Kilalanin ang tunay na Diyos
at paglingkuran Siya

Kilalanin ang tunay na Diyos at paglingkuran Siya

Sino ang Diyos na dapat nating makilala?

Sinulat ni SIEGFRED T. GOLLAYAN

HALOS LAHAT NG relihiyon ay may dinidiyos, sapagkat ang pakay ng relihiyon ay ang paglilingkod at pagsamba sa Diyos. Gayunman, dapat munang tiyakin ng mga nagnanais na maglingkod at sumamba kung tunay na Diyos ba ang kanilang paglilingkuran at sasambahin upang huwag mawalan ng kabuluhan ang kanilang pagpapagal.

Ang Iglesia Ni Cristo ay sumasampalataya na iisa lamang ang tunay na Diyos. Siya ang Diyos na ipinakilala ng mga propeta, ng Panginoong Jesucristo, at kinilala at sinamba ng mga apostol at ng mga hinirang Niya mula pa nang una. Siya rin ang tunay na Diyos na dapat kilalanin at paglingkuran ng mga tao sa kasalukuyan.

Iisa lang ang tunay na Diyos

Ayon sa mga propeta, sino ang Diyos na dapat nating makilala? Ang dapat kilalanin ng mga tao na iisang Diyos ay walang iba kundi ang Ama na lumalang sa atin:

“Hindi ba iisa ang Ama nating lahat? Hindi ba’t iisa ang Dios na lumalang sa ating lahat? …” (Mal. 2:10 New Pilipino Version)

Wala nang iba pang Diyos maliban sa Ama. Ito rin ang pinatunayan mismo ng ating Panginoong Jesucristo:

“Pagkasabi ni Jesus nito, tumingala Siya sa langit at nagsabi, ‘Ama, dumating na ang oras. Luwalhatiin Mo ang Iyong Anak, upang luwalhatiin Ka rin ng Iyong Anak’ … At ito ang buhay na walang hanggan—ang makilala Ka nila, Ikaw na kaisa-isang tunay na Dios, at si Jesu-Cristong sinugo Mo.” (Juan 17:1, 3 Salita ng Buhay)

Pansinin natin na ang Panginoong Jesucristo ang nagsasalita rito at ang kausap Niya ay ang Ama. Hindi ipinakilala ni Cristo ang Kaniyang sarili bilang tunay na Diyos. Hindi Niya sinabi na, “Ako ang makilala nila na Diyos.” Hindi rin Niya sinabi na “tayong dalawa” o kaya’y “tayong tatlo ng Espiritu Santo.” Ayon kay Cristo, ang kaisa-isang tunay na Diyos ay ang Ama na nasa langit. Samakatuwid, nagkakamali ang mga nag-aakala na si Cristo ang tunay na Diyos. Nagkakamali rin ang mga naniniwala sa Trinidad o sa doktrinang ang iisang Diyos ay may tatlong persona. Hidwang pananampalataya ang mga ito.

“Hindi ba iisa ang Ama nating lahat? Hindi ba’t iisa ang Dios na lumalang sa ating lahat? …”

Malakias 2:10

New Pilipino Version

Gaano kahalaga ang pagkilala sa nag-iisang tunay na Diyos? “Ito ang buhay na walang hanggan,” ang sabi ni Cristo. Maging ang mga apostol ay nanindigan sa katotohanang ito. Binigyang-diin ni Apostol Pablo:

“Ngunit sa ganang atin ay may isang Diyos, ang Ama, na sa kanya nagmula ang lahat ng mga bagay, at tayo’y para sa kanya, at may isang Panginoon, si Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo ay sa pamamagitan niya.” (I Cor. 8:6 Ang Bagong Ang Biblia)

Kaya kung ang paniniwala ng isang tao tungkol sa tunay na Diyos ay iba sa itinuro ng mga propeta, ng mga apostol, at ng ating Panginoong Jesucristo, ang taong iyon ay hindi talaga kumikilala at sumasamba sa tunay na Diyos. Walang kabuluhan ang pagsamba ng ganito at hindi siya magtatamo ng buhay na walang hanggan.

