Ang pangako na dapat tuparin
ng mga pinangakuan

Ang mga hinirang ng Diyos ang pinangakuan Niya ng Kaniyang pakikisama at pagliligtas. Dahil dito, dapat din silang mangako na laging magpapasalamat at maglilingkod sa Kaniya, at ito ay dapat nilang tuparin.

Ni ARVIN T. GALANG

SA MGA HULING PANAHON ay may mga hinirang ang Diyos na pinangakuan Niya—mga taong Kaniyang tinawag at pinili upang Kaniyang iligtas. Ang pangakong ito ng Diyos para sa Kaniyang mga hinirang ay tunay na mapanghahawakan, sapagkat Siya mismo ang nagpahayag:

“Tumingin [kayo] sa akin at maligtas, lahat ng mga wakas ng lupa! Sapagkat Ako ay Diyos, at wala nang iba. Ako Mismo ay sumumpa, ang salita ay lumabas na sa Aking bibig at hindi na mababawi, na sa Akin ang bawat tuhod ay luluhod, ang bawat dila ay manunumpa [ng katapatan].” (Isa. 45:22-23 Amplified Bible)*

Ang pagtingin sa Diyos ay katumbas ng pagtitiwala sa Kaniya at sa Kaniyang mga pangako. Ito ang nararapat gawin, sapagkat Siya ang Diyos na Makapangyarihan na dapat sambahin at pagtapatan ng Kaniyang mga hinirang sa panahong ito na malapit na ang wakas:

“Narito, ang Panginoon ay nagtanyag hanggang sa wakas ng lupa, Inyong sabihin sa anak na babae ng Sion, Narito, ang iyong kaligtasan ay dumarating; narito, ang kaniyang kagantihan ay nasa kaniya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya. At tatawagin nila sila Ang banal na bayan, Ang tinubos ng Panginoon: at ikaw ay tatawagin Hinanap, Bayang hindi pinabayaan.” (Isa. 62:11-12)

Isang malaking karangalan na mapabilang sa bayang ito ng Diyos. Ipinakikilala sila sa hula ni Propeta Isaias bilang mga taong tinawag Niya at binanal sapagkat tumanggap ng katubusan. Ang may katubusan o tinubos sa pamamagitan ng mahalagang dugo ng Panginoong Jesucristo kaya sila ay nalinis o binanal ay ang mga kaanib sa tunay na Iglesia Ni Cristo:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation)*

Samakatuwid, ang Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw na ito ang tinutukoy na bayang hinirang ng Diyos, ayon sa mga hulang ito ni Propeta Isaias.

Ang pangako sa mga hinirang

Tunay na dakilang biyaya ang mapabilang sa bayan ng Diyos sa mga huling araw na ito. Sapagkat, hindi lamang ang mahalagang pakikisama ng Diyos ang kanilang mararanasan, kundi maging ang Kaniyang pagtulong at pag-alalay na sapat upang sila’y maging panatag at walang anumang pinangangambahan.

“Tumingin [kayo] sa akin at maligtas, lahat ng mga wakas ng lupa! Sapagkat Ako ay Diyos, at wala nang iba.”

Isaias 45:22

Amplified Bible *


Lalong nahahayag ang pangakong pakikisama ng Diyos sa Kaniyang bayan sa harap ng mga kumakaaway sa kanila, sapagkat makikipagdigma at makikipagtunggali sila na ang kasama ay ang Panginoong Diyos:

“Ikaw na Aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa at tinawag mula sa mga sulok niyaon at [Aking] sinabi sa iyo, Ikaw ay Aking lingkod, Aking pinili ka at hindi kita itinakuwil; huwag kang matakot, sapagkat Ako ay kasama mo. Huwag [kang] masiraan ng loob, sapagkat Ako ay iyong Diyos. Aking palalakasin ka. Oo, Aking tutulungan ka. Oo, Aking aalalayan ka ng kanang kamay ng Aking katuwiran. Tingnan [mo], lahat ng mga nagagalit laban sa iyo ay mabibigo at malilito. Silang nakikipaglaban sa iyo ay magiging gaya ng bagay na wala, at maglalaho. Hahanapin mo sila, at hindi sila masusumpungan, kahit yaong mga nakikipagtunggali sa iyo. Silang nakikipagdigma laban sa iyo ay magiging gaya ng bagay na wala, gaya ng bagay na hindi umiiral. Sapagkat Ako, ang Panginoon na iyong Diyos, ang hahawak ng iyong kanang kamay, na nagsasabi sa iyo, Huwag [kang] matakot. Aking tutulungan ka.” (Isa. 41:9-13 New English Version)*

Maliwanag sa mga paunang pahayag na ito ng Diyos na walang sinumang makapipigil sa gawain ng Kaniyang bayan sa mga wakas ng lupa. Hindi ito kayang hadlangan at walang kalabang magtatagumpay dito—sila’y mabibigo at maglalaho.

