ANUMANG PAGPILI na ating ginagawa sa mundong ito ay may bahagya o dili kaya’y malaking epekto sa ating buhay—batay sa kung ano at gaano ang nakataya sa ating pagpili. Halimbawa, sa pagpapasiya kung sa aling restawran kakain o kung alin ang isusuot sa isang okasyon, anuman ang pipiliin ay kadalasang walang gaanong epekto sa ating buhay. Subalit kung ang pagpili ay may kinalaman sa pag-aasawa o sa kursong kukunin sa kolehiyo, ang magiging epekto nito ay pangmatagalan at mas malaki.
Napakahalaga, kung gayon, na maging napakaingat natin sa pagpili, lalo na kung ang nakataya ay hindi lamang ang kapakanang panlupa kundi ang nauukol sa kaligtasan ng kaluluwa.
Ang Diyos na makatarungan at mahabagin ay nagbigay sa tao ng kalayaan sa pagpili. Hindi Niya nilalang ang tao na tulad sa isang robot na de-susi o tau-tauhan, na sa ayaw o gusto ng tao, ay magiging sunud-sunuran na lamang sa iniuutos ng Diyos. Sa katunayan ay binigyan Niya ang tao ng mapagpipilian:
“Tinatawag ko sa araw na ito ang langit at lupa bilang mga saksi laban sa inyo na nagtakda ako ng buhay at kamatayan, mga pagpapala at mga sumpa. Piliin ninyo ngayon ang buhay upang mabuhay kayo at ang inyong mga anak.” (Deut. 30:19 New Pilipino Version)
Paano magagawa ng tao na piliin ang buhay at pagpapala? Idinagdag pa ng Panginoon:
“Upang ibigin ninyo ang PANGINOON ninyong Dios, makinig sa kanyang tinig at matatag na humawak sa kanya. Sapagkat ang PANGINOON ang inyong buhay at bibigyan niya kayo ng maraming taon sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob.” (Deut. 30:20 NPV)
Kapag pinili ng tao na ibigin ang Diyos at sundin ang Kaniyang tinig sa pamamagitan ng pagsunod sa Kaniyang mga utos (I Juan 5:3 NPV), nagagawa niyang piliin ang buhay at pagpapala. Kapag ang kaibayo naman ang kaniyang pinili, ito ay nangangahulugan ng kamatayan at sumpa—na siyang kaparusahang walang hanggan sa dagat-dagatang apoy (Apoc. 20:14).
Kaugnay nito, ipinakita rin ng Panginoong Jesucristong Tagapagligtas ang dalawang daan na maaaring tahakin ng tao:
“Sa makipot na pintuan kayo pumasok. Maluwang ang pintuan at malapad ang daan tungo sa kapahamakan at marami ang dumaraan doon. Makipot ang pintuan at makitid ang daan patungo sa buhay kaya kakaunti ang nakasusumpong niyon.” (Mat. 7:13-14 NPV)
Bunsod ng Kaniyang paghahangad na maligtas ang tao, iniutos ni Cristo na pumasok sa pintuang patungo sa buhay. Si Cristo mismo ang tinutukoy na pintuan, at ang pumasok sa Kaniya ay mapapaloob sa kawan, na ito ang Iglesia Ni Cristo (Juan 10:9 Revised English Bible; Gawa 20:28 Lamsa Translation).
Kapag nasa loob na ng Iglesia, tungkulin ng tao na manatili kay Cristo at sa Kaniyang salita (Juan 15:7) upang hindi siya itapon sa labas gaya ng sanga at ihagis sa apoy (Juan 15:4-6).
Pagdating ng Araw ng Paghuhukom kung kailan ang tao ay haharap na sa hukuman ni Cristo (II Cor. 5:10), ang ganti na kaniyang tatanggapin ay nakabatay sa kung alin ang kaniyang pinili: buhay ba o kamatayan, pagpapala o sumpa, ang makipot na pintuang patungo sa buhay o ang maluwang na daan patungo sa kapahamakan? Nakapamalagi ba siya sa loob ng Iglesia Ni Cristo hanggang wakas, o nahiwalay?
Mismong ang tao ang magpapasiya kung ano o alin ang kaniyang pipiliin. Bagama’t siya ay binigyan ng kalayaan sa pagpili, dapat niyang pakatandaan na papananagutin siya ng Diyos sa anumang pasiya na kaniyang gagawin.
Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.