ANG PAGIGING MALAYA ay pangarap at hangad ng maraming tao—hindi lamang mula sa mga kamay ng mapagsamantala at mapanikil, kundi, maging sa iba’t ibang suliranin ng buhay na tila gumagapos sa kanila. Subalit, maaaring sa pananaw at sa pakiramdam ng tao ay malayang-malaya siya kapag walang anumang puwersa siyang nakikita na sumisikil sa kaniya o pumipigil sa kaniyang mga ginagawa. Ngunit, sinabi ng Panginoong Jesucristo na mayroong “tunay” na magiging malaya.
Paano ba magiging tunay na malaya ang tao? Dito ay nakaugnay ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tao ng pagkaunawa sa katotohanang magpapalaya sa kaniya (Juan 8:32), na ito ay ang mga salita ng Diyos na pawang katotohanan, ayon din mismo sa Panginoong Jesucristo (Juan 17:17).
Ipinakilala ni Cristo kung sino ang nangangailangan ng kalayaan sapagkat sila ay nasa kalagayang alipin: “Sumagot si Jesus, ‘Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan” (Juan 8:34 New Pilipino Version).
Ang mga taong nagkakasala ay alipin ng kasalanan at dito dapat makalaya ang tao. At sapagkat ang lahat ng tao ay nagkasala (Roma 5:12) at nakatakdang magbayad ng kamatayan sa dagat-dagatang apoy (Roma 6:23; Apoc. 20:14), kaya ang lahat ng tao, saanman sila naroroon at anuman ang kanilang kalagayan sa buhay, ay alipin ng kasalanan.
Kapag kalayaan ang pinag-uusapan, karaniwang ipinalalagay na ang kahulugan nito ay ang kalayaang gawin ang balang maibigan kahit na ito ay ayon na sa pita ng laman o kasalanan (Gal. 5:16-17). Ayaw nila na sila’y nalilimitahan o nasasagkaan sa ibig nilang gawin.
Tunay nga bang malaya ang taong ganito ang isipan o pakahulugan sa kalayaan? Hindi, sapagkat ayon sa itinuro ng mga apostol:
“Hindi ba ninyo alam na pag ibinigay ninyo ang inyong sarili kaninuman upang sumunod ay alipin kayo ng inyong sinusunod, maging sa kasalanang umaakay sa kamatayan o sa pagtalimang hahangga sa pagiging matuwid?” (Roma 6:16 NPV)
Isang alipin na maituturing ang taong napaaakay sa kasalanan na maghahatid sa kaniya sa parusang kamatayan. Ito ang tiniyak ng mga apostol na sasapitin ng mga alipin ng kasalanan:
“Sapagka’t nang kayo ay mga alipin ng kasalanan, kayo’y laya tungkol sa katuwiran. Ano nga ang ibinunga ninyo sa panahong yaon sa mga bagay na ngayo’y ikinahihiya ninyo? sapagka’t ang wakas ng mga bagay na yaon ay kamatayan.” (Roma 6:20-21)
Ang kamatayang tinutukoy ay ang ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang apoy na nakaambang parusa sa lahat ng alipin ng kasalanan (Apoc. 21:8).
Tunay na walang kalayaan ang taong alipin ng kasalanan o nagpapakabuyo sa kalayawan. Kaawa-awa ang kalagayan ng ganitong tao, sapagkat kung ilarawan ng mga apostol ay “bagama’t buhay ay patay” (I Tim. 5:6). Sentensiyado na siya sa kaparusahan sa dagat-dagatang apoy. Ganito kung ilarawan ng Biblia ang kalagayan ng mga tao na ginagawa ang lahat ng maibigan kahit na ito ay labag sa kalooban ng Diyos.
Ang mga nagtataglay ng kaisipan ng laman o patuloy sa paggawa ng kasalanan ay nakikipag-alit laban sa Diyos at hindi napasasaklaw sa kautusan at hindi maaaring maging sa Diyos (Roma 8:7) palibhasa’y tumatangging sumunod sa kautusan, na ang ginagamit na pamantayan sa buhay ay ang sariling kalooban o karunungan. Mataas ang pagkakilala nila sa sarili, bunga marahil ng taglay nilang karunungan, kung kaya’t ipinipilit na sila naman daw ay may layang makapamili ng kung ano ang susundin sa kanilang buhay. At may nang-aakit pa ng ibang mga tao na sumama sa kanila na malayang nakapag-iisip at nakapagsasagawa ng ibang mga bagay-bagay sa buhay nila sa mundo. Mapanganib at nanganganib ang taong may ganitong isipan. Sinabi ni Apostol Pablo:
“Kung ang sinoma’y nagtuturo ng ibang aral, at hindi sumasangayon sa mga salitang nakagagaling, sa makatuwid ay sa mga salita ng ating Panginoong Jesucristo, at sa aral na ayon sa kabanalan; Ang gayon ay palalo, walang nalalamang anoman, kundi may-sakit sa mga usapan at mga pagtatalo, sa mga salitang pinagbubuhatan ng kapanaghilian, mga pagkakaalit, mga pagalipusta, mga masasamang akala.” (I Tim. 6:3-4)
Kaya, nagpayo ang mga apostol na huwag maging palalo ang tao at sa halip ay magtaglay ng mababang isipan at ipalagay na lalong mabuti ang iba kaysa kanila (Filip. 2:3). Sa ganito ay magagawa ng tao na sumunod sa kautusan o katuwiran ng Diyos.
