Huwag umayon sa takbo ng mundo

Ang isang gawang liko at masama ay mamamalaging mali, kahit pa marami ang gumagawa nito. Hindi dapat makiisa o sumang-ayon sa karamihan kung ang kanilang ginagawa ay masama at di-makatarungan.

Ni DENNIS C. LOVENDINO

KARANIWAN NA SA MGA TAO, lalo na sa panig ng mga kabataan, ang may hinahangaan o iniidolo—mga sikat na artista sa pinilakang tabing, mga mahuhusay na atleta, mga lider ng bansa, at mga taong nagtagumpay sa kani-kaniyang larangan—na kung tagurian sa panahon natin ngayon ay icon o idolo. Kadalasan, ang paghanga ay nauuwi sa paggaya sa gawi, prinsipyo, at maging sa lifestyle ng iniidolo. Ang hinahangaan ang kalimitang nagsisilbing role model at nakaiimpluwensiya nang malaki sa ugali, karakter, at kaisipan ng humahanga.

Ang mabuting tularan

Likas sa tao ang humanga at gumaya sa iba, subalit nangangahulugan ba ito na kahit sino at kahit ano ay marapat nang tularan? Sino at alin ang hindi dapat tularan, ayon sa Biblia? Sa III Juan 1:11 ay ganito ang pahayag:

“Mahal kong kaibigan, huwag mong tularan ang masamang halimbawa kundi ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay anak ng Diyos; ang gumagawa ng masama ay hindi nakakita sa Diyos.” (Magandang Balita Biblia)

Maliwanag na itinuturo ng Biblia na hindi kahit sino at hindi kahit ano ay marapat tularan ng mga tunay na Cristiano. Ano muna ang dapat tiyakin bago gayahin ang ibang tao o ang kanilang gawain? Na ang tinutularan ay mabuti.

Ang sukatan ng mabuti

Subalit paano natin malalaman kung ano ang mabuting tutularan gayong iba’t iba ang pananaw at pakahulugan ng mga tao sa kung ano ang mabuti. Upang hindi tayo magkamali sa pagtukoy kung ano ang mabuti ay pinakamabuting sangguniin natin ang Biblia: “Kaya nga ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti” (Roma 7:12).

Kahit pa minamabuti at tinatanggap ng marami ang isang bagay o isang gawain, kung taliwas o labag naman ito sa utos o salita ng Diyos, dapat ituring na masama at hindi marapat na tularan.

“Mahal kong kaibigan, huwag mong tularan ang masamang halimbawa kundi ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay anak ng Diyos; ang gumagawa ng masama ay hindi nakakita sa Diyos.”

III Juan 1:11

Magandang Balita Biblia

Dapat bang sumunod sa agos?

Maaaring sabihin ng iba na sumusunod lamang sila “sa agos”—umaayon at “nakikibagay” sa ginagawa ng nakararami. Dahil ba sa ang isang gawa ay tinatanggap at ibinubuhay ng nakararami ay makatuwiran na o mabuti nang ito ay sundin? Narito ang sagot ng Biblia: “Huwag kayong makikiisa sa karamihan, sa paggawa ng masama o sa paghadlang sa katarungan” (Exo. 23:2 MB).

Ang isang gawang liko at masama ay mamamalaging mali, kahit pa marami ang gumagawa nito. Ang sabi ng Biblia, hindi tayo dapat makiisa o sumang-ayon sa karamihan kung ang kanilang ginagawa ay masama at di-makatarungan. Ganito rin ang ipinaalala ni Apostol Pablo sa mga Cristianong taga-Roma:

“Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba na kayo at magbago ng isip upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos—kung ano ang mabuti, nakalulugod sa kanya, at talagang ganap.” (Roma 12:2 MB)

Ang ikinaiinggit sa masama

Bakit kaya may mga naiinggit sa gumagawa ng masama at natutukso pang gayahin ito kahit alam nilang labag sa kalooban ng Diyos ang kanilang ginagawa? Ganito ang patotoo ng isang lingkod ng Diyos na nakasulat sa Biblia:

“Pagkat sa palalo’y inggit akong kusa, At sa biglang yaman ng mga masama. Hindi na nagdanas ni kaunting hirap, Ngunit masisigla’t katawa’y malakas. … Kaya sumusunod pati lingkod ng Diyos, Anumang sabihi’y paniwalang lubos.” (Awit 73:3-4, 10 MB)

Ang nakikita ng iba ay ang biglang pagyaman o pagtatagumpay ng masama, kaya nahihikayat silang gayahin ang kanilang likong gawa. Subalit ano ang ipinauunawa sa atin ng Panginoong Diyos na sasapitin ng masama, kaya hindi sila dapat kainggitan o tularan?

“Kaya’t sinikap kong ito’y saliksikin, Mahirap-hirap mang ito’y unawain; Gayunman, sa templo’y doon ko natuklas, Na ang masasama ay mapapahamak; Dinala mo sila sa dakong madulas, Upang malubos na, kanilang pagbagsak; Walang abug-abog sila ay nawasak, Kakila-kilabot yaong naging wakas!” (Awit 73:16-19 MB)

Tiniyak ng Biblia ang kahahantungan ng taong masama. Kaya, bakit sila kaiinggitan, samantalang sa bandang huli’y mapapahamak sila at kakila-kilabot pa ang kanilang magiging wakas? Walang iniwan ito sa isang bilanggo na nasa death row o sentensiyado nang mamatay. Kaiinggitan ba natin ang gayon dahil sa ibinibigay sa kaniya ang lahat ng gusto niyang pagkain bago siya bitayin?

“Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba na kayo at magbago ng isip upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos—kung ano ang mabuti, nakalulugod sa kanya, at talagang ganap.”

