Sa ikauunlad ng kabuhayan

Walang panahon na sinasayang ang masikap. Ibinubuhos niya ang kaniyang buong makakaya sa kaniyang ginagawa hanggang matapos ito.

Ni JOSE R. BERNISCA

DAHIL SA TINDI ng kahirapan o mga suliraning pang-­ekonomiya sa kasalukuyan, marami ang nagsisikap na mapaunlad ang kanilang kabuhayan. Upang magtagumpay at huwag mabigo ang mga nagnanasang umunlad ay kailangang matuto sa itinuturo ng mga salita ng Diyos ukol sa wastong pagdadala ng buhay. Ganito ang itinuturo sa Aklat ng Kawikaan:
“Lahat ng pagsisikap sa gawain ay nagbubunga ng pakinabang, ngunit ang basta salita ay humahantong sa kahirapan.” (Kaw. 14:23 New Pilipino Version)
Ang kasipagan at pagsisikap ay kailangan ng tao sa anumang kaniyang gawain. Ang mga ito ay ilan sa mahahalagang katangiang dapat taglayin ng sinomang nagnanais umunlad ang kabuhayan. Dapat siyang magsikap sa gawain, mag-isip, at mag-aral na mabuti kung paano niya maipagtatagumpay ang kaniyang gawain. Kaya, ang katamaran ay kalaban ng pag-unlad. Marami nang tao ang ipinahamak at kabuhayang ibinagsak ng katamaran. Ang taong tamad ay hindi susulong at uunlad. Kahit pa ang minanang kabuhayan o kayamanan ay nawawaldas din at nawawala. Sinasabi ng Biblia:
“Mamamahala ang masikap na mga kamay ngunit ang katamaran ay magwawakas sa pagiging alipin.” (Kaw. 12:24 npv)
Ang nagsisikap

Ang taong nagsisikap sa kaniyang gawain ay sumusunod sa mga patakarang sumasaklaw sa kaniyang paggawa lalo na sa mga utos ng Diyos ukol sa marapat na paghahanap­buhay. Sa Eclesiastes 9:10, ganito ang pagtuturo:

“Anuman ang ginagawa mo’y pagbuhusan mo ng iyong makakaya pagkat sa Sheol na kasasadlakan mo ay wala kang gagawin, ni pag-iisipan, ni pagbubuhusan ng kaalaman o karunungan.” (Magandang Balita Biblia)

Walang panahon na sinasayang ang masikap. Ibinubuhos niya ang kaniyang buong makakaya sa kaniyang ginagawa hanggang matapos ito. Wala siyang iniiwang hindi yari. Sinisikap niyang maisulit ang lahat ng kaniyang ginagawa sa lalong madali o sa pinakamaikling panahon.

“Anuman ang ginagawa mo’y pagbuhusan mo ng iyong makakaya pagkat sa Sheol na kasasadlakan mo ay wala kang gagawin, ni pag-iisipan, ni pagbubuhusan ng kaalaman o karunungan.”

Eclesiastes 9:10

Magandang Balita Biblia

Mamuhay nang maayos

Bukod sa pagsisikap at pagpapakadalubhasa sa gawain, lubhang mahalaga rin na maging maayos ang pamumuhay upang umunlad at magtagumpay. Hindi marapat na hinahaluan ng kasalanan ang propesyon at hanapbuhay.

Nakalulungkot na may mga nahuhulog sa iba’t ibang mga bisyo at kalayawan sa pagsusugal at paglalasing at dito nila nilulustay ang kanilang kinikitang salapi. Hindi kataka-taka kung magulo ang kanilang buhay at maraming suliranin ang dumating sa kanila. May itinatagubilin si Apostol Pablo sa mga ganito upang huwag mapinsala ang kanilang kabuhayan:

“Sa pangalan ng Panginoong Jesu­Cristo, mahigpit naming ipinagtatagubilin sa mga taong ito na sila’y maghanapbuhay at mamuhay nang maayos.” (II Tes. 3:12 mb)

Kaya, dapat na ilakip sa pagkamasipag ang matuwid na pamumuhay. Ang sabi pa ni Apostol Pablo:

“Sabihin mo sa mayayaman na huwag magmataas; huwag silang umasa sa kayamanang di mananatili, kundi sa Diyos na masaganang nagkakaloob ng lahat ng bagay sa ating ikasisiya. Turuan mo silang gumawa ng mabuti, magpakayaman sa mabubuting gawa, maging bukas ang palad at matulungin sa kapwa. Sa ganitong paraan sila makapag-iimpok para sa hinaharap at magkakamit ng tunay na buhay.” (I Tim. 6:17-19 mb)

