IPINAKIKILALA NG BIBLIA ang dalawang magkaibang uri ng tao at ang magkaiba rin nilang hantungan. Ang isang uri ay ang matuwid at ang isa pa ay ang masama:
“Siyang matuwid sa kanyang lakad ay natatakot sa PANGINOON, ngunit siyang baluktot ang mga daan ay nagtatakwil sa Kanya.” (Kaw. 14:2 New Pilipino Version)
“Ang taong nasa matuwid ay makasusumpong ng buhay, Ngunit ang landas ng masama ay tungo sa kamatayan.” (Kaw. 11:19 Magandang Balita Biblia)
Ang namumuhay nang baluktot o masama ay patungo sa kamatayan o kapahamakan, samantalang ang taong namumuhay nang matuwid ay makasusumpong ng buhay.
Ayaw nating mapahamak, manapa’y hangad natin na magtamo ng kaligtasan at buhay na walang hanggan sa Araw ng Paghuhukom. Kaya, itaguyod natin ang matuwid na pamumuhay kahit patuloy pang lumulubha at lumalaganap ang kasamaan sa mundo. Paano natin ito magagawa?
Alalahanin natin na, “Nakatingin ang PANGINOON sa lahat ng dako, lagi siyang nakabantay sa masasama at mabubuting tao” (Kaw. 15:3 NPV). Kaya, patuloy nating isagawa ang itinuturo ng Biblia na mamuhay ayon sa mga aral ng Diyos.