Roma 12:2

Magandang Balita Biblia

Ang ‘peer pressure’ at ‘need for acceptance’

Ang mga kabataan, dulot na rin ng tinatawag na peer pressure at ang matinding hangarin na makibagay at maging katanggap-tanggap sa iba (need for acceptance o approval), ang kadalasa’y nahuhulog sa panggagaya, kahit na ito ay mali. Kaya, maraming kabataan ngayon ang kumikilos o nagdaramit nang kakatuwa, gaya ng mga lalake na nagpapahaba ng buhok, mga babaeng nagpapakalbo at nagdaramit gaya ng lalake, at mga kauri nito.

Hindi lamang ang pananamit at anyo ng mga kabataan ang naiimpluwensiyahan ng masamang kapaligiran, kundi maging ang kanilang isipan at pananaw sa buhay. Kung dati ay maituturing na taboo o isang bagay na di-katanggap-tanggap ang pagsasama ng lalake at babae sa ilalim ng iisang bubong bilang mag-asawa kahit hindi sila kasal (o ang tinatawag na live-in), ngayon ay maraming kabataan ang nahulog na sa ganitong kasuklam-suklam na gawa (Heb. 13:4).

Ang pre-marital sex o pakikiapid ay palasak na at pangkaraniwan anupa’t sa ibang bansa, gaya sa Estados Unidos, ang mga kabataan ay pinapayuhan na lamang ukol sa ‘safe sex’ o paggamit ng contraceptive methods. Ang same-sex marriage, ang paglalasing, ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot, diborsiyo, at iba pang katulad nito ay mga gawaing karumaldumal sa paningin ng Diyos (Gal. 5:19-21; Mal. 2:16 New Pilipino Version). Ang nakalulungkot, dahil nasusumpungan ito sa isang iniidolo o hinahangaan ng mga kabataan, nahuhulog ang iba sa paggaya o pagtulad sa masasamang halimbawang ito.

Ang marapat gawing huwaran

Sa halip na magpaimpluwensiya sa masamang kapaligiran, sino ang isang mabuting modelo na dapat tularan ng mga kabataang Cristiano? Ganito ang pahayag ni Apostol Juan:

“Sinulatan ko kayo, mga anak, sapagkat nakikilala ninyo ang Ama. … Sinulatan ko kayo, mga kabataan, sapagkat malalakas kayo; nananatili sa inyo ang salita ng Diyos, at tinalo ninyo siya, ang Masama.” (I Juan 2:14 MB)

Gayon ang uri ng mga kabataang tunay na maipagmamalaki kung kaya’t may himig ng kagalakan si Apostol Juan nang sulatan niya ang mga kabataang Cristiano noong panahon niya: ang mga kabataan noon ay malalakas at tinalo nila ang “masama.” Paano sila naging malakas at naging matagumpay laban sa diablo? Nagawa nila iyon sa pamamagitan ng pananatili nila sa pagsunod sa mga salita ng Diyos.

“Sinulatan ko kayo, mga anak, sapagkat nakikilala ninyo ang Ama. … Sinulatan ko kayo, mga kabataan, sapagkat malalakas kayo; nananatili sa inyo ang salita ng Diyos, at tinalo ninyo siya, ang Masama.”

I Juan 2:14

Magandang Balita Biblia

Alalahanin ang Lumikha

Kaya, sa halip na sayangin ng mga kabataan ang kanilang panahon, lakas at kasiglahan sa mga bagay na walang anumang kabuluhan at ikapapahamak pa nila, sa ano nila dapat iukol ang kanilang sarili? Ganito ang payo ng Biblia:

“Alalahanin mo ang lumikha sa iyo sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng mabuhay.” (Ecles. 12:1 MB)

Paano naman ang paggunita o pagkilala sa Diyos na lumalang sa atin? Ganito ang pahayag ni Apostol Juan: “Nakatitiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos” (I Juan 2:3 MB).

Ang sakdal na huwaran

Kanino dapat ituon ng mga lingkod ng Diyos ang kanilang isipan, na siya ring sakdal na halimbawa ng pagiging masunurin sa Kaniya? Itinuro ng mga apostol, na:

“Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang pinagmulan ng ating pananampalataya, at siya ring nagpapasakdal nito. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo’y nakaluklok sa kanan ng trono ng Diyos. Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang paglaban ng mga makasalanan upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob.” (Heb. 12:2-3 MB)

Ang Panginoong Jesucristo ang marapat gawing modelo o uliran ng lahat ng mga Cristiano. Hindi Niya ikinahiya na Siya’y hinamak, ininsulto, inusig at namatay sa krus; ang mahalaga sa Kaniya ay ang pagsunod sa kalooban ng Kaniyang Amang nasa langit. Hindi Niya itinuring na isang kalugihan ang maging masunurin, sukdulang itanggi Niya ang Kaniyang sariling kapakanan; kaya Siya naman ngayon ay nasa langit na nakaupo sa kanan ng Diyos (Col. 3:1 MB).

Ang kapalaran ng matuwid

Ano ngayon ang payo sa atin ng Panginoong Diyos? “Huwag kang maiinggit sa mga gumagawa ng masama ni tutulad sa kanilang mga gawa. Ang masama ay walang kinabukasan, walang inaasahan sa hinaharap” (Kaw. 24:19- 20 mb).

Sa kabilang dako, ano naman ang tinitiyak ng Biblia na magiging kapalaran ng matuwid? “Tandaan mo ang sakdal na tao, at masdan mo ang matuwid: Sapagka’t may isang maligayang wakas sa taong may kapayapaan” (Awit 37:37).

Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.