdudulot ng kapurihan at kaluguran sa Kaniya. Halimbawa’y sa pagtatayo ng mga gusaling sambahan na siyang dako kung saan “ilalagay ng Panginoon ang kaniyang pangalan” upang sambahin (Deut. 12:5 Easy-to-Read Version).*

“Hindi ako iniwang mag-isa ng Ama sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa kaniya.”

Juan 8:29

Bibles International

Ang isa pa ring puspusang ginagampanan ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo na nakapagbibigay kaluwalhatian sa Ama ay ang gawaing pagpapalaganap ng katotohanan o ebanghelyo. Ganito ang patotoo ni Apostol Pablo:

“Mabuti at kalugud-lugod iyan sa Dios na ating Tagapagligtas. Ang gusto Niya’y maligtas at makakilala sa katotohanan ang lahat ng tao.” (I Tim. 2:3–4 Buhay na Salita)

Kaya walang sawa ang mga kapatid na lalong paigtingin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga hindi pa nila kapanampalataya na ipaalam ang katotohanan sa pamamagitan ng mga pagsamba, pamamahayag ng salita ng Diyos, iba’t ibang media, at iba pang pamamaraan. Dahil sa marami ang umaanib sa Iglesia Ni Cristo, lalong dumarami ang tunay na nagpupuri sa Panginoong Diyos.

Kung bakit hindi kalugihan

Sa Biblia ay malinaw na nakasulat na tinupad ng Diyos ang Kaniyang pangako na hindi Niya pababayaan ang mga tapat na lingkod, kaya hindi kalugihan ang pagiging tapat. Ganito ang patotooo ng Biblia:

“At dumating ang panahon, si Ezequias ay nagkaroon ng sakit na nakamamatay. Si Propeta Isaias, anak ni Amos ay dumalaw sa kaniya at sinabi,  Ilagay mo na sa ayos ang mga bagay; malapit ka nang mamatay—hindi na magtatagal ang iyong buhay. Mula kay Isaias ay bumaling si Ezequias sa Panginoon, na nananalangin. Alalahanin Mo kung sino ako at ang aking ginawa, O Diyos! Ako’y namuhay nang tapat sa unahan Mo, Ang aking puso ay naging tunay na matatag. Namuhay ako para bigyan Ka ng kaluguran; namuhay para sa Iyong kapurihan. At nang magkagayon ay umagos ang mga luha. Umiyak si Ezequias. Si Isaias, nang papaalis na, ay wala pa sa kalahatian ng patyo nang pigilin siya ng salita ng Diyos: Bumalik ka at sabihin mo kay Ezequias, pangulo ng Aking bayan, ang salita ng Diyos, Ezequias! Mula sa Diyos ni David na iyong magulang: Aking narinig ang iyong panalangin at Aking namasdan ang iyong mga luha. Aking pagagalingin ka. Sa ikatlong araw ay lalakad ka papasok sa Templo ng Diyos. Aking idinaragdag pa ang labinlimang taon sa iyong buhay; Aking ililigtas ka sa hari ng Asiria, at aking [ipagsasanggalang] ang bayang ito para sa Aking kapakanan at para sa kapakanan ng aking lingkod na si David.” (II Hari 20:1–6 The Message)*

Si Haring Ezequias ay namuhay nang tapat sa harapan ng Panginoon, kaya naman dininig ang kaniyang panalangin at pinagaling siya sa kaniyang karamdaman at pinahaba pa ang kaniyang buhay ng 15 taon dahil sa pagiging masunurin niya sa Diyos.

“Mabuti at kalugud-lugod iyan sa Dios na ating Tagapagligtas. Ang gusto Niya’y maligtas at makakilala sa katotohanan ang lahat ng tao.”

I Timoteo 2:3–4

Buhay na Salita

Ganito rin ang maaasahan ng mga lingkod ng Diyos sa panahong Cristiano. Anumang hingin ng lingkod Niyang tapat at masunurin ay Kaniyang ipagkakaloob:

“At anomang ating hingin ay tinatanggap natin sa kaniya, sapagka’t tinutupad natin ang kaniyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na kalugodlugod sa kaniyang paningin.”
(I Juan 3:22)

Ito rin ang maaasahan ng mga tapat na lingkod ng Diyos maging sa panahon natin sapagkat ito ay pinatunayan nang ating Panginoong Diyos.

Ang tunay na mapalad

Ang isa pa sa ikakikilala ng pagiging tapat na lingkod ng Diyos ay ang pagkakaroon ng banal na takot sa Kaniya. Ang may banal na takot sa Diyos ay yaong nalulugod sa pagsunod sa Kaniyang mga salita na kahit pa marumi ang kaniyang kapaligiran dahil sa iba’t ibang uri ng kasamaan ay namamalagi pa ring malinis ang kaniyang buhay. Ang ganito ang magiging tunay na mapalad sapagkat may maaasahan siya sa Diyos. Ganito ang pangako Niya:

“Kung ang iyong paghahayag ay hindi nakapagpalugod nang labis sa akin, ako sana ay sumuko na nang dumating ang napakahihirap na kalagayan. Subalit hindi ko kailanman kalilimutan ang payo na ibinigay Mo sa akin; iniligtas Mo ang aking buhay sa pamamagitan ng magagaling na mga salitang iyon. Iligtas [Mo] ako! Ako’y Iyong-iyo. Kahit saan aking hinahanap ang Iyong mga salita ng karunungan.”
(Awit 119:92–94 MSG)*

Ang pagliligtas ng Diyos sa buhay pa lamang na ito ay ipinangako Niyang igagawad sa mga lingkod Niyang namumuhay nang kalugud-lugod sa Kaniyang harapan. At higit sa lahat na napakalaking pangako ng Diyos ay ang pangakong pagtahan sa Bayang Banal.

*Isinalin mula sa Ingles

Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.