LEMERY, Iloilo — Nagsagawa muli ng Lingap sa Mamamayan (Care for Humanity) ang Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ) sa Iloilo, nitong Mayo 17, 2024, sa Lemery at Sara naman upang tulungan ang mga naapektuhan ng El Niño.
Matatandaan na nakapag-abot ng lingap sa mga mamamayan sa lalawigan nuong lamang Mayo 10. Ipinamahagi sa mahigit 2,000 mga residente ng municipalidad ng Janiuay ang mga care packages mula sa INC.
Ang muling pagbibigay ng tulong ng INC ay isinagawa dalawang araw matapos magdeklara ng “state of calamity” ang provincial government ng Iloilo.
Namahagi ang mga INC volunteers ng karagdagang 1,000 mga care packages at mga galon ng drinking water sa mga pamilya at residente. Naunang namahagi sa covered court ng Barangay Marapal, Lemery ng alas-10 ng umaga, at pagkatapos ay sa Multi-purpose center ng Barangay Alibayog sa bayan ng Sara ng bandang alas-2 ng hapon.
Kabilang sa mga natulungan ay mga magsasaka na ang lupang sakahan ay labis na napinsala ng tagtuyot; dahil sa kawalan ng irigasyon at ulan, apektado ang kanilang hanapbuhay.
Ilan sa nakatanggap ng tulong sa municipalidad ng Sara ay sina Ramy Cordero, taga-Barangay del Castillo, at Jovy Pradas, taga Barangay Ardemil, at kapwa nagpasalamat sa Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo na si Kapatid na Eduardo V. Manalo, at sa kabuuan ng INC dahil sa ipinadalang lingap sa kanila. Sinabi nilang “malaking tulong” ito para sa kanila lalo na sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.
Sa datos ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), nasa 3,530 na pamilyang mga magsasaka, na katumbas ng 14,120 na mga indibidwal, ang direktang naapektuhan ng El Niño sa mga lugar na ito.
“Malaking bagay iyan na makakuha ng tulong ang mga kababayan namin mula sa Iglesia Ni Cristo. Malaki ang pasasalamat natin sa kanila. Malaking tulong yan sa mga apektadong magsasaka,” ayon kay Edwin Aguenido, pinuno ng MDRRMO sa bayan ng Sara, ukol sa ginawang Lingap sa Mamamayan ng INC.
Pamalagiang nagsasagawa ng mga aktibidad sa hangaring makatulong sa kapwa, maging sa kani-kanilang komunidad, ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo.
May mga aktibong kaanib ng INC sa mahigit 160 na mga bansa at teritoryo.
For more about the Church and its activities, please visit www.iglesianicristo.net or https://incmedia.org/press-room/