Mawawalan ng kabuluhan ang kalayaang maaaring makamit ng tao sa mundo na kaniya pa man ding pinamumuhunanan at ipinakikipaglaban kung hindi siya magiging malaya sa pagkaalipin sa kasalanan. Hindi makaiiwas dito ang sinuman sapagkat may itinakda ang Diyos na araw na kaniyang huhukuman ang lahat ng tao batay sa kautusan ng kalayaan:
“Gayon ang inyong salitain, at gayon ang inyong gawin, na gaya ng mga taong huhukuman sa pamamagitan ng kautusan ng Kalayaan.” (Sant. 2:12)
Sa kautusan ng kalayaan na binabanggit ng mga apostol nakasalalay ang ikapagtatamo ng tunay na kalayaan. Mahalagang ito’y matupad upang hindi lang maging malaya kundi magtamo rin ang tao ng pagpapala (Sant. 1:25). Sinasabi rin ng Biblia na kapag ang kautusan o tuntunin ng Diyos ang sinunod ng tao, tiyak na lalakad siya sa kalayaan:
“At lalakad ako sa kalayaan; Sapagka’t aking hinanap ang iyong mga tuntunin.” (Awit 119:45)
Kaugnay nito, dapat na maging maingat ang tao sa paghahanap ng tunay at dakilang kalayaan—hindi kung sino na lamang ang kaniyang susundin at pakikinggan. Dapat niyang sangguniin ang katotohanan na siyang makapagtuturo kung paano magkaroon ng tunay na kalayaan. Napakalinaw ng pahayag ng Biblia na ang mga pinalaya ng ating Panginoong Jesucristo ang siyang tunay na malaya (Juan 8:36). At ito ay pinatotohanan ng mga apostol na mababasa sa Gawa 13:39 na ganito ang isinasaad:
“Sa pamamagitan niya pinatatawad at nagiging malaya sa lahat ng ito ang sinumang sumampalataya sa kanya.” (Biblia ng Sambayanang Pilipino)
Ngunit, hindi sapat na ang gawin lamang ng tao ay sumampalataya. Ang kapatawaran ng kasalanan na magpapalaya sa tao sa parusang walang hanggan ay makakamtan sa pamamagitan ng pagkabuhos ng dugo at maliban dito’y walang kapatawaran:
“At ayon sa kautusan, ay halos masasabi kong lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran.” (Heb. 9:22)
Ang tinubos ng mahalagang dugo ng Panginoong Jesucristo ay walang iba kundi ang Iglesia Ni Cristo:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28 Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)
Kung gayon, walang tunay na malaya sa sangkatauhan maliban sa mga taong tinubos ng dugo ng ating Panginoong Jesucristo o sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo. Tanging sa Iglesia lamang makakamtan ang tunay at dakilang kalayaan.
Ang magpaalipin sa katuwiran o kalooban ng Diyos ay hindi isang kaapihan o kalugihan. Sa halip, ito ang ikababanal ng tao at ikapagkakaroon niya ng buhay na walang hanggan (Roma 6:22, 19 NPV). At upang maingatan ang dakilang kalayaan na ipinangako, ganito ang bilin ng mga apostol:
“Para sa kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo; kaya’t magpakatatag kayo at huwag pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin.” (Gal. 5:1 Ang Bagong Ang Biblia)
Ang tinutukoy na “pamatok ng pagkaalipin” ay ang gawa ng laman o kasalanan (Gal. 5:19-21). Ang pinaghaharian ng kaisipan ng laman ay patungo sa kamatayan at sila’y hindi kalulugdan ng Diyos samantalang ang nasa kapayapaan naman ay nagtataglay ng kaisipan ng Espiritu at siyang tinatahanan ng Espiritu ng Diyos at ni Cristo:
“Sapagka’t ang mga ayon sa laman ay nangagsisitalima sa mga bagay ng laman; datapuwa’t ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu. Sapagka’t ang kaisipan ng laman ay kamatayan; datapuwa’t ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan. Sapagka’t ang kaisipan ng laman ay pakikipagalit laban sa Dios; sapagka’t hindi napasasaklaw sa kautusan ng Dios, ni hindi nga maaari: At ang nangasa laman ay hindi makalulugod sa Dios. Datapuwa’t kayo’y wala sa laman kundi nasa sa Espiritu, kung gayo’y tumitira sa inyo ang Espiritu ng Dios. Datapuwa’t kung ang sinoma’y walang Espiritu ni Cristo, siya’y hindi sa kaniya.” (Roma 8:5-9)
Tiniyak din ni Apostol Pablo na kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon, doon ay may kalayaan (II Cor. 3:17).
Kaya, kung hangad ng tao ang mapayapa, masagana, at malayang pamumuhay na walang anumang bagabag o kapighatian, napakahalagang masumpungan siya sa pagsunod. Ganito ang patotoo ng isang lingkod ng Diyos: “Ako nama’y mamumuhay nang payapa at malaya, Yamang ako sa utos mo’y sumusunod namang kusa” (Awit 119:45 Magandang Balita Biblia).
Isang dakilang kalayaan ang tatamuhin ng tao kung susunod lamang siya sa lahat ng kalooban ng Diyos sa paraang pumaloob siya sa tunay na Iglesia, ang Iglesia Ni Cristo. Sa ganito, anuman ang mangyari sa mundo ay magkakaroon siya ng tunay na kalayaan mula sa pagkaalipin sa kasalanan at malaya ding maisasagawa niya ang paglilingkod na taglay ang pag-asa sa pagmamana ng mga pangako ng Diyos.
Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message.