Pananampalataya at gawa:
Kapuwa mahalaga sa ikaliligtas

Mabuti na ang tao ay maging mananampalataya sa Panginoong Jesus subalit hindi nangangahulugan na wala nang iba pang kailangang gawin upang matamo ang kaligtasan.

Ni ALBERTO P. GONZALES

KALIGTASAN, ISA SA mga pangunahing hinahangad ng tao sa pag-anib sa alinmang relihiyon o iglesia. Ito’y mabuti at marapat! Gayunman, upang ang kaligtasan ay matamo, hindi sapat na ipahayag lamang ang pagsampalataya kay Cristo, gaya ng itinuturo ng ibang mga tagapangaral. Kailangan din na ang kaniyang ginagawa ay sang-ayon sa mga aral ng Panginoong Diyos na itinuro ng Panginoong Jesucristo at ng mga apostol.

Ang aral na itinuro ng mga apostol

Itinuro ng mga apostol ang dapat gawin ng tao upang maligtas:

“At sila’y inilabas at sinabi, Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas? At kanilang sinabi, Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan.” (Gawa 16:30-31)

Mabuti na ang tao ay maging mananampalataya sa ating Panginoong Jesus. Ito ay talagang kailangan sa ikaliligtas. Subalit hindi nangangahulugan na wala nang iba pang kailangang gawin upang matamo ang kaligtasan. Sa katunayan, ang bantay-bilangguan na sinabihan ng mga apostol na sumampalataya upang maligtas ay inaralan nila at binautismuhan, pati na ang kaniyang sambahayan:

“At kanilang sinabi, Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan. At sa kaniya’y sinalita nila ang salita ng Panginoon, pati sa lahat ng nangasa kaniyang bahay. At sila’y kaniyang kinuha nang oras ding yaon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga latay; at pagdaka’y binautismuhan, siya at ang buong sangbahayan niya.” (Gawa 16:31-33)

Kaya, hindi totoo na sapat nang sumampalataya lamang at maliligtas na. Kailangan ay mapangaralan at bautismuhan ng mga sinugo ng Diyos gaya ng mga apostol.

Ang aral na itinuro ni Cristo

Ang Panginoong Jesucristo mismo ang may utos na ang inaralang sumampalataya ay dapat bautismuhan upang maligtas:

“At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal. Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa’t ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.” (Mar. 16:15-16)

Kung gayon, malinaw na hindi sapat na sumampalataya lamang ang tao upang maligtas. Dapat na ang tao ay aralan ng ebanghelyo at ang sumampalataya ang siyang babautismuhan. Ang gayon ang siyang maliligtas.

Ang mga inaralan na binautismuhan ay iniukol o ginawang “sangkap ng isang katawan” na ito ang Iglesia na pinangunguluhan ni Cristo—ang Iglesia Ni Cristo (I Cor. 12:13 New Pilipino Version; Col. 1:18; Roma 16:16 NPV).

Sa Iglesia Ni Cristo isinasangkap o umaanib ang mga sumasampalataya na tumanggap ng bautismo upang maligtas. Kung gayon, ang gawang pag-anib sa tunay na Iglesia ay kailangang gawin ng tao upang siya ay maligtas.

“At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal. Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa’t ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.”

Marcos 16:15-16

Ang aral na itinuro ng Diyos

Sa Iglesia idinaragdag ng Panginoong Diyos ang mga sumasampalataya upang maligtas:

“Kung gayon, sila na galak na tumanggap ng kaniyang salita ay binautismuhan: at sa araw ding yaon ay idinagdag sa kanila ang may tatlong libong kaluluwa. … Pinupuri ang Diyos, at nagtatamo ng kagandahang-loob ng lahat ng tao. At idinagdag ng Panginoon sa iglesia araw-araw yaong mga dapat maligtas.” (Gawa 2:41 at 47 King James Version*)

Ang tanong ng iba: “Hindi ba magagawa ng Diyos na ang tao ay iligtas kahit walang Iglesia?” Tiyak na hindi ito gagawin ng Diyos dahil ibinigay na Niya ang utos sa nais maligtas—ang pumasok sa Iglesia gaya ng ipinahayag mismo ng Panginoong Jesucristo:

“Ako ang pintuan; ang sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay maliligtas. …” (Juan 10:9 Revised English Bible*)

Ang kawan ay ang Iglesia Ni Cristo:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation*)

Kung gayon, kailangan ng tao na pumasok sa Iglesia Ni Cristo upang maligtas sapagkat utos ito ni Cristo, at ang Diyos ang pinagmulan ng utos na ito (Juan 12:49).

Alalahanin din na ang Iglesia Ni Cristo ang tinubos ng dugo ni Cristo. Ang natubos ang napatawad sa kasalanan (Heb. 9:14), at ang napatawad sa kasalanan ang magtatamo ng kaligtasan (Col. 1:20-22).

Sa kabilang dako, ganito ang tiniyak ng Panginoong Jesucristo sa mga taong hiwalay sa Kaniya kahit pa sabihing sila ay sumasampalataya:

“Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako’y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa. Kung ang sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya’y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog.” (Juan 15:5-6)

Ang mga hiwalay kay Cristo ay ang mga taong walang kaugnayan sa Kaniya—hindi Niya sanga o hindi kaanib sa Kaniyang Iglesia. Tiniyak ni Cristo na ang mga hiwalay sa Kaniya ay walang magagawa—wala silang magagawa para maligtas sapagkat sila’y matatapong katulad ng sanga, matutuyo, mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog. Kung gayon, hindi sila maliligtas.

Samakatuwid, aral ng Panginoong Diyos, ni Cristong Panginoon, at ng mga apostol na ang mga taong sumasampalataya ay dapat na pumasok sa Iglesia Ni Cristo upang maligtas.


*Isinalin mula sa Ingles.

Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.