Maging makabuluhang muli sa Kaniya

Maging makabuluhang muli sa Kaniya

Kailangang tuparin ng tao ang kaniyang pananagutang maglingkod sa Diyos habang siya ay nabubuhay pa sapagkat kung siya’y patay na ay hindi na niya ito magagawa.

Sinulat ni SAMUEL T. SOLANO

SA MGA NILALANG ng Diyos na may buhay sa mundo, ang pinakatampok ay ang tao. Sa larangan ng siyensiya o agham, ang tao ang sinasabing nasa ibabaw ng food chain. Sa larangan naman ng pilosopiya, ang tao pa rin ang itinuturing na nagtataglay ng primacy o ng pagiging pangunahin sa lahat ng nilalang dahil sa taglay niyang faculty of reason—ang kakayahang umunawa at mangatuwiran. Bakit kaya nakahihigit ang tao sa paningin ng ating Dakilang Lumikha sa ibang mga nilikha Niya? Sa Genesis 9:2, ay ganito ang ipinahayag ng ating Manlalalang:

“At ang takot sa inyo at sindak sa inyo ay mapapasa bawa’t hayop sa lupa, at sa bawa’t ibon sa himpapawid; lahat ng umuusad sa lupa, at lahat ng isda sa dagat, ay ibinibigay sa inyong kamay.”

Nakahihigit ang tao sapagkat sa kaniya ibinigay ng Diyos ang kapangyarihan sa lahat ng Kaniyang iba pang nilalang sa mundo tulad ng mga hayop, ibon, umuusad sa lupa, at isda. Napakahalaga kung gayon ng tao sapagkat iniukol sa kaniya ng Diyos ang iba pang mga nilalang Niya. Ano naman ang kaukulan ng tao? Kung ang lahat ay para sa tao, ang tao ay para naman sa Diyos, gaya ng itinuro ni Apostol Pablo:

“Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo’y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig.” (Efe. 1:4)

Bakit pinili ng Diyos ang tao para sa Kaniya? Ano ang kahulugan nito? Sa Awit 100:3 at 2 ay ganito ang sagot ng Biblia:

“Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Dios; Siya ang lumalang sa atin, at tayo’y kaniya: Tayo’y kaniyang bayan, at mga tupa ng kaniyang pastulan.

“Mangaglingkod kayo na may kasayahan sa Panginoon; Magsilapit kayo sa kaniyang harapan na may awitan.”

Ang tao ay pinili ng Diyos para sa Kaniya, upang kumilala at maglingkod sa Kaniya. Kaya ang paglilingkod sa Diyos ay isang katutubong pananagutan ng tao—ito ang kaniyang kaukulan. Ito ang dahilan kaya siya nilalang ng Diyos. Ito rin ang isa pang malaking kahigitan niya sa ibang mga nilalang—siya lamang ang makapagsasagawa ng paglilingkod sa Diyos.

Subalit sinong tao ang inaasahan ng Diyos na magpupuri sa Kaniya? Ang taong buháy, hindi ang patay, ang inaasahan ng Diyos na maglilingkod sa Kaniya (Isa. 38:18–19 Magandang Balita Biblia), sapagkat ang Diyos ay hindi napadi-Diyos sa patay gaya ng ipinahayag ng ating Panginoong Jesucristo:

“Ang Dios ay hindi Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay.” (Mat. 22:32)

Sa madaling salita, kailangang tuparin ng tao ang kaniyang pananagutang maglingkod sa Diyos habang siya ay nabubuhay pa sapagkat kung siya’y patay na ay hindi na niya ito magagawa. Kapag hindi na niya nagagawa ang kaniyang kaukulan ay wala na siyang kabuluhan.

“Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Dios; Siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kaniya ... Mangaglingkod kayo na may kasayahan sa Panginoon; Magsilapit kayo sa kaniyang harapan na may awitan.”

Awit 100:3, 2

Nawalan ng kabuluhan

Sa panukala ng Diyos ay hindi lamang basta pinili Niya ang tao para sa Kaniya. May katangiang dapat marating ang tao. Pinili ng Diyos ang tao upang “maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya” (Efe. 1:4). Ito ang hindi natugunan ng tao sapagkat ayon kay Apostol Pablo, “ang lahat ay nangagkasala” (Roma 5:12). Ang kasalanan ang nagpaparumi at nagpapadungis sa tao. Bukod dito, ito ay kinakailangan niya ring pagbayaran. Ayon pa rin kay Apostol Pablo, “ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan” (Roma 6:23). Ito ay hindi lamang kamatayang pagkalagot ng hininga kundi, ang lalong mabigat, ay ang ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang apoy pagdating ng Araw ng Paghuhukom (Heb. 9:27; Apoc. 20:14). Dahil dito, ganito inilarawan ni Haring Solomon ang naging kalagayan ng tao:

