AYON SA ESTADISTIKA, halos 7 sa bawat 10 Amerikano na nagpapakilalang Cristiano ang naniniwalang ang kaligtasan at buhay na walang hanggan ay matatamo ng tao anuman ang relihiyong kaniyang kinaaaniban. Ang karamihan sa 2.3 bilyong nagpapakilalang Cristiano sa buong mundo ay may ganito ring paniniwala: na sa pamamagitan lamang ng pagsampalataya kay Cristo at paggawa ng inaakala niyang mabuti, ang tao ay masasakop at makikinabang sa kamatayan ng Panginoon.
Kabilang sa mga nagpapahayag ng pagsang-ayon sa gayong paniniwala ay ang pinuno ng Simbahang Katoliko, si Papa Francisco, na nagsabi kamakailan na kahit ang mga ateo o atheists ay kabilang sa natubos ni Cristo at makararating sa langit kailanma’t gagawa sila ng mabuti.
Ang ganitong malaganap na paniniwala ay mapanlinlang at lihis sa katotohanan. Mapanlinlang, dahil bagama’t masarap sa pandinig at nakaaakit ng maraming tao, may dala-dala itong nakatagong panganib—nag-uudyok ito sa mga tao na masiyahan na sa kaniyang relihiyon at huwag nang hanapin pa ang katotohanan ukol sa kaligtasan. Hidwa, sapagkat sinasalungat nito ang mismong aral ng Tagapagligtas at ng Kaniyang mga apostol tungkol sa pagtubos at kaligtasan.
Subalit hindi ito nangangahulugan na ang pagkakataong maligtas ay hindi para sa lahat. Inilarawan ng Biblia ang marubdob na hangarin ng Panginoong Diyos na ang lahat ng tao ay makinabang sa kamatayan ng Kaniyang Anak:
“Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16)
Akay ng Kaniyang dakilang pag-ibig at habag sa sangkatauhan, pumayag ang Diyos na mamatay sa krus ang Kaniyang bugtong na Anak upang matubos ang tao sa kasalanan. Subalit sino ang maaaring makabahagi sa biyayang dulot ng kamatayan ni Cristo? Niliwanag din ng Biblia: “Ang sinomang sa Kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Mahalaga, kung gayon, ang pagsampalataya at pagtanggap kay Cristo bilang Panginoon. Paano ito mapatutunayan ng tao? Sinabi ng Tagapagligtas:
“At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?” (Lucas 6:46)
Hindi sapat ang anumang salita upang maipakita ang pagsampalataya kay Cristo; kailangang patunayan ito sa pamamagitan ng pagtupad ng Kaniyang sinasabi o pagsunod sa Kaniyang mga utos.
Ano ang isa sa mga utos ni Cristo na dapat masunod muna ng tao upang magtamo ng buhay na walang hanggan? “Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka’t maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok. Sapagka’t makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon” (Mat. 7:13–14).
Tiniyak din ni Cristo kung sino ang pintuang dapat pasukan:
“Ako ang pintuan; ang sinumang taong pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas. …” (Juan 10:9 Revised English Bible)*
Mahalagang bigyang-pansin ang banggit ni Cristo na “sinoman.” Kung gayon, hindi Siya nagtatangi ng tao kung pag-uusapan ay ang binibigyang pagkakataong maligtas—lahat. Ang itinangi ay ang paraan: kailangang pumasok sa loob ng kawan o sa Iglesia Ni Cristo:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation)*
Ang Iglesia Ni Cristo—at wala nang iba—ang tinubos sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Samakatuwid, ang tanging nakinabang sa kamatayan ni Cristo ay ang mga kaanib ng Kaniyang Iglesia. Kaya iniutos Niya sa lahat ng nagnanais maligtas na pumasok dito. Sa labas ng Iglesia ay walang kaligtasan, bagkus ay hatol o walang hanggang kaparusahan sa dagat-dagatang apoy (I Cor. 5:13; Apoc. 21:8).
Ang katotohanang ito na itinuturo ng Biblia tungkol sa katubusan at kaligtasan ay hindi maikukompromiso. Alinmang paniniwala na salungat dito ay laban sa itinuro mismo ng Panginoong Jesucristo na ang sinumang hiwalay sa Kaniya—hindi sangkap o kaanib ng Kaniyang katawan o Iglesia—ay hindi makapagbubunga (Juan 15:4–5) o hindi makagagawa ng bunga ng kabanalan (Filip. 1:11). Anumang mabuting gawa na ginagawa ng iba ay hindi ibinibilang ng Diyos na kabanalan o kabutihan kung sila’y hindi nakaugnay kay Cristo bilang Kaniyang mga sanga o mga kaanib ng Kaniyang Iglesia. Dapat nating sampalatayanan at itaguyod ang katotohanang ito na nakasulat sa Biblia. Sa ganitong paraan natin matatamo ang kapalarang mapabilang sa mga tunay na nakinabang sa kamatayan ni Cristo.
*Isinalin mula sa Ingles