Kilalanin at paglingkuran ang ‘tunay’

Hindi dapat ipagkamali ninuman na sapat nang makilala na ang Ama ang iisang tunay na Diyos. Likas na pananagutan ng bawat tao ang maglingkod at kumilala sa Lumalang sa kaniya:

“Maglingkod kayo sa Panginoon na may kagalakan; magsilapit kayo sa kanyang harapan na may awitan. Kilalanin ninyo na ang Panginoon ay Diyos! Siya ang lumalang sa atin, at tayo’y kanya; tayo’y kanyang bayan, at mga tupa ng kanyang pastulan.” (Awit 100:2-3 ABAB)

Utos ng Diyos na Siya ay ating paglingkuran. Kawalan ng utang na loob sa Manlalalang ang hindi pagkilala at paglilingkod sa Kaniya, lalo pa nga’t pinatutunayan ng Biblia na “Nasa kamay niya ang buhay ng bawat bagay na may buhay, at ang hininga ng lahat ng mga tao” (Job 12:10 ABAB), Siya ang “nagbibigay ng pagkain sa bawat nilalang. Ang kanyang pag-ibig ay nananatili magpakailanman” (Awit 136:25 NPV).

Hindi malaya ang tao na gawin ang sarili niyang pamamaraan kung ang pag-uusapan ay ang paglilingkod at pagsamba sa Diyos. Ang pagsamba sa tunay na Diyos ay itinuro rin ng ating Panginoong Jesucristo—sambahin natin ang Diyos sa espiritu at sa katotohanan:

“Datapuwa’t dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka’t hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya.” (Juan 4:23)

Ang likas na kalagayan ng tunay na Diyos na dapat sambahin ayon sa Panginoong Jesus ay espiritu (Juan 4:24)—Siya’y “walang laman at mga buto” (Lucas 24:39).

“Ngunit sa ganang atin ay may isang Diyos, ang Ama, na sa kanya nagmula ang lahat ng mga bagay, at tayo’y para sa kanya ...”

I Corinto 8:6

Ang Bagong Ang Biblia

Kaya, ang Diyos ay walang materya; hindi Siya makikita sa Kaniyang likas na kalagayan.

Kung gayon, ang tunay na Diyos ay hindi maaaring igawa ng larawan o rebulto. Napakalaking kalapastanganan sa Diyos ang nagagawa ng mga taong gumagamit ng larawan sa kanilang pagsamba. Hindi dapat sumamba ang tao sa larawan. Ipinagbabawal ito ng Diyos (Gawa 17:29).

Ang mga sumasamba sa larawan at rebulto ay hindi tunay na mananamba, sapagkat ang hinahanap ng Diyos ay ang pagsamba sa Kaniya sa espiritu at sa katotohanan. Itinuro ni Cristo kung paano ito maisasagawa:

“Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.” (Mat. 6:9-10)

Ang pagsamba sa Diyos sa espiritu ay sa pamamagitan ng pagsamba sa Kaniyang pangalan. Ang pagsamba naman sa Kaniya sa katotohanan ay sa pamamagitan ng pagganap sa Kaniyang kalooban.

Hindi dapat pabayaan

Ang kumilala at sumamba sa Panginoong Diyos ay napakahalagang pananagutan ng tao na hindi dapat pabayaan. May babala ang Diyos sa mga tumangging kumilala at sumunod sa Kaniya:

“Na maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus: Na siyang tatangap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan.” (II Tes. 1:8-9)

Sa kabilang dako, tiniyak din ng Biblia ang magiging kapalaran ng mga kumikilala at naglilingkod sa Ama na iisang tunay na Diyos―sila’y ililigtas ni Jesus:

“Sapagkat sila mismo ay patuloy na nagbabalita tungkol sa kung paano kami unang pumasok sa gitna ninyo at kung paano kayo bumaling sa Diyos mula sa inyong mga idolo upang magpaalipin sa isang buhay at tunay na Diyos, at upang maghintay sa kaniyang Anak mula sa langit, na kaniyang ibinangon mula sa mga patay, samakatuwid ay si Jesus, na siyang nagliligtas sa atin mula sa poot na dumarating.” (I Tes. 1:9-10 Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan)

Nawa ang ating pagsamba at paglilingkod ay huwag masayang kundi ikaligtas natin sa paraang tiyakin nating ito ay wasto at ang pinag-uukulan natin nito ay ang nag-iisang tunay na Diyos, ang Ama.

Ito ang paninindigan ng Iglesia Ni Cristo.

Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message noong Abril 2017.