PINAGSISIKAPAN NG TAO na makagawa ng mabuting plano upang kamtin ang inaasam niya sa buhay at sa abot ng kaniyang makakaya ay isinasakatuparan niya ang planong iyon.
Subalit, paano kung sa kalagitnaan ng kaniyang pagpapagal na maabot ang inaasam ay makasagupa siya ng maraming hadlang? Paano kung dumating ang mga pagkakataon na kahit anong hakbang at pagpaplanong gawin niya ay makaranas siya ng kabiguan?
Ano ang itinuturo ng mga Banal na Kasulatan kapag ang mga lingkod ng Diyos ay nabibigo sa kanilang mga hangarin sa buhay? Ganito ang sinasabi sa Jeremias 29:11:
“‘Sapagkat alam ko ang aking mga plano na taglay ko para sa inyo,’ sinasabi ng Panginoon. ‘Ang mga iyon ay mga plano para sa kabutihan at hindi para sa kapahamakan, upang bigyan kayo ng isang kinabukasan at isang pag-asa’.” (New Living Translation)*
Dumarating talaga ang mga sandali sa buhay ng isang tao na hindi niya agad nakakamit ang mabubuti niyang hangarin o kaya naman ay hindi ayon sa kaniyang inaasahan ang naging resulta ng kaniyang pagpaplano. Dahil dito, ang iba ay pinanghihinaan ng loob at nahuhulog sa depression. Subalit hindi ganito ang dapat na maging reaksyon ng isang lingkod ng Diyos sapagkat ang sabi Niya: “Alam Ko ang Aking mga plano na taglay Ko para sa iyo.” Sa bawat isang hinirang ng Diyos ay mayroon Siyang “plano para sa kabutihan at hindi para sa kapahamakan” at Siya lamang ang higit na nakaaalam kung kailan Niya iyon ipagkakaloob.
Sa kabilang dako, hindi rin dapat magtaka ang mga lingkod ng Diyos kung nakararanas man sila ng mga pagsubok at hadlang habang hinihintay ang katuparan ng kanilang mga hangarin sapagkat ipinagpauna na ni Apostol Pedro na:
“Mga minamahal, huwag kayong mabigla sa matitinding pagsubok na nangyayari upang subukin kayo [iyon ay, upang subukin ang uri o kalidad ng inyong pananampalataya], na tila may kakaiba o hindi karaniwan na nangyayari sa inyo.” (I Ped. 4:12 Amplified Bible 2015)*
Walang dapat ikabahala, kung gayon, ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo kapag may di-pangkaraniwan silang nararanasan sa buhay. Maliwanag na itinuro ng mga apostol na sinusubukan lamang ng Diyos kung sila ay nakarating na sa mataas na uri o kalidad ng kanilang pananampalataya.
Kung makasagupa man ng matitinding pagsubok at mga hadlang ang mga lingkod ng Diyos na nagiging dahilan kaya hindi agad natutupad ang kanilang mga hangarin, hindi nangangahulugang dapat na silang sumuko o mainip sapagkat tiniyak ni Apostol Pablo sa I Corinto 10:13 na:
“Walang pagsubok o pagtukso na darating sa inyo ang hihigit pa sa dinanas ng iba. Ang dapat lamang na tandaan ninyo ay hindi kayo pababayaan ng Diyos; hindi niya ipahihintulot sa inyo ang hihigit pa sa inyong makakaya; Lagi siyang nariyan para tulungan kayong malampasan iyon.” (The Message)*
Hindi nangangahulugan na kapag hindi agad nakamit ang matagal nang inaasam sa buhay ay wala nang ginagawa ang Diyos sapagkat kailanman ay hindi Siya nagpapabaya. Ayon kay Apostol Pablo, walang ibibigay na pagsubok ang Panginoong Diyos sa Kaniyang mga lingkod na higit pa sa kanilang makakaya. Kaya, ang dapat gawin ay manghawak sa magagawa ng Diyos at huwag sumuko sapagkat “lagi Siyang nariyan para tulungan” ang mga tapat Niyang hinirang.
Kung ang Panginoong Diyos ay nakahandang tumulong sa mga lingkod Niya upang bigyan sila ng “isang kinabukasan at isang pag-asa,” dapat ay nakahanda rin nilang gawin kung ano ang ibig Niyang ipagawa sa kanila. Ganito ang pahayag Niya sa pamamagitan ni Propeta Isaias:
“Ang masama ay dapat na tumigil na sa paggawa ng masama [abandonahin/iwan ang kanilang mga lakad], at sila [ang taong hindi matuwid] ay dapat na tumigil na sa kanilang masasamang isipan. Dapat silang manumbalik sa Panginoon upang siya ay maawa [mahabag] sa kanila. Dapat silang lumapit sa ating Diyos, sapagkat siya ay nagpapatawad nang walang bayad.” (Isa. 55:7 Expanded Bible)*
Kung inaasam ng mga lingkod ng Diyos na matupad ang kanilang mabubuting plano sa buhay, ay lalo nilang gustong matupad ang plano ng Diyos para sa kanilang ikabubuti—sapagkat ito ang higit at tunay na mahalaga. Iniiwasan nilang gumawa ng masama upang hindi malayo sa Diyos; manapa’y pinagsisikapan nilang mamuhay nang matuwid sa paraang isabuhay ang Kaniyang mga kalooban.
Gayundin, upang ipagkaloob ng Panginoong Diyos sa mga lingkod Niya ang mabubuting hangarin nila sa buhay, kahit pa nakasasagupa ng mga hadlang at kahit pa tila hindi agad nakakamit ang mga iyon, dapat silang maging mapanalanginin, gaya ng itinuturo sa Jeremias 29:11-13:
“‘Sapagkat alam ko ang aking mga plano na taglay ko para sa inyo,’ sinasabi ng Panginoon. ‘Ang mga iyon ay mga plano para sa kabutihan at hindi para sa kapahamakan, upang bigyan kayo ng isang kinabukasan at isang pag-asa. Sa mga araw na iyon kapag nanalangin kayo, makikinig ako. Kung hahanapin ninyo ako nang masigasig, masusumpungan ninyo ako kapag hinanap ninyo ako’.” (NLT)*
Ito ang dahilan kaya patuloy na hinihikayat ng Kapatid na Eduardo V. Manalo, ang Tagapamahalang Pangkalahatan, ang bawat kaanib ng Iglesia Ni Cristo na itaguyod ang malinis at banal na pamumuhay at laging manalangin sa Diyos. Pinakahahangad ng Namamahala na matupad sa bawat kaanib ang plano ng Diyos para sa kanilang ikabubuti upang sa buhay pa lamang na ito ay pakinabangan na nila ang mga biyayang inilalaan Niya, higit sa lahat, matamo nila ang biyayang buhay na walang hanggan.
* Isinalin mula sa Ingles