“O IGALA ANG TINGIN sa lupa, Wala silang makikita kundi kaguluhan at kadiliman, Anuman ang gawin nila’y hindi sila makaiiwas dito.” (Isa. 8:22 Magandang Balita Biblia)
Ito ang larawan ng mundo sa kasalukuyan. Bigo ang tao na malunasan ang pagkakasadlak niya sa matinding kahirapan. Bigo rin siyang maisakatuparan ang mabubuti niyang pangarap. Marami ang nahuhulog sa kalunus-lunos na kalagayan, tulad ng mga biktima ng karahasan at kaguluhang nangyayari sa iba’t ibang panig ng mundo.
Naitatanong tuloy ng marami: Bakit kaya nagkaganito ang kalagayan ng tao sa mundo? Ano kaya ang magiging lundo ng kasawiang dinaranas ngayon ng tao? Maaari pa ba itong malunasan?
Ang Biblia ay may ipinagpauna tungkol sa magiging kalagayan at mga kasawiang sasapit sa tao:
“Ito nga ang isang di magandang nangyayari sa ibabaw ng lupa; iisa ang kinasasapitan ng lahat. Habang ang tao’y nabubuhay, panay na kasamaan ang kanyang iniisip, at ang hantungan ay kamatayan.” (Ecles. 9:3 MB)
Ayon sa Biblia, panay na kasamaan ang iniisip ng tao. At ang naging bunga nito ay ang paglaganap at pagtindi ng mga karahasan—ang pagdami ng mga taong walang takot at hindi nangingiming magbubo ng dugo:
“Tinatakbo ng kanilang mga paa ang kasamaan, at sila’y nangagmamadaling magbubo ng walang salang dugo: ang kanilang mga pagiisip ay mga pagiisip ng kasamaan; kawasakan at kagibaan ay nasa kanilang mga landas. … Kaya’t ang kahatulan ay malayo sa amin, o umaabot man sa amin ang katuwiran: kami’y nagsisihanap ng liwanag, nguni’t narito, kadiliman; ng kaliwanagan, nguni’t nagsisilakad kami sa kadiliman.” (Isa. 59:7, 9)
Ito ang madalas na laman ng balita—mga patayan at iba’t ibang krimeng nagaganap kahit sa mga lugar na inaakala ng iba na ligtas. Kahit sa loob mismo ng tahanan ay may nagiging biktima ng mga karumaldumal na krimen at kahit ang mga nasa tinatawag nilang safe zone sa mga bansang may nagaganap na digmaan ay nadadamay pa rin sa kaguluhan.
Pilit itong hinahanapan ng tao ng solusyon kaya patuloy niyang pinalalago at pinauunlad ang kaniyang karunungan. Gayunman, malulunasan kaya ang malubhang suliraning ito kung patuloy na palalaguin ng tao ang kaniyang kaalaman o karunungan? Ganito ang sagot ng Biblia:
“Hanggang lumalawak ang kaalaman ay dumarami ang alalahanin, at habang dumarami ang nalalaman ay lalong tumitindi ang sakit.” (Ecles. 1:18 MB)
Hindi kayang lunasan ng tao ang mga suliranin sa mundong ito kahit pa siya ay maging marunong sapagkat sinasabi ng Biblia na habang lumalawak ang kaalaman ay dumarami ang alalahanin ng tao sa mundo. Ang halimbawa nito ay ang mga sandatang nukleyar at iba pang mga makabagong sandatang pamuksa na produkto ng paglago ng kaalaman at karunungan ng tao, anupa’t ito’y nagiging banta naman sa buhay ng marami. Sa kabilang dako, ang iba namang tuklas na karunungan ay nagpapalubha ng iba’t ibang sakit o karamdaman dahil may masamang epekto sa kapaligiran.
