Paano magtatagumpay sa pagsubok?

Ang mga pagsubok na pinagdaraanan natin ay mga pagkakataong ginagamit ng Diyos para patatagin ang ating pananampalataya.

Ni SIEGFRED T. GOLLAYAN

NAPAKALAPIT NA NG ARAW ng kawakasan. Natupad na at patuloy na natutupad ang lahat ng ibinigay ni Cristo na palatandaang malapit na ang wakas ng sanlibutan. At habang mabilis na papalapit ang araw na iyon, lalong tumitindi ang mga pagsubok na ating nasasagupa—ang mga ito ay hindi na rin pangkaraniwan. At dahil wala namang hindi magdaraan sa mga pagsubok, kailangang alam natin kung paano tayo magtatagumpay sa mga ito.

Ituring na kaligayahan

Hindi natin dapat ipagtaka kung nakasasagupa man tayo ng mga pagsubok sa buhay na ito. Ito’y ipinagpauna na ng mga apostol na daranasin natin:

“Ituring ninyong tunay na kaligayahan, mga kapatid, tuwing magdaranas kayo ng iba’t ibang pagsubok.” (Sant. 1:2 Biblia ng Sambayanang Pilipino)

Bagaman walang exempted sa pagsubok, hindi natin ito dapat na ikapanlumo at ikalungkot. Gaya ng nabanggit ni Apostol Santiago, dapat natin itong ikagalak. Tiniyak din niya kung gaanong pakinabang ang dulot nito sa atin kung kaya dapat nating ituring ang pagsubok na tunay na kaligayahan:

“Sapagkat alam ninyo na lalong magiging matatag ang inyong pananampalataya matapos ninyong pagtagumpayan ang mga pagsubok na iyan.” (Sant. 1:3 Magandang Balita Biblia)

Magiging matatag ang ating pananampalataya matapos nating mapagtagumpayan ang mga pagsubok. Samakatuwid, dapat nating ituring ang bawat pagsubok bilang isang pagkakataon para tumatag ang ating pananampalataya. Itinuro ng mga apostol kung ano ang kailangan upang tayo ay makapagtagumpay sa mga ito:

“Kaya tiisin n’yo ang mga pagsubok upang maging ganap at walang anumang pagkukulang ang buhay n’yo.” (Sant. 1:4 Salita ng Dios)

Kailangan nating tiisin ang pagsubok. Maaaring masaktan tayo ng mga pagsubok na pagdaraanan natin subalit dahil alam nating mabuti ang ibubunga kapag napagtagumpayan natin ito, nauunawaan nating kailangang tiisin natin ang hapdi. Walang iniwan ito sa maysakit na ang kailangan para gumaling ay ang operahan siya. Ang pasyenteng nais pang mabuhay ay pumapayag na sumailalim sa operasyon kahit alam niyang masasaktan siya at mapapasapanganib ang kaniyang buhay. Nauunawaan niyang kaya siya ooperahan ay hindi naman para siya’y saktan, kundi para lunasan at pagalingin ang kaniyang karamdaman.

“Ituring ninyong tunay na kaligayahan, mga kapatid, tuwing magdaranas kayo ng iba’t ibang pagsubok.”

Santiago 1:2

Biblia ng Sambayanang Pilipino

Manatiling tapat sa gitna ng pagsubok

Isang magandang halimbawa ng pagtitiis sa matinding pagsubok ang naging karanasan ni Job. Isipin na lamang: sa isang iglap ay nawala at naubos ang lahat ng kayamanan at kabuhayan niya. Sinundan pa iyon ng lalong matinding kasawian—ang pagkamatay ng kaniyang sampung anak. Nagkaroon pa siya ng malubhang sakit—nagkasugat siya mula ulo hanggang sa kaniyang talampakan (Job 1:13–19; 2:7–8). Sa kabila ng napakabigat na pinagdaanan niya ay ganito ang kaniyang naging paninindigan:

“Ngunit batid ng Diyos ang aking bawat hakbang; Kahit na subukin n’ya, ako’y parang gintong lantay. Pagkat tinalunton ko ang kanyang tuntunin, At sa ibang landas, hindi ako bumaling. Ako’y hindi lumalabag sa Kautusan ng Diyos, At ang kanyang kalooban ang aking sinusunod.” (Job 23:10–12 mb)

Gaya ni Job, hindi rin tayo dapat na bumaling sa ibang landas kapag nasa gitna tayo ng mabibigat na suliranin at pagsubok. Manatili tayo sa tapat na pagsunod sa Diyos.

