Ang tatlong gawaing pagliligtas
sa panahong Cristiano

Ang gawaing sinimulan ni Kapatid na Felix Manalo ang huling gawain para sa kaligtasan—ang Iglesia Ni Cristo na bumangon sa Pilipinas.

Ni GREG F. NONATO

TINIYAK NI APOSTOL PEDRO na sa panahong Cristiano ay may tatlong pulutong o grupo ng mga tao na pinangakuang tatanggap ng Espiritu Santo: “At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. Sapagka’t sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya” (Gawa 2:38-39, idinagdag ang pagdiriin).

Mahalagang tanggapin ng tao ang Espiritu Santo sapagkat ito ang katibayan ng ikapagiging ligtas sa Araw ng Paghuhukom:

“Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin ang mga pangako ng Diyos para sa atin, hanggang sa makamtan natin ang lubos na kaligtasan. Purihin natin ang kanyang kaluwalhatian!” (Efe. 1:14 Bagong Magandang Balita)

Maliwanag, kung gayon, na may tatlong grupo ng mga tao sa panahong Cristiano ang may pangakong kaligtasan: ang banggit na, “sa inyo,” “sa inyong mga anak,” at “sa lahat ng nangasa malayo.”

Sa anu-anong gawaing pagliligtas sa panahong Cristiano nakabilang ang tatlong pulutong na ito?

Ang unang gawaing pagliligtas

Alin ang unang gawain sa pagliligtas sa panahong Cristiano? Ganito ang pahayag ni Apostol Juan:

“At tumingin ako, at narito, ang Cordero ay nakatayo sa bundok ng Sion, at ang kasama niya’y isang daan at apat na pu’t apat na libong may pangalan niya, at pangalan ng kaniyang Ama, na nasusulat sa kanikaniyang noo.” (Apoc. 14:1)

Sa talatang ito ay may binabanggit na 144,000 na pinangunahan ng Cordero na walang iba kundi ang Panginoong Jesucristo (Juan 1:29). Sinu-sino ang tinutukoy na “kasama” o pinangunahan ni Cristo? Sa Apocalipsis 14:3, sila ang mga “binili” o tinubos ni Cristo ng Kaniyang dugo—ang Iglesia Ni Cristo:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28, Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)

Ano ang isa sa mga katangian ng 144,000 na binabanggit? Sila ay mga “pangunahing bunga” o mga unang kaanib sa Iglesia ni Cristo noong unang siglo:

“Ang mga ito’y ang hindi nangahawa sa mga babae; sapagka’t sila’y mga malilinis. At ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Cordero saan man siya pumaroon. Ang mga ito’y ang binili sa gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Dios at sa Cordero.” (Apoc. 14:4)

Ang mga naging “pangunahing bunga” o mga unang kaanib sa Iglesia ni Cristo noong unang siglo ay kabilang sa 12 angkan ng Israel o lahing Judio (Sant. 1:18, 1).

“Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin ang mga pangako ng Diyos para sa atin, hanggang sa makamtan natin ang lubos na kaligtasan. Purihin natin ang kanyang kaluwalhatian!”

Efeso 1:14

Bagong Magandang Balita


Pinatutunayan ba ng Biblia na ang mga Judiong natawag sa paglilingkod ay sa Iglesia ni Cristo naging kaanib? Ganito ang patotoo ni Apostol Pablo:

“Hindi pa ako kilalang personal sa mga iglesia ni Cristo sa Judea.” (Gal. 1:22 New Pilipino Version)

Samakatuwid, ang unang gawaing pagliligtas sa panahong Cristiano ay ang Iglesia ni Cristo na itinatag ng Panginoong Jesucristo noong unang siglo. Kinabibilangan ito ng mga Judio na umanib sa Iglesia na kung tawagin ay mga “pangunahing bunga.”

Ang ikalawang gawaing pagliligtas

Kasunod ng unang mga natawag sa panahong Cristiano, ipinakilala ni Apostol Juan ang pangalawang grupo at kung paano sila natawag sa Iglesia. Ganito ang kaniyang pahayag:

“At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa’t bansa at angkan at wika at bayan.” (Apoc. 14:6)

Nakita ni Apostol Juan sa pangitain ang isang anghel o sugo (Lucas 1:19). Binanggit sa kasunod na talata ang pangunahing aral ng anghel o sugong hinuhulaan:

“At sinasabi niya ng malakas na tinig, Matakot kayo sa Dios, at magbigay kaluwalhatian sa kaniya; sapagka’t dumating ang panahon ng kaniyang paghatol: at magsisamba kayo sa gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.” (Apoc. 14:7)

Ang naging katuparan ng anghel na hinuhulaan ay si Apostol Pablo na nangaral ukol sa pagbibigay-luwalhati sa Diyos (Gawa 14:14-15) at ukol sa Paghuhukom (Gawa 17:22, 27-31). Siya ang naging “ministro ni Cristo Jesus sa mga Gentil” (Roma 15:16). Ang mga Gentil na naging bunga ng pangangaral ni Apostol Pablo ay naging kaanib din sa Iglesia ni Cristo (Roma 16:4, 16 npv).