Kaya tulad ng pinatutunayan sa Biblia, hindi lubos na makapapawi ng lungkot o kapanglawan ng tao ang pag-unlad at paglawak ng kaalaman na kaniyang tinatamasa sa kasalukuyan (Ecles. 1:18 New Pilipino Version). Ngayon, kung kailan naging maunlad ang kaalaman ng tao, saka naman dumami ang mga taong lubhang nahihirapan sa buhay—biktima ng mga kaapihan, karahasan at paglalabanan, kalamidad, at nakararanas ng iba’t ibang sakit, ng kagutom, at matitinding kahirapan.
Ang kasawiang dinaranas ng tao sa mundo ngayon ay hindi pa siyang kasukdulan ng kahirapan ng tao. May lalong kakila-kilabot na kasawiang darating sa mundong ito—ang Araw ng Paghuhukom. Sa araw na iyon ay lalong walang magagawa ang lakas, dunong, at yaman ng tao:
“Malapit na ang dakilang araw ng PANGINOON—malapit na at mabilis na dumarating. Makinig kayo! Magiging mapait ang pagtangis sa araw ng PANGINOON, ang sigawan ng mga mandirigma roon. Ang araw na ‘yon ay magiging araw ng poot, araw ng bagabag at pagdurusa, araw ng kaguluhan at pagkawasak, araw ng kadiliman at kapanglawan, araw ng mga ulap at pusikit na karimlan … Ang bayan ay padadalhan ko ng bagabag at lalakad silang tulad ng mga taong bulag pagkat nagkasala sila laban sa PANGINOON. Ang dugo nila ay mabubuhos na tila alabok at ang laman-loob nila na tulad ng basura.” (Zef. 1:14–15, 17 NPV)
Kahit magpumilit ang tao na lunasan ang kasalukuyan niyang masamang kalagayan at kasawiang kaniyang sinapit, mabibigo at mabibigo pa rin siya sa Araw ng Paghuhukom. Ano ang dahilan ng mga kasawian ng tao sa mundo, na ang lundo ay ang Paghuhukom? Ano ba ang ipinauunawa ng Biblia sa mga nagsisikap na lunasan ang mga nangyayaring kasawian sa sanlibutang ito gamit ang natamo nilang mga karunungang panlupa? Sa Oseas 14:9, ganito ang isinasaad:
“Ang mga bagay na ito’y dapat unawain ng matalino, at dapat mabatid ng marunong. Matuwid ang mga daan ni Yahweh, at doon tumatahak ang mabubuti, ngunit madarapa ang mangangahas na sumuway.” (MB)
Ito ang hindi naunawaan ng iba kahit pa sila’y naging marunong sa mundong ito—na ang dapat na lakaran ng tao ay ang mabuting daan ng Panginoon at “madarapa ang mangangahas na sumuway” sa mga daan o utos ng Diyos. Ito ang dahilan kaya kahit anong pamamaraan, programa o plano na mabuo ng tao upang lunasan ang kaniyang suliranin ay nauuwi pa rin sa kasawian. Ang ugat at tunay na dahilan ng kasawian ng tao ay ang kaniyang paglihis sa daan o pagsuway sa utos ng Diyos na siya niyang dapat na lakaran. Ang pagkaligaw ng tao papalayo sa mga aral ng Diyos ang nagdulot ng kasawiang sinapit ng mundo:
“Mula nang mga kaarawan ng inyong mga magulang kayo’y nangagpakaligaw sa aking mga tuntunin, at hindi ninyo tinalima. Manumbalik kayo sa akin, at ako’y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Nguni’t inyong sinasabi, Sa ano kami manunumbalik?” (Mal. 3:7)
Iminamatuwid ng iba na nagsusumikap naman silang makapanumbalik sa Diyos. Ang katunayan daw nito ay ang pakikinig nila sa mga tagapangaral at pag-anib sa mga kilusang panrelihiyon. Subalit, dapat nilang maunawaan na hindi nasisiyahan ang Diyos sa mga relihiyong itinatag ng tao na pawang mali ang batayan ng paglilingkod sa Diyos:
“Mapatutunayan kong sila’y nagsisikap na maging kalugud-lugod sa Diyos, subalit mali ang kanilang batayan. Sapagkat hindi nila nakilala ang pagpapawalang-sala na kaloob ng Diyos, at nagsikap silang magtayo ng sarili nilang pamamaraan sa halip na sundin ang pamamaraan ng Diyos.” (Roma 10:2–3 MB)
Sa tunay na relihiyong sa Diyos, ang nasusunod ay ang kalooban Niya, hindi katulad sa mga maling relihiyon na ang sariling gusto lamang ng mga miyembro o ng kanilang mga tagapagturo ang pinaiiral. Ito ang dahilan kaya sa halip na makapanumbalik ay lalo silang nalayo sa Diyos. Ito rin ang dahilan kaya lalong tumitindi ang kasawian ng tao sa mundong ito. Alalahanin nating hindi malulunasan ang kasawian hangga’t hindi nakababalik ang tao sa layunin at kalooban ng Diyos. Kaya, napakahalaga na malaman at masunod ang kalooban ng Diyos upang ang tao ay makapanumbalik sa Kaniya.
