Ang pangalan mo ba’y nakatala
sa aklat ng buhay?

Ang pagkakatala ng pangalan sa aklat ng buhay sa langit ang pinakamatibay na katunayang maliligtas ang tao sa Araw ng Paghuhukom.

Ni ARNEL M. ARMENIA

ANG PINAKAMABIGAT na suliranin ng tao ay ang kapahamakang naghihintay sa kaniya sa Araw ng Paghuhukom (II Ped. 3:7, 10) at ang walang hanggang kaparusahan sa dagat-dagatang apoy (Apoc. 20:14). Hindi maiiwasan ng tao—sinuman siya at anuman ang narating niya sa daigdig na ito—na alamin niya kung paano siya maliligtas sa mga ito na itinakda ng Diyos (Heb. 9:27) bilang kabayaran sa kaniyang mga kasalanan o paglabag sa kalooban ng Diyos (Apoc. 21:8).

Hindi tayo dapat magbatay sa sarili lamang nating opinyon kaugnay sa pagtatamo ng kaligtasan at buhay na walang hanggan dahil mahuhulog tayo sa kamalian.

Ang dapat matiyak at ikagalak

Ayon sa Biblia, ano ang dapat na matiyak ng sinumang naghahangad ng kaligtasan? Ganito ang nakasulat:

“At nagsipagbalik ang pitongpu na may kagalakan, na nangagsasabi, Panginoon, pati ang mga demonio ay nagsisisuko sa amin sa iyong pangalan. … Narito, binigyan ko kayo ng kapamahalaan na inyong yurakan ang mga ahas at ang mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway: at sa anomang paraa’y hindi kayo maaano. Gayon ma’y huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagsisisuko sa inyo; kundi inyong ikagalak na nangasusulat ang inyong mga pangalan sa langit.” (Lucas 10:17, 19-20)

Ang dapat nating matiyak at ikagalak ay kung nakasulat ang ating pangalan sa langit. Marapat lamang na ito ang ating ikagalak sapagkat pinatutunayan na “maliligtas ang iyong bayan, bawa’t isa na masusumpungan na nakasulat sa aklat” (Dan. 12:1). Ang aklat na tinutukoy ay ang aklat ng buhay (Apoc. 20:12).

Sa kabilang dako, tinitiyak ng Biblia na “kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy” (Apoc. 20:15). Kaya, nararapat lamang na ngayon pa lang ay matiyak na ng tao na nakasulat ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay sa langit. Iyon ang pinakamatibay na katunayang maliligtas siya pagdating ng Araw ng Paghuhukom at sa walang hanggang kaparusahan sa dagat-dagatang apoy.

Hindi sapat na sumampalataya lamang

Paano natin matitiyak na nasusulat ang ating pangalan sa langit? Kailangang mapabilang tayo sa Iglesia. Ganito ang nakasaad sa Biblia:

“Sa pangkalahatang pulong at iglesia ng mga panganay na nangatatala sa langit, at sa Dios na Hukom ng lahat, at mga espiritu ng mga taong ganap na pinasakdal.” (Heb. 12:23)

“Gayon ma’y huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagsisisuko sa inyo; kundi inyong ikagalak na nangasusulat ang inyong mga pangalan sa langit.”

Lucas 10:20

Ang tinutukoy na mga panganay ay ang mga Judio na natatakan sa panahon ng ministeryo ni Cristo at ng mga apostol (Sant. 1:1, 18; Apoc. 7:4). Sa anong iglesia kabilang ang mga Judio na natawag noong unang siglo? Kabilang sila sa Iglesia Ni Cristo:

“Hindi pa ako kilalang personal sa mga iglesya ni Cristo sa Judea.” (Gal. 1:22 New Pilipino Version)

Kaya upang matala ang pangalan ng tao sa aklat ng buhay sa langit, hindi sapat na sumampalataya lang o tanggapin lang bilang tagapagligtas si Cristo; kailangan na siya ay maging kaanib ng Iglesia Ni Cristo.

Sa mga huling araw na ito, ang tinutukoy na Iglesia na dapat aniban ng tao ay ang Iglesia Ni Cristo na ipinangaral ni Kapatid na Felix Y. Manalo. Malayo man ito sa panahon at dako sa Iglesia Ni Cristo noong unang siglo, hindi ito ibang Iglesia sapagkat ang tunay na Iglesia, na pinangakuan ng Espiritu Santo, ay binubuo ng tatlong pulutong: ang mga Judio, ang mga Gentil, at ang mga nasa malayo (Gawa 2:39 Rieu). Ang mga Judio at Gentil ay silang naging kaanib noon sa Iglesia Ni Cristo noong unang siglo (Roma 9:24) at ang mga taga-malayo naman ay yaong mga tatawagin ng Diyos mula sa Malayong Silangan, sa mga wakas ng lupa (Isa. 43:5 Moffatt). Ang katuparan nito ay ang Iglesia Ni Cristo na lumitaw sa Pilipinas noong Hulyo 27, 1914. Kailangang umanib dito ang tao upang matala ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay sa langit.

Huwag payagang mapawi ang pangalan

Mapalad ang tao na naging kaanib ng Iglesia Ni Cristo. Nakatitiyak siya na nakatala ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay sa langit. Subalit, may panganib na ang pangalan na nakatala na sa aklat ng buhay ay mabura (Awit 69:28 NPV). Ito ang hindi natin dapat payagang mangyari.

Matitiyak natin na hindi buburahin ng Diyos ang pagkakatala ng pangalan natin sa aklat ng buhay kung kabilang tayo sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo na magtatagumpay (Apoc. 3:5). Ang gayong kaanib ng Iglesia Ni Cristo ay nagawang makapagtagumpay sa sanlibutan at sa lahat ng kasamaan nito sa pamamagitan ng pananampalataya (I Juan 5:4; 2:16-17). Kaya, hindi marapat na ang sanlibutan ang makapanaig sa isang kaanib ng Iglesia Ni Cristo. Kapag gayon ang nangyari, tiyak na mawawala sa kaniya ang pag-ibig ng Diyos (I Juan 2:15). 

Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.