ANG MAGING KAANIB sa Iglesia Ni Cristo ay isang napakadakilang biyayang mula sa Panginoong Diyos. Sa Iglesia matatamo ng tao ang karapatan sa tunay na paglilingkod sa Diyos at, higit sa lahat, ang pag-asa sa buhay na walang hanggan pagdating ng Araw ng Paghuhukom.
Subalit, nauunawaan ng mga kaanib na ang pag-anib sa tunay na Iglesia ay isa lamang sa mga hakbang sa ikapagtatamo ng pangakong iyon ng Diyos. Batid nilang may katangiang dapat nilang pagsikapang taglayin at panatilihan, sapagkat hinahanap iyon ng Diyos sa bawat kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa paglilingkod nila sa Kaniya. Sa gayon, maging sa buhay pa lamang na ito ay tamasahin na nila ang Kaniyang dakilang pag-ibig.
Ano ang dapat maunawaan ng mga umanib sa Iglesia? Anong uring paglilingkod ang dapat nilang iukol sa Diyos?
Itinuturo ng mga Banal na Kasulatan na:
“At ikaw, Solomon aking anak, tanggapin mo [kilalanin; alamin] ang Diyos ng iyong ama. Paglingkuran mo siya nang lubos at nananabik [na kalakip ang iyong buong puso at nakahanda ang isipan/diwa], sapagkat nalalaman ng Panginoon ang nasa isipan ng bawat isa [nasasaliksik ang bawat puso]. Nauunawaan niya ang lahat ng bagay na iyong iniisip [bawat hangarin/motibo at pag-iisip]. Kung lalapit ka sa kaniya upang humingi ng tulong [hanapin siya], makatatanggap ka ng kasagutan [masusumpungan mo siya; o hahayaan niyang masumpungan mo siya]. Subalit kung talikuran mo [abandonahin; pabayaan] siya, lilisanin ka niya [itatakuwil] magpakailanman.” (I Cron. 28:9 Expanded Bible, isinalin mula sa Ingles)
Tulad ng inasahan ng Diyos sa Kaniyang unang bayan noon, ang bayang Israel, sa panahon ng pangunguna ni Haring Solomon, inaasahan din Niya sa Kaniyang mga anak sa mga huling araw na ito na paglilingkuran nila Siya nang lubos at may pananabik, kalakip ang kanilang buong puso at nakahanda ang isipan at diwa. Hindi ito maaaring ipagkunwari ng sinuman sapagkat nalalaman ng Panginoon ang nasa isipan ng bawat isa—nasasaliksik Niya ang bawat puso.
Ito ang tinitiyak ng mga kaanib ng Iglesia sa kanilang sarili: na nagagawa nila ang marapat at buong pusong paglilingkod na inaasahan sa kanila ng Diyos.
Mahalaga para sa kanila na matiyak na malinis ang kanilang hangarin sa paglilingkod sa Diyos. Pinagbubuti nila ito hindi para lamang hangaan sila ng ibang tao o kaya’y dahil lamang sa mga bagay na panlupa sapagkat kung maitago man nila sa iba ang tunay nilang layunin sa paglilingkod, sa Diyos ay hindi. Nalalaman Niya ang “bawat hangarin/motibo at pag-iisip” ng tao.
Ang layunin ng tunay na lingkod ng Diyos ay makalugod at makaluwalhati sa Kaniya. Kaya makasagupa man ang kaanib ng Iglesia Ni Cristo ng mabibigat na suliranin habang sinisikap niyang itaguyod ang katanggap-tanggap na paglilingkod sa Diyos, hindi siya pumapayag na mabawasan ang kaniyang kasiglahan sa buong-pusong pagganap ng pananagutan niyang ito.
Yayamang sila’y sa Diyos, sila ang mga tunay na lingkod Niyang hinirang, sa Panginoong Diyos sila lumalapit upang humingi ng tulong at makaaasa silang “masusumpungan” nila Siya at “makatatanggap ng kasagutan” sa kanilang mga problema. Sa gayon, matutugunan nila ang inaasahan ng Diyos na iukol nila ang buong pusong paglilingkod sa Kaniya hanggang sa wakas upang tanggapin ang Kaniyang pagliligtas.