Tularan din natin si Haring Ezequias na sa harap ng malaking pagsubok—kinubkob ng hari ng Asiria ang kaniyang kaharian, anupa’t napaligiran sila ng mga kaaway na lubhang marami kaysa kanila—ay nagtapat, nagtiwala, at sumampalataya sa Diyos (II Kron. 32:7–8). Bunga nito, nang siya ay dumaing at dumalangin sa Diyos, ay ipinagkaloob sa kanila ang pagtatagumpay:

“Dahil dito, si Haring Ezequias at ang propeta Isaias na anak ni Amos ay dumaing at dumalangin sa langit. At ang PANGINOON ay nagsugo ng isang anghel at pinuksa ang lahat ng mga kawal, mga pinuno at lider sa kampo ng hari ng Asiria. Kaya napahiya itong umurong sa sariling lupain. Nang pumasok siya sa templo ng kanyang dios, ilan sa mga anak niya ang pumatay sa kanya sa pamamagitan ng tabak. Iniligtas nga ng PANGINOON si Ezequias at ang mga taga Jerusalem sa kamay ni Senaquerib na hari ng Asiria, gayon din sa iba pa. Iningatan niya sila sa kabikabila.” (II Kron. 32:20–22 New Pilipino Version)

Positibong pananaw sa pagsubok

Ipinauunawa ng Biblia kung bakit may mga nagagapi ng pagsubok:

“Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris, Na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik; Isang lahing di marunong magtiwala at magtiis, Ang Pagasa ay marupok at kulang ang pananalig. … Ang tipan sa Panginoo’y hindi nila sinusunod, Hindi sila lumalakad nang ayon sa mga utos. Mandi’y nilimot na nila ang lahat ng kabutihan, Yaong mga gawa ng Diyos na kanilang hinangaan. … Kinalaban nila ang Diyos nang sabihin ang ganito: ‘Sa gitna ba nitong ilang mabubusog niya tayo? Nang hampasin yaong bato, oo’t tubig ay bumukal, Dumaloy ang mga batis, tubig doon ay umapaw; Ngunit ito yaong tanong, tayo kaya’y mabibigyan Ng tinapay na masarap at ng karneng kailangan?’ Nang marinig ang ganito, si Yahweh nama’y naginit, Sa hinirang niyang bansa’y nagapoy ang kanyang galit. Pagkat sila ay ayaw nang sa Diyos ay magtiwala, Sa pangakong pagliligtas ay hindi na maniwala. … Kaya’t yaong pasiya ng Diyos, ang araw ay wakasan na, Biglangbiglang paratingin sa kanila ang parusa.” (Awit 78:8, 10–11, 19–22, 33 mb)

May mga hindi nakapagtagumpay sa pagsubok sapagkat hindi sila marunong magtiwala sa Diyos at magtiis—hindi dahil sa hindi talaga nila kaya ang pagsubok kundi marupok ang kanilang pagasa. Sila ay kagaya ng mga Israelita noon na sa kabila ng nasaksihang kabutihan at kababalaghang ginawa ng Diyos ay naghimagsik nang sila’y inabot ng gutom at uhaw.

“Sapagkat alam ninyo na lalong magiging matatag ang inyong pananampalataya matapos ninyong pagtagumpayan ang mga pagsubok na iyan.”

Santiago 1:3

Magandang Balita Biblia


Napakasama, kung gayon, na mawalan ng pagtitiwala, pag-asa, at pananampalataya sa magagawa ng Diyos. Unawain natin na ang mga pagsubok na pinagdaraanan natin ay mga pagkakataong ginagamit ng Diyos para patatagin ang ating pananampalataya.

Samakatuwid, dapat nating tingnan ang pagsubok sa isang positibong pananaw. Itinuturo sa atin ng Biblia na anuman ang negatibong sitwasyong kinalalagyan natin ay maipipihit iyon ng Diyos para maging sa ating ikabubuti:

“Alam natin na ang lahat ng mga bagay ay magkakalakiplakip na gumagawa para sa kabutihan nila na mga umiibig sa Diyos, sa kanila na mga tinawag ng Diyos ayon sa kaniyang layunin.” (Roma 8:28 Bibles International)

Handa ang Diyos na papagtagumpayin tayo sa lahat ng pagsubok na ating masasagupa sa buhay na ito. Pagpapalain Niya tayo kailanma’t tayo’y mamamalaging tapat sa Kaniya at masunurin sa Kaniyang mga utos. Kaya, ito nawa ang umakay sa bawat isa sa atin sapagkat ito ang susi ng mga pagpapalang mula sa Diyos at ng pagtatagumpay.


Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.