Ang pinakadakila at pangunahing utos

Ang pinakadakila
at pangunahing utos

Ang nagtataglay ng mataas na pagkakilala at pagpapahalaga sa Diyos ay yaong nagsasakatuparan ng pinakadakila at pangunahing utos Niya.

Ni REYNALDO G. ARIZALA JR.

“AT ANG ISA SA KANILA na dalubhasa sa Batas ay nagtanong upang subukin siya. ‘Guro, alin ang pinakadakilang utos sa Batas?’ Sinagot siya ni Jesus, ‘Iibigin mo ang Panginoong iyong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong isip. Ito ang pinakadakila at pangunahing utos’.” (Mat. 22:35-38 Salin ni Abriol, idinagdag ang pagdiriin)

Ayon mismo sa ating Panginoong Jesucristo, ang pag-ibig sa Diyos nang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip, ang pinakadakila at pangunahing utos. Kung gayon, ang nagtataglay ng mataas na pagkakilala at pagpapahalaga sa Panginoong Diyos ay yaong nagsasakatuparan ng utos na ito. Subalit ang pag-ibig ba sa Diyos ay pag-ibig na inihahayag sa pamamagitan ng salita lamang? Hindi! Niliwanag ito ni Apostol Juan:

“Sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad ng kanyang mga utos. At hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos.” (I Juan 5:3 Magandang Balita Biblia)

Kaya, mahalagang matiyak ng tao na anumang sitwasyon, panahon, o pagkakataon ay sinusunod niya ang lahat ng utos ng Diyos. Ang lubos na pagsunod sa kautusan ng Diyos ang kahayagan ng tunay na pag-ibig natin sa Kaniya. Ipinakita ito ng ating Panginoong Jesucristo—ipinagpauna Niya sa ibabaw ng lahat ang pagsunod sa kagustuhan ng Diyos (Mat. 26:39).

Ang pag-ibig sa bugtong na Anak ng Diyos

Napakataas rin ng pagpapahalaga sa pagsunod ang hinahanap ng Panginoong Jesucristo sa mga taong nais na maging karapatdapat sa Kaniya:

“Ang umiibig sa ama o sa ina ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalake o anak na babae ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin.” (Mat. 10:37)

Sa pahayag na ito ni Cristo ay hindi dapat maipagkamali na winawalang-halaga ang pag-ibig sa magulang. Ang pag-ibig sa magulang ay utos din ng Diyos na dapat nating tuparin (Mat. 15:4). Subalit kung ang pag-ibig sa magulang ay hihigit na sa pag-ibig kay Cristo, na anupa’t magiging sagwil na sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos, niliwanag ni Cristo na hindi maaaring maging alagad Niya ang gayon. Sabi Niya:

“Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin.” (Lucas 14:26 mb)

Samakatuwid, walang dapat makahigit sa pag-ibig natin sa Diyos at sa Kaniyang Anak, ang Panginoong Jesucristo.

“Sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad ng kanyang mga utos. At hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos.”

I Juan 5:3

Magandang Balita Biblia


Bakit napakahalaga na sundin natin ang itinuturong ito ng ating Panginoong Jesucristo? Sapagkat ang nagtataglay ng kautusan ni Cristo at sinusunod ito ang siyang iibigin ng Diyos:

“Ang sinumang umiibig sa akin ay nagtataglay ng mga utos ko at sinusunod ang mga ito. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama. Iibigin ko rin siya at magpapakahayag ako sa kanya.” (Juan 14:21 New Pilipino Version)

Pinatunayan ni Abraham

Ang isa sa napakabuting halimbawa ng pag-ibig sa Diyos ay ang ipinakita ni Abraham. Nang matanggap niya ang pagpapala ng Diyos at siya’y ginawang “ama ng maraming bansa” ay hindi maliit na pagtatanggi ng sarili ang kaniyang ibinigay na patunay sa harap ng Diyos:

“Pagkalipas ng ilang panahon, sinubok ng Diyos si Abraham. Tinawag siya ng Diyos at tumugon naman siya. Sinabi sa kanya, ‘Isama mo ang pinakamamahal mong anak na si Isaac, at magpunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo, at ihandog mo siya sa akin’.” (Gen. 22:1-2 mb)

