MALOLOS, Bulacan at MUNTINLUPA, Metro Manila — “Marami talagang nangangailangan ng dugo ngunit yung stocks natin ay medyo mababa.” Ito ang pahayag ni Dr. Carl Dustin Cruz, isang blood bank physician sa Jose B. Lingad (JBL) Memorial Hospital. Paliwanag pa niya, pito sa sampung pasyente ang nangangailangan ng dugo.
Kaya naman, sa hangaring makatulong na matugunan ang suliraning ito ay naglunsad ang Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo ng mga blood donation activity sa iba’t ibang dako, noong Mayo 18, 2024.
Katuwang ang Philippine Children’s Medical Center at Jose B. Lingad Memorial Hospital, maraming blood bags ang nakolekta sa blood donation sa Alabang, Muntinlupa at Malolos, Bulacan.
Ayon kay Paula David, isang medical technologist at donor recruitment officer, 100 hanggang 150 bags ng dugo kada araw ang dapat makuha ng JBL Memorial Hospital para matugunan ang pangangailangan dito.
Ang blood supply shortage ay nakasaad din sa House Bill 3348 ng Kongreso na inihain noong Agosto 2022, na sinasabing 1 million blood units kada taon ang kailangan ng bansa para sa mga pasyente tulad ng biktima ng mga aksidente, kalamidad, at malulubhang sakit.
“Ang blood donation po ng Iglesia Ni Cristo, ay hindi lang ang nakikinabang ay mga kaanib sa Iglesia, kundi ang mga hindi kaanib sa Iglesia,” pahayag ni Gulliver Ilan, isang ministro ng INC.
Dagdag pa niya, ang mga nakokolektang dugo sa ganitong aktibidad ay dinadala sa blood bank ng mga ospital sa iba’t ibang probinsya.
Ang mga nag-donate ay sumailalim sa masusing screening process, mula registration hanggang medical evaluation.
Naisagawa nang maayos at matagumpay ang nasabing aktibidad sa pagsubaybay ng Social Services Office (SSO), isang tanggapan ng INC, at sa tulong ng Christian Medical Dental and Paramedical Society (CMDPS), grupo ng mga medical practitioner na kaanib sa INC.
Bilang pagsunod sa utos ng Diyos na tumulong sa nangangailangan, ang Pamamahala ng INC ay naglulunsad ng mga aktibidad na makatutulong sa kapwa sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Mayroong mga aktibong kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa mahigit na 165 mga bansa at teritoryo.
For more about the Church and its activities, please visit www.iglesianicristo.net or https://incmedia.org/press-room/