Dalawang lahi

Iisa lamang ang Diyos na lumalang sa lahat. Ngunit, bakit may mga taong hindi Niya itinuturing na Kaniyang lahi o anak?

Ni NICANOR P. TIOSEN

“LAHAT NG TAO, anoman ang kanilang lahi, ay nilalang ng Diyos. Kaya lahat tayo ay sa Diyos!” Ito ang karaniwang paniniwala ng marami. Ang hindi alam ng marami, mayroon ding lahi ng diablo!

Lahing sa Diyos

Sa sulat ni Apostol Pedro, sinabi niyang:

“Datapuwa’t kayo’y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan.” (I Ped. 2:9)

Tiniyak ng apostol na mayroong isang lahing hirang, na siya ring bayang pag-aaring sarili ng Diyos.

Sa sulat naman ni Apostol Pablo ay ipinahayag niya ang ganito:

“Samakatwid, hindi na kayo dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kababayan ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan.” (Efe. 2:19 Magandang Balita Biblia)

Kung pare-parehong sa Diyos ang lahat ng tao, hindi na sana sinabi ng mga apostol na may lahing hirang, bayang pag-aaring sarili ng Diyos, at sambahayan ng Diyos.

Lahing sa diablo

Ang ating Panginoong Jesucristo ay mayroon namang binabanggit na mga “lahi ng mga ulupong”:

“Kayong mga ahas, kayong mga lahi ng mga ulupong, paanong mangakawawala kayo sa kahatulan sa impierno?” (Mat. 23:33)

Ang ahas na tinutukoy ay ang diablo o si satanas (Apoc. 12:9). Mariin ding sinabi ng Panginoong Jesucristo na:

“Kayo’y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka’t walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka’t siya’y isang sinungaling, at ama nito.” (Juan 8:44)

Kaya, may lahi o anak ng diablo. Natitiyak natin na sila’y hindi mga anak ng Diyos!

Iisa lamang ang Diyos na lumalang o lumikha sa lahat. Ngunit, bakit may mga taong bagama’t nilalang ng Diyos ay naging lahi o anak ng diablo? Ganito ang sagot ni Apostol Pablo:

“Ngunit nag-aalaala akong baka malason ang inyong isipan at mailayo kayo sa tapat at dalisay na pananalig kay Cristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas.” (II Cor. 11:3 mb)

Kaya nagkaroon ng lahi o anak ng diablo ay sapagkat nalinlang sila ng ahas o ni satanas, “ang dumadaya sa buong sanglibutan” (Apoc. 12:9).

“Datapuwa’t kayo’y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios. ...”

I Pedro 2:9

 

Ipinaliwanag ni Apostol Pablo kung paano nagagawang linlangin ng diablo ang tao:

“Lilitaw ang Suwail na taglay ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng himala at nakalilinlang na tanda at kababalaghan. At gagamit siya ng lahat ng uri ng pandaraya sa mga mapapahamak—mga taong maliligtas sana kung kanilang tinanggap at inibig ang katotohanan. Sapagkat hindi nila tinanggap ang katotohanan, ipinaubaya ng Diyos na sila’y malinlang ng espiritu ng kamalian at papaniwalain sa kasinungalingan.” (II Tes. 2:9–11 mb)

Kaya dapat mag-ingat ang tao. Kapag binulag na ni Satanas ang isipan ng tao, kahit ang maliwanag na isinasaad ng ebanghelyo ay hindi na niya makikita (II Cor. 4:4). Sa halip, kasinungalingan na ang paniniwalaan niya. Ang ganito ay mapapahamak—sabi ni Cristo’y hindi sila “mangakawawala … sa kahatulan sa impiyerno.”

Pagbabagong-lahi

Palibhasa ang Diyos ay pag-ibig, isinugo Niya ang Kaniyang Anak upang magkaroon ng pagkakataon na maligtas kahit ang mga nalinlang ng diablo:

“At sinabi ni Jesus sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayong nagsisunod sa akin, sa pagbabagong lahi pagka uupo na ang Anak ng tao sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian, kayo nama’y magsisiupo sa labingdalawang luklukan, upang magsihukom sa labingdalawang angkan ng Israel.” (Mat. 19:28)

Kailangang sumunod sa pagbabagong-lahi. Kailangang sumunod sa ating Panginoong Jesucristo. Ito ang pag-asang ibinibigay ng Diyos.

Kapag naalis na sa pagiging lahi ni Satanas, magiging anak na ng Diyos. Ito ang tiniyak ni Apostol Pablo:

“Sapagka’t kayong lahat ay mga anak ng Dios, sa pamamagitan ng pananampalataya, kay Cristo Jesus. Sapagka’t ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo. Walang magiging Judio o Griego man, walang magiging alipin o malaya man, walang magiging lalake o babae man; sapagka’t kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.” (Gal. 3:26–28)

Magiging anak ng Diyos ang tao kung sila ay magiging iisa kay Cristo.

“Sapagka’t kayong lahat ay mga anak ng Dios, sa pamamagitan ng pananampalataya, kay Cristo Jesus.”

Galacia 3:26


Si Apostol Pablo rin ang nagpaliwanag kung sino ang iisa kay Cristo. Sa sulat sa mga taga-Roma ay sinabi niyang:

“Sapagka’t kung paanong sa isang katawan ay mayroong tayong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain: Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa’t isa.” (Roma 12:4–5)

“At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga’y ng Iglesia. …” (Col. 1:18)

Kung gayon, kailangang maging iisang katawan kay Cristo o magsama-samang sangkap sa Iglesia Niya upang maging iisa kay Cristo at maging mga anak ng Diyos.

Ang mga hinirang ng Diyos

Tiniyak ng ating Panginoong Jesucristo na mayroon Siyang itinayong Iglesia, at iyon ang Kaniya:

“At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.” (Mat. 16:18)

Ang Iglesiang kay Cristo ay ang sinabi Niyang “aking iglesia.” Tinawag ito ng mga apostol na Iglesia Ni Cristo:

“Magbatian kayo ng banal na halik. Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo.” (Roma 16:16 New Pilipino Version)

Ano ang halaga ng maging Iglesia Ni Cristo? Saan sila kabilang? Ganito ang sagot ni Apostol Pablo:

“Samakatwid, hindi na kayo dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kababayan ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. Kayo’y itinayo rin sa saligan ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus. At sa pamamagitan niya, nagkakaugnay-ugnay ang bawat bahagi ng gusali at nagiging isang templong banal. Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo ma’y kasama nilang naging bahagi ng tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.” (Efe. 2:19–22 mb)

 


Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.