Bukod sa matuwid at maayos na paraan ng paghahanapbuhay, kailangan ay maging matuwid at maayos rin ang pakikisama sa kapuwa at lalo na sa kasambahay. Tiyak na mapapaayos ang pamumuhay ng isang tao kung susundin niyang lagi ang mga salita ng Diyos sa Banal na Kasulatan:

“At ngayon, aking anak, ako ay pakinggan, Sundin ang payo ko’t mapapaayos ang pamumuhay. Upang maging matalino, ang turo ko ay dinggin mo, Huwag mong pababayaan ni lalayuan ito.” (Kaw. 8:32-33 mb)

Nasa pakikinig at pagsunod sa mga payo at turo ng Panginoong Diyos ang ikaaayos ng pamumuhay ng tao. Ang sumusunod sa kalooban ng Diyos ay hindi mapapahamak ni mabibigo sapagkat ang “utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; At ang mga saway na turo ay daan ng buhay” (Kaw. 6:23).

Magtipon
Ito ang isa sa mga itinuturo ng Banal na Kasulatan sa mga naghahangad na mapalaki at mapalago ang kanilang kabuhayan:
“Ang salaping buhat sa masama ay madaling nauubos, ngunit siyang nagtitipong unti-unti ay nagpapalago nito.” (Kaw. 13:11 npv)
Kailangan ang unti-unting pag-iipon o pag-iimpok. Sa gayon, kahit maliit ang kinikita ay mapalalaki at mapalalago ito. Kaya naman, kailangang magpakatalino ang tao sa paggugol ng kaniyang kinikita.

“At ngayon, aking anak, ako ay pakinggan, Sundin ang payo ko’t mapapaayos ang pamumuhay. Upang maging matalino, ang turo ko ay dinggin mo, Huwag mong pababayaan ni lalayuan ito.”

Kawikaan 8:32-33

Magandang Balita Biblia

Tumiwala at papangyayarihin

Sinasabi ng Biblia na “may daan na tila matuwid sa isang tao, Nguni’t ang dulo niyaon ay … kamatayan” (Kaw. 14:12). Ang kaalaman ng isang tao ay may hangganan, maging ang kaniyang kakayahan. Kaya huwag lumakad sa sariling kalooban, bagkus laging sundin ang pahayag na ito ng Biblia:

“Magpakaligaya ka naman sa Panginoon; At bibigyan ka niya ng nasa ng iyong puso. Ihabilin mo ang iyong lakad sa Panginoon; Tumiwala ka rin naman sa kaniya, at kaniyang papangyayarihin.” (Awit 37:4-5)

Ipagpauna natin ang kalooban ng Panginoon sa anumang ating gawain at lakad. Ang pag-asa at pagtitiwala ay ilagak natin sa Kaniya. Siya ang tunay na nakaaalam kung ano ang ikabubuti o ikasasama natin. Kaya anuman ang ating lakad ay marapat lamang na ihabilin sa Kaniya.

Sangguniin ang Kaniyang mga salita nang hindi tayo magkamali at maligaw sa anumang gagawin natin at tatahakin. Tiyak na papangyayarihin Niya ang nasa ng ating puso sapagkat nasusulat: “siyang nagtitiwala sa PANGINOON ay uunlad ang buhay” (Kaw. 28:25 npv).

Kung gayon, napakahalagang taglayin ng tao ang banal na takot sa Diyos. Paano natin makikilala ang may banal na takot sa Panginoon? Natatakot siya na magkasala. Takot siyang sumalangsang sa mga utos ng Diyos at gumawa ng masama. Alam niyang kahit saan siya naroroon, anuman ang kaniyang ginagawa ay nakikita siya ng Panginoon.

Kung mayroon siyang pinakahahangad sa kaniyang buhay, ito ay ang makalugod sa Panginoong Diyos sa paraang sundin niya ang Kaniyang mga utos. Kaya, buong ingat siyang nagsisikap na masunod ang mga utos ng Diyos. Ang ganitong tao ang tiyak na magtatamo ng mabuting kapalaran:

“Mapalad ang lahat ng may takot sa PANGINOON, na lumalakad sa kanyang mga landas. Kakanin mo ang bunga ng iyong pagpapagal; matatamo mo ang mga pagpapala at pag-unlad.” (Awit 128:1-2 npv)

Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.