“Sapagka’t ang nangyayari sa mga anak ng mga tao ay nangyayari sa mga hayop: sa makatuwid baga’y isang bagay ang nangyari sa kanila: kung paanong namamatay ang hayop, gayon namamatay ang tao; oo, silang lahat ay may isang hininga; at ang tao ay wala ng karangalang higit sa hayop: sapagka’t lahat ay walang kabuluhan. Lahat ay nagsisiyaon sa isang dako; lahat ay buhat sa alabok, at lahat ay nangauuwi sa alabok uli.” (Ecles. 3:19–20)

Tulad ng hayop, ang tao na napagtagumpayan ng kamatayan dahil sa kasalanan ay nawalan na rin ng kabuluhan. Pareho na lamang ang nangyayari sa tao at sa hayop—pawang nauuwi sa alabok. Kaya naman ganito ang pagtuturing ng Diyos sa taong nagkasala:

“Datapuwa’t ang nangagpapakabuyo sa mga kalayawan, bagama’t buháy ay patay.” (I Tim. 5:6)

Hindi ba’t totoong masakit sa damdamin na ituring na patay—bagama’t buhay pa? Gayon ang tao sa paningin ng Diyos. Kahit ano pang gawin ng tao na paglapit at paglilingkod, wala itong kabuluhan sa Diyos sapagkat Siya ay “hindi Dios ng mga patay.” Ito ang kailangang ayusin ng tao. Kailangang makaalis siya sa kalagayang “patay bunga ng kasalanan” at makabalik siya sa layunin ng paglalang sa kaniya upang muli siyang magkaroon ng kabuluhan sa paningin ng Diyos.

“Datapuwa't ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin ... si Cristo ay namatay dahil sa atin. Lubha pa nga ngayong inaaring-ganap sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ay mangaliligtas tayo sa galit ng Dios sa pamamagitan niya.”

Roma 5:8-9

Paano muling magkakaroon ng kabuluhan?

Paano magagawa ng tao na makabalik sa layunin ng Diyos sa paglalang sa kaniya?

“Nguni’t ang Dios, palibhasa’y mayaman sa awa, dahil sa kaniyang malaking pagibig na kaniyang iniibig sa atin, Bagama’t tayo’y mga patay dahil sa ating mga kasalanan, tayo’y binuhay na kalakip ni Cristo (sa pamamagitan ng biyaya kayo’y nangaligtas).” (Efe. 2:4–5)

Napakapalad ng mga taong ito na ang sabi ni Apostol Pablo, “Bagama’t tayo’y mga patay … tayo’y binuhay na kalakip ni Cristo.” Sino ang mapapalad na nagtamo ng dakilang biyaya bunga ng awa at pag-ibig ng Diyos? Sa Roma 5:8–9 ay ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:

“Datapuwa’t ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin, na nang tayo’y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin. Lubha pa nga ngayong inaaring-ganap sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ay mangaliligtas tayo sa galit ng Dios sa pamamagitan niya.”

Ang mga kausap ni Apostol Pablo ay ang mga inaring-ganap sa pamamagitan ng dugo ng ating Panginoong Jesucristo at maliligtas sa galit ng Diyos. Ang dugo ni Cristo ang “maglilinis [sa tao] sa mga gawang patay”—kaya hindi na sila walang kabuluhan—at magiging katanggap-tanggap na ang paglilingkod nila sa Diyos na buháy (Heb. 9:14). Maliban sa pagtubos ay wala nang ibang paraan para ang tao ay mapatawad o ariing-ganap (Heb. 9:22).

Sino ang mga tinubos ng dugo ng ating Panginoong Jesucristo na sila ang mga inaring-ganap at magtatamo ng biyayang kaligtasan? Sila ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)

Samakatuwid, ang pag-anib sa Iglesia Ni Cristo ang tanging paraan upang makabalik ang tao sa layunin ng Diyos sa paglalang sa kaniya. Dito lamang maisasagawa ng tao ang paglilingkod na tinatanggap ng Diyos dahil nasa Iglesiang ito ang katubusan na kapatawaran ng kasalanan.

Kung gayon, ang ginagawa ng mga kaanib, mga maytungkulin, mga ministro, at mga manggagawa sa Iglesia Ni Cristo, sa pangunguna ng Kapatid na Eduardo V. Manalo, ang Tagapamahalang Pangkalahatan, na maigting at puspusang pagkilos upang hikayatin ang lahat ng tao sa buong daigdig na umanib sa Iglesia ay hindi basta kagustuhan lamang nila. Ito ang nais ng Diyos para sa kapakanan ng tao, sa ikatutumpak ng kaugnayan niya sa kaniyang Manlalalang. Hindi ang agham at pilosopiya ng tao ang tunay na sukatan ng pangingibabaw ng tao sa iba pang nilalang, kundi ang panukat ng kaniyang Lumikha. Yamang ang tao ang binigyan ng Diyos ng pinakamataas na uri ng kakayahan at kaalaman sa Kaniyang mga nilikha sa daigdig, hindi ba marapat lamang na habang siya’y may buhay pa ay gamitin niya ito upang maging makabuluhan siya sa paningin ng Diyos?

Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message noong Pebrero 2018.