Ang paraang itinuturo ng Tagapagligtas

Itinuturo ng Panginoong Jesucristo na Siya ang pintuan at sa pamamagitan Niya ay dapat pumasok ang tao sa loob ng kawan upang maligtas.

Ni ISRAEL L. SOLANO

UPANG MAKATIYAK ang tao ng kaligtasan pagdating ng Araw ng Paghuhukom, kailangang matiyak niya muna na ang sinunod niya ay ang itinuturo ng ating Panginoong Jesucristo na paraan ng pagtatamo nito, at hindi ang mga paraang itinuturo ng kung sinu-sino lamang na mga tagapangaral. Ito’y sapagkat kung ang pag-uusapan ay kaligtasan, Siya ang dapat pakinggan, sampalatayanan, at sundin dahil Siya ang Tagapagligtas.

Napakalinaw ng itinuro ng Panginoong Jesucristo kung ano ang dapat gawin ng sinumang ibig maligtas:

“Kaya muling nagsalita si Jesus: ‘Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako ang pintuan ng kulungan ng mga tupa. … Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas.’ …” (Juan 10:7, 9 Revised English Bible)*

Itinuro ng Panginoong Jesucristo na Siya ang pintuan at sa pamamagitan Niya ay dapat pumasok ang tao sa loob ng kawan. Tiniyak Niya na sinumang gagawa o susunod nito ay maliligtas. Pansinin na ang nangako ng kaligtasan ay ang Tagapagligtas Mismo at ang pinangakuan Niya ay ang mga pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan Niya.

Iniisip marahil ng iba na, “Ang sabi ay pumasok sa kawan, hindi naman sinabing pumasok sa Iglesia.” Kaya, itanong natin sa Biblia, alin ba ang kawan na tinutukoy?  Sa Gawa 20:28, ganito ang sagot:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Lamsa Translation)*

Ang kawan ay ang Iglesia Ni Cristo.  Kaya, dapat pumasok sa Iglesia Ni Cristo ang tao upang maligtas. Tandaan natin na ito ang paraang itinuturo ng Tagapagligtas mismo, kaya kung susundin natin ito, tiyak ang ating kaligtasan.

“... nagsalita si Jesus: ... Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas.’ …”

Juan 10:7, 9

Revised English Bible

Isinalin mula sa ingles


Paano kung itanong ng iba: “Hindi kaya mabigat at mahirap sundin ang paraan na iyan na itinuturo ng Tagapagligtas?” Ganito ang sagot ng Panginoong Jesucristo:

“At may isang taong nagtanong sa Kaniya, Panginoon, kakaunti lamang ba ang maliligtas (sasagipin, palalayain mula sa mga kaparusahan ng huling paghatol, at gagawing kabahagi sa kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo)? At sinabi Niya sa kanila, Magpumilit kayong pumasok sa pamamagitan ng makipot na pintuan [ipilit ninyo ang inyong sarili rito], sapagkat marami, sinasabi Ko sa inyo, ang magtatangkang pumasok subalit hindi magagawa.” (Lucas 13:23-24 Amplified Bible)*

Hindi mahirap sundin ang paraang itinuturo ng Tagapagligtas upang magtamo ang tao ng kaligtasan. Subalit, hindi rin maiiwasan na mamuhunan ang tao ng panahon at sakripisyo upang masunod ito. Magtitiis din siya ng pag-uusig mula sa mga taong hindi naman nauunawaan kung bakit mahalaga ang pag-anib sa Iglesia Ni Cristo. Kaya, ang sabi ng Tagapagligtas, “Magpumilit kayong pumasok … ipilit ninyo ang inyong sarili rito …” Pansinin na hindi lang basta itinuro ng Panginoong Jesucristo ang paraan para maligtas—pumasok sa Iglesia Ni Cristo—kundi itinuro rin Niya na dapat “magpumilit” na magawa ito sapagkat ito lamang ang paraan upang ang tao ay makasama sa mga “maliligtas, sasagipin, [at] palalayain mula sa mga kaparusahan ng huling paghatol.”

Ito rin ang dahilan ng pagpupumilit naming maanyayahan ang lalo pang maraming tao na makasama sa loob ng Iglesia Ni Cristo, ayon sa paraang itinuro ng Tagapagligtas.

* Isinalin mula sa Ingles