Ang tao ay itinalaga ng Diyos sa ating Panginoong Jesucristo. Ito ang layunin at kalooban ng Diyos na dapat sikapin ng tao na matupad sa kaniya upang makapanumbalik siya sa Diyos. Ang tao ay itinalaga ng Diyos kay Cristo upang siya ay matubos at mapatawad sa kasalanan na siyang naging dahilan kung bakit siya nasumpa at nahiwalay sa Diyos:
“Tayo’y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak! Tinubos tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at sa gayo’y pinatawad na ang ating mga kasalanan. Gayon kadakila ang pag-ibig na ipinadama niya sa atin!”
(Efe. 1:5–8 MB)
Alin ang pantubos sa kasalanan at bakit kailangang malinis o mapatawad muna sa kasalanan upang tunay na makapanumbalik ang tao sa Diyos? Ganito ang sagot ni Apostol Pablo na nakasulat sa Hebreo 9:14:
“Gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng Espiritu na walang hanggan ay inihandog ang kaniyang sarili na walang dungis sa Dios, ay maglilinis ng inyong budhi sa mga gawang patay upang magsipaglingkod sa Dios na buhay?”
Upang makapanumbalik ang tao sa Diyos, kailangang matubos siya ng dugo ni Cristo. Sa gayon, magkakaroon siya ng karapatan na makapaglingkod sa Diyos. Dito nagkamali ang iba na nagsagawa agad ng pagsamba at paglilingkod sa Diyos nang hindi muna tiniyak kung sila’y kabilang sa mga tinubos ni Cristo ng Kaniyang dugo.
Ang tinubos ng mahalagang dugo ng ating Panginoong Jesucristo ay walang iba kundi ang Iglesia Ni Cristo:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)
Samakatuwid, ang Iglesia Ni Cristo ang kaparaanan upang maisakatuparan ang tunay na panunumbalik ng tao sa Diyos at masunod ang pagkakatalaga Niya sa mga tao sa ating Panginoong Jesucristo. Sa loob lamang ng Iglesia Ni Cristo tatanggapin ng Diyos ang paglilingkod ng tao.
Kaya, ano ang ipinagagawa sa mga tao upang sila ay mapabilang sa mga tinubos at maliligtas sa tiyak at matinding kasawiang magaganap sa Araw ng Paghuhukom? Iniutos ng ating Panginoong Jesucristo na pumasok sa loob ng kawan:
“Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas. …” (Juan 10:9 Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)
Ang kawan na tinutukoy ay ang Iglesia Ni Cristo (Gawa 20:28 Lamsa). Kaya, ang pumasok sa loob ng Iglesia Ni Cristo ang natubos ng dugo ni Cristo at napatawad na sa kanilang kasalanan. Sila rin ang mga maliligtas, sapagkat sila ang tumupad sa layunin at kalooban ng Diyos na ang tao ay italaga kay Cristo.
Samakatuwid, ang tanging lunas sa kasawiang nararanasan ng tao at sa kapahamakang nakatakda sa sanlibutan ay ang pagpasok at pananatili sa tunay na Iglesia Ni Cristo. Ito ang tiniyak ng Biblia na maliligtas sa Araw ng Paghuhukom.
Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.