Kaya, ang Iglesia Ni Cristo na nagpasimula ang gawain sa Malayong Silangan o sa bansang Pilipinas kaalinsabay ng Unang Digmaang Pandaigdig noong Hulyo 27, 1914, sa pangunguna ni Kapatid na Felix Y. Manalo, ang Sugo na kinasangkapan ng Diyos at unang namahala sa Iglesia, ay mabilis na lumaganap sa kapuluan ng Pilipinas. At nang papagpahingahin ng Diyos ang Sugo, ang Iglesia Ni Cristo ay pinamahalaan ni Kapatid na Eraño G. Manalo. Sa mga panahong ito naman nagpasimulang lumaganap sa Malayong Kanluran ang Iglesia Ni Cristo sa pamamagitan ng pagtitipon ng mga kaanib nito una sa Ewa, Hawaii at sa San Francisco, California sa Estados Unidos noong 1968. Katuparan ito ng pangako ng Diyos sa Kaniyang bayang hinirang sa mga huling araw na ito:

“Huwag kang matakot, sapagkat Ako ay kasama mo. Aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silangan at titipunin kita mula sa kanluran. Aking sasabihin sa hilaga, Bayaan mo sila, at sa timog, Huwag mo silang pigilin. Dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo at ang aking mga anak na babae na mula sa mga wakas ng lupa. … Oo, mula sa panahon ng unang pag-iral ng araw at mula sa araw na ito at patuloy ay Ako nga; at walang sinuman na makapagliligtas sa Aking kamay. Ako ay gagawa, at sino ang makapipigil o makapagpapawalang-bisa niyaon?” (Isa. 43:5-6 God’s Word; 43:13 Amplified Bible)*

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.”

Gawa 20:28

Lamsa Translation *

Ang inaasahan sa mga pinangakuan

Walang mapag-aalinlanganan sa mga pangako ng Diyos sa Kaniyang bayan; tapat Siya at Makapangyarihan. Ang kailangan lamang ay matugunan ng mga hinirang ang inaasahan Niya sa kanila upang patuloy nilang tamasahin ang Kaniyang mga ipinangako na pagtulong, pag-alalay, pagsaklolo, at pagliligtas. Sila’y dapat laging manalangin upang hingin ang Kaniyang mga pagpapala, na kahayagan ng paglalagak ng tiwala sa Kaniya. Kalakip nito ay dapat din silang gumawa ng pangangako sa Diyos.

Dapat ipangako sa Diyos ng mga hinirang sa kanilang paglapit sa Kaniya na sila’y magiging mapagpasalamat sa di-nagmamaliw na pag-ibig at katapatan ng Diyos kahit may suliranin o pagsubok sa buhay at magpapatuloy sa pagsamba sa Kaniya:

“… Ako po ay magpapasalamat sa Iyong pangalan dahil sa Iyong hindi nagmamaliw na pag-ibig at katapatan, sapagkat ang Iyo pong mga pangako ay pinagtitibay ng lahat ng karangalan ng Iyong pangalan … Ako po ay yumuyukod sa harap ng Iyong banal na Templo habang ako ay sumasamba.” (Awit 138:2 New Living Translation)*

Kaya, inaasahan sa mga hinirang ng Diyos ang laging pagpapasalamat at ang pagtataguyod sa kanilang paglilingkod o pagsamba sa Diyos. Tinitiyak nila na sila’y namamalaging karapatdapat at katanggap-tanggap sa Diyos. Para makatiyak silang mamamalagi sa kanila ang pagmamahal at mga pangako ng Diyos ay ganito ang payo ni Apostol Pablo:

“Kaya nga, yayamang taglay natin ang mga [dakila at kahanga-hangang] pangakong ito, mga minamahal, linisin natin ang ating mga sarili sa lahat ng bagay na nakapagpaparumi sa ating katawan at espiritu, na nilulubos ang kabanalan [ibinubuhay ang isang buhay na nakatalaga—isang buhay na inilaan para sa layunin ng Diyos] sa pagkatakot sa Diyos.” (II Cor. 7:1 Amplified Bible 2015)*

Mapatutunayan ng mga hinirang na ang kanilang buhay ay nakalaan o nakatalaga sa Diyos sa paraang isapuso at isabuhay nila ang Kaniyang mga aral, gaya ng iniutos noon sa Kaniyang unang bayan (Deut. 6:3-7).

Yayamang ang Iglesia Ni Cristo ang bayan ng Diyos ngayon, dapat tandaan ng mga kaanib nito na kung hangad nilang tamasahin ang mga pagpapala ng Panginoong Diyos, patuloy silang makinig sa mga payo ng Diyos at tiyaking isinasapuso at sinusunod nila ang mga ito akay ng lubos nilang pag-ibig sa Kaniya. Kapag ito ang nasumpungan sa mga hinirang, makaaasa sila na mamamalaging tutuparin ng Diyos ang Kaniyang mga pangako hindi lamang sa kabuuan ng Kaniyang bayan, kundi maging sa bawat sambahayan at inidibiduwal nitong kaanib.


*Isinalin mula sa Ingles

Ito ay updated version ng artikulo na unang inilathala sa magasing Pasugo: God’s Message.