Ang hinihingi ng Diyos ay ang buhay ng kaisa-isang anak nina Abraham at Sara na si Isaac, na siyang anak sa pangako. Subalit kinailangang mamili ni Abraham: ang pagsunod sa utos ng Diyos o ang kaniyang anak? Papaano niya ito tinugon? Ginawa pa rin niya ang walang pasubaling pagsunod sa kalooban ng Diyos:

“Kinabukasan, maagang bumangon si Abraham, at sumakay sa asno, kasama si Isaac at ang dalawang aliping lalaki. May dala silang kahoy na panggatong. Matapos ang tatlong araw na paglalakbay, natanaw nila ang dakong kanilang patutunguhan. …

Pagsapit nila sa dakong itinuro ng Diyos, gumawa ng dambana si Abraham. Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong at inihiga si Isaac, matapos gapusin. Nang sasaksakin na niya ang bata, tinawag siya ng anghel ni Yahweh at mula sa langit ay sinabi: ‘Abraham, Abraham! Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Naipakita mo nang handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kaniya ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak.” (Gen. 22:3-4, 9-12 mb)

Ang pagsunod sa Diyos ang pinangibabaw ni Abraham at hindi naman nasayang ang ipinakita niyang kahigitan ng kaniyang pag-ibig sa Diyos kaysa kaniyang anak sapagkat ipinagkaloob ng Diyos ang Kaniyang tipan kay Abraham (Gen. 22: 16-18 mb).

“Ang sinumang umiibig sa akin ay nagtataglay ng mga utos ko at sinusunod ang mga ito. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama. Iibigin ko rin siya at magpapakahayag ako sa kanya.”

Juan 14:21

New Pilipino Version

Ang pinili ni Moises

Isang prinsipe ng Egipto ang nagawang piliin ang para sa Diyos kaysa kayamanan at kapangyarihan:

“Dahil sa pananampalataya, nang lumaki na si Moises, tumanggi siyang pakilala bilang anak ng prinsesang anak ng Faraon. Minabuti pa niyang mahirapang kasama ng bayan ng Dios kaysa lumasap ng panandaliang kaligayahang dulot ng pagkakasala. Itinuring niyang higit na mahalaga ang pagbabata ng kadustaan dahil sa Mesias kaysa mga kayamanan ng Egipto pagkat nakapako ang kanyang paningin sa mga gantimpala sa hinaharap.” (Heb. 11:24-26 npv)

Maaaring na kay Moises na ang lahat ng bagay na nais hangarin ng tao subalit hindi ito ang pinili niya. Sa halip, nangibabaw sa kaniya ang pagpapahalaga sa kahalalang bigay ng Diyos.

Magiging kwestyunable ang pag-ibig sa Diyos ng mga taong ipinagpapalit ang pagsamba at paglilingkod sa Kaniya sa trabaho, pag-aaral, at mga kasiyahan sa sanlibutan. Upang maging dapat ang tao sa Diyos, kailangang maging pangunahin sa kaniya ang pagsunod bago ang anumang pakinabang.

Ang dakilang huwaran sa pagsunod

Si Cristo ang dakilang huwaran sa pag-ibig sa Diyos na maging ang sarili Niyang kagustuhan ay Kaniyang isinuko alang-alang sa pagsunod (Mat. 26:39). Ang halimbawa Niya sa pagtatanggi ng sarili ang dapat sundan. Niliwanag sa Mateo 16:24 na:

“Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, ‘Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin’.” (mb)

Ang masunurin, kung gayon, ay kayang isuko ang kaniyang sarili upang makamtan ang karapatan sa pagiging alagad ni Cristo. Ito ay isang dakilang bagay sapagkat lahat tayo ay may sariling ibig subalit kung magagawa natin na ito’y ipagparaya, kahayagan ito ng di-makasarili at banal na hangaring maisagawa ang utos ng Diyos.

Masasalamin na, kung gayon, ng isang naglilingkod ang antas ng kaniyang pagmamahal sa Diyos—isang pagmamahal na ang batayan ay ang pinakadakila at pangunahing utos ng Diyos at hindi ang sariling panukala o ang galaw man ng sanlibutan. Ikaw? Gaano mo ba kamahal ang Diyos?

Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.