Samakatuwid, ang ikalawang gawaing pagliligtas sa panahong Cristiano ay yaong pinangunahan ni Apostol Pablo sa dako ng mga Gentil. Kaya, ang mga Judio at mga Gentil na natawag (Roma 9:24) sa panahon ni Cristo at ng mga apostol ang siyang bumuo sa Iglesia ni Cristo noong unang siglo. Sila ang unang dalawang pulutong o grupo ng mga tao na may pangakong kaligtasan—ang binanggit ni Apostol Pedro na “sa inyo” at “sa inyong mga anak.”

Sino naman ang pangatlong grupo—ang mga “nangasa malayo”—at sa anong gawaing pagliligtas sila kabilang?

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.”

Gawa 20:28

Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles

Ang ikatlong gawaing pagliligtas

Paano matatawag ang pangatlong grupo ng mga taong may pangakong kaligtasan sa panahong Cristiano? Sa pamamagitan ng pangangaral ng anghel na binabanggit sa Apocalipsis 14:9:

“At ang ibang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na nagsasabi ng malakas na tinig, Kung ang sinoman ay sumasamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo, o sa kaniyang kamay.”

Ang anghel o sugo na binabanggit sa unahan ay siya ring anghel na may taglay ng tatak ng Diyos na binabanggit sa Apocalipsis 7:2-3. Pinatutunayan ito maging ng mga iskolar ng Biblia: “The angel with the seal of the living God is therefore the same as the angel of Revelation 14” (Daniel and the Revelation, p. 423).

Ang pangangaral ng anghel na binabanggit sa Apocalipsis 14:9 ay siyang huling gawaing pagliligtas sa panahong Cristiano. Ito ang huling gawaing pagliligtas sapagkat kasunod na nito ang araw ng paggapas o katapusan ng sanlibutan:

“At nakita ko, at narito, ang isang alapaap na maputi; at nakita ko na nakaupo sa alapaap ang isang katulad ng isang anak ng tao, na sa kaniyang ulo’y may isang putong na ginto, at sa kaniyang kamay ay may isang panggapas na matalas. At lumabas ang ibang anghel sa templo, na sumisigaw ng malakas na tinig doon sa nakaupo sa alapaap, Ihulog mo ang iyong panggapas, at gumapas ka; sapagka’t dumating ang oras ng paggapas, sapagka’t ang aanihin sa lupa ay hinog na.” (Apoc. 14:14-15)

Ang araw ng paggapas o pag-aani ay ang katapusan ng sanglibutan (Mat. 13:39).

Sino ang kinatuparan ng hinuhulaang pangatlong anghel o sugo na ang gawain ay sa panahong “mga wakas ng lupa” o sa panahong malapit na ang kawakasan? Walang iba kundi ang Kapatid na Felix Y. Manalo na pinatutunayan ng mga hula na “lingkod” ng Diyos na Kaniyang “hinawakan mula sa mga wakas ng lupa” (Isa. 41:9-10) at magmumula sa malayong lupain sa silanganan o sa Malayong Silangan o Pilipinas (Isa. 46:11; 43:5, Moffatt Translation, isinalin mula sa Ingles).

Pinatutunayan sa pamamagitan ng liwanag ng Banal na Kasulatan na ang tinutukoy na gawain ng anghel na hinuhulaan sa Apocalipsis 7:2-3 ay gawaing pangangaral ni Kapatid na Felix Manalo.

Kung gayon, ang gawaing sinimulan ni Kapatid na Felix Manalo ay siyang kahuli-hulihang gawain para sa kaligtasan alalaong baga’y ang Iglesia Ni Cristo na bumangon sa Pilipinas. Kaya, mapapalad ang mga mapapabilang sa Iglesia Ni Cristo sapagkat kasama sila sa mga may pangakong Espiritu Santo